IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Category: Uncategorized

XIAOTIME 21 November 2012: TARLAC, KABISERA NG UNANG REPUBLIKA

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 21 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Altar-Mayor ng Katedral ng Tarlac na may estatwa ni Apung Basti (San Sebastian),1930s. Ito ang sayt ng pagpapatuloy ng Kongreso ng Unang Republika ng Pilipinas, 1899.

21 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=wK9lWmQHAys&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Pinababatid ng Pamahalaang Panlungsod ng Tarlac at nina Cloydy Manlutac at Dong Bautista:  Magsaya, kumita at bumili para sa tuloy-tuloy na sigla!  May tiangge sa plazuela ng Tarlac City hanggang December 8!  Lingid sa kaalaman ng marami, ang aking bayang sinilangan, ang Tarlac, Tarlac ay hindi lamang bahagi ng walong sinag ng araw sa ating bandila ng mga unang umaban sa mga Espanyol, naging kabisera din ito ng Republika ng Pilipinas mula June 21, 1899.  113 years ago noong isang linggo, November 12, 1899, bumagsak ang kabiserang ito nang sakupin ng mga Amerikano ang bayan.  Bagama’t hindi gaanong nababanggit, ang pananatili ng Unang Konstitusyunal na Republika sa Asya sa Tarlac ay hindi lamang dapat maging isang “footnote” sa ating kasaysayan, sapagkat dito, maraming nangyaring mahalaga.  Matapos masakop ng mga Amerikano ang kabisera ng Republika sa Malolos, muling nagpulong ang Kongreso sa Katedral ng San Sebastian sa Tarlac noong July 14, 1899.

Katedral ng San Sebastian sa Tarlac, Tarlac (ngayo’y lungsod) sa panahon ng Unang Republika, 1899.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na pakikipagbakbakan ng sa mga Amerikano, patuloy na gumawa ng batas ang Kongreso na ayon sa constitutional historian na si Sulpicio Guevarra, “[they] marvelously succeeded in producing order out of chaos.”  Ilan sa isinabatas nila ang mga butaw para sa pagkakasal, ang pagbabawal sa mga barkong nagpapalipad ng bandilang Amerikano, ang pagpapatala ng mga dayuhan, ang pagtatatag ng Korte Suprema at mga hukuman, ang promulgasyon ng General Orders ng Hukbong Katihan o Army.  Sa Tarlac rin itinatag ang Bureau of Paper Money kung saan sa palimbagan ni Zacarias Fajardo inilimbag ang mga mamiso, dos, cinco at beinte pesos.  Sa Gerona, Tarlac naman ginawa ang mga barya sa  Smith, Bell, & Co.

Ang mga perang papel at barya na inilibas ng Unang republika sa Tarlac.

Noong June 30, 1899 binigyan ng amnestiya ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora at tinawag na mga “amigos” na nagpapatunay hindi lamang ng tapang ng mga Espanyol kundi ng kabutihan ng mga Pilipino.  Nagpapatunay din ito na ang tunay na nagtagumpay sa himagsikan laban sa mga Espanyol ay tayong mga Pilipino.  Ang araw na ito ay ipinagdiriwang ngayon bilang Philippine-Spanish Friendship Day.

Los Ultimos Filipinos, ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora na nabigyan ng amnestiya mula sa Unang republika sa Tarlac.

Ang Simbahan ng Baler kung saan nagkuta ang Los Ultimos Filipinos, 1899. Sa mga Espanyol, liban sa Maynila, ang Baler ang naaalala nilang lugar kapag naritinig ang pangalang Pilipinas.

Gayundin, ang unang unibersidad na Pilipino, ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas at ang hayskul na Instituto Burgos mula sa Malolos ayt nagpatuloy sa Kumbento ng Tarlac.  Sa tanging graduation nito noong September 29, 1899, pinirmahan mismo ni Pangulong Aguinaldo ang mga diploma.

Casa Real ng Tarlac, opisina ng panguluhan ni Emilio Aguinaldo, nasa sayt ngayon ng Tarlac State University.

Sa Casa Real ng Tarlac na ngayon ay sayt ng Tarlac State University, nag-opisina si Aguinaldo habang sinusulat ang pinakaunang limbag na tala ukol sa Himagsikan, the True Version of the Philippine Revolution kung saan niya tinuligsa ang mga atrocities o brutalidad ng mga Amerikano sa mga Pilipino.

Ang unang limbag na kwento ng Himagsikan sa perspektibang Pilipino ay isinulat ni Emilio Aguinaldo at isinulat sa Ingles at Espanyol. Maraming mga historyador ang naghinuha na ghost written lamang ito hanggang mahanap ang orihinal sa Tagalog sa sulat kamay ni Aguinaldo.

Ngunit noong November 12, 1899, sa kabila ng pagtatanggol ni Heneral Francisco Makabulos at Heneral Servillano Aquino at ng 400 nilang tauhan, nakuha ni Hen. Arthur MacArthur at ng 3,000 niyang tao ang Tarlac, nagmartsa silang papasok sa bayan, basang-basa sa ulan.

Heneral Francisco Makabulos y Soliman

Heneral Servillano Aquino

Ayon kay Nick Joaquin, sa pagsakop sa Tarlac, “The Republic Had Fallen.”  Tuluyang nahuli si Aguinaldo sa Palanan noong 1901.  Sa pamamagitan ng mga kasaysayang lokal tulad ng mababasa sa bagong aklat na

Kasaysayang Pampook:  Pananaw, Pananaliksik, Pagtuturo ng UP Lipunang Pangkasaysayan, mapapagtanto natin na bawat kwento ng bayan ay mahalaga sa pagbubuo ng isang mas matibay at mapagkaisang pambansang kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 14 November 2012)

XIAOTIME, 20 November 2012: KOLEKSYONG LOPEZ-RIZAL SA DLSU MANILA LIBRARY

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 20 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isa si Rizal sa mga nagsasayang magkakaibigan dito. Nasaan siya at ano ang kanyang tinutugtog? Basahin sa ibaba?

20 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=DRPtFbGUBbU&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang mga pinsan kong sina Carlo at Camille Briones Manlutac na nagdiwang ng kanilang mga kaarawan noong isang linggo.  Sabi nila, marami raw talento ang ating National Hero na si José Rizal, liban sa pag-awit, ngunit may ebidensya bang nagsasabi na mahilig siya sa musika?

Isang silid sa lumang DLSU Manila Library. Kuha ni Xiao Chua.

Ang Aklatan ng Pamantasang De La Salle Maynila ay naglalaman ng 373,081 na mga aklat, maging ang mahahalagang dokumento ng ilang prominenteng mga tao tulad nina Bro. Andrew Gonzales, mga senador Lorenzo Tañada at José Diokno, Peque Gallaga, José Javier Reyes, Doreen Fernandez, historyador na si Zeus A. Salazar at marami pang iba.

Si Zeus Salazar nang idoneyt niya ang kanyang mga papeles sa DLSU Manila Library, kasama sina Ana Maria B. Fresnido at Willian S.A. Frias, ang Library Director at Assistant Director for External Operations kapwa, 30 Agosto 2007.

Gayundin ang mga palayok na ginawa pa ng ating mga ninuno bago dumating ang mga Espanyol.  Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, bahagi ng mga koleksyon nito ang aklatan ni Asuncion Lopez-Bantug.  Huh??? Who’s that Pokemón?

Ang Koleksyong Rizal-Lopez. Kuha ni Xiao Chua

Siya lang naman ang anak ni Dr. Leoncio Lopez-Rizal na pamangkin naman ng ating Pambansang Bayani na si Gat Dr. José Rizal.  Samakatuwid, LOLO talaga niya si Rizal.  Sumali siya sa Commonwealth Biography Contest para kay Rizal at nagwagi pa bilang honorable mention kasama ng tanyag na historyador na si Carlos Quirino.  Sa kakatanong ng mga anak ukol sa kanilang sikat na lolo, inilathala niya sa wakas noon lamang 1982 ang kanyang Lolo José:  An Intimate Portrait of Rizal na hitik sa mga kwento ng pamilya mismo na bumubuhay kay Rizal sa bawat pahina nito.

Asuncion “Siony” Lopez-Bantug

Leoncio Lopez-Rizal

Ang kanyang ama naman na si Dr. Leoncio ay bahagi ng José Rizal National Centennial Commission kaya ang kanyang koleksyon ng mga aklat ukol sa ating mga bayani ay hindi matatawaran lalo na ang isang orihinal na manuskrito ng isang akdang isinali sa patimpalak para sa sentenaryo noong 1961 mula sa isang nagtatago sa pangalang “Aries.”  Ito pala ang “The First Filipino” ng nagwaging awtor at diplomat na si León Ma. Guerrero.

Orihinal na manuskrito ng “The First Filipino” ni Aries

Si “Aries” si Leon Ma. Guerrero

Noong buwan ng 150th birthday ni Rizal itinampok ko sa isang eksibisyon ang mga importanteng aklat ng Lopez-Rizal-Bantug Collection sa DLSU Library na kinabilangan ng isang orihinal na sipi ng ensayklopidyang Historia Universal ni Cesaré Cantu na sinasabing nakuha ng batang si Rizal sa pamamagitan ng panlilinlang sa kanyang ama na kailangan niya ito sa klase.  Marahil ganitong kopya, kung hindi man, ito mismo ang kopyang pagmamay-ari ni Pepe.

“Historia Universal” ni Cesaré Cantu.

Bahagi ng koleksyong Bantu gang ilang alaala mula sa pamilya Rizal lalo na ang isang flute na pagmamay-ari mismo ni Rizal!  Si Rizal ay nagtangkang mag-compose ng ilang awitin tulad ng “Canto del Viajero,” “Canto Patriotico de Maria Clara” at “Himno a Talisay.”  Sa isang larawan makikita si Rizal na tila nagsasaya kasama ng kanyang naka-cosplay na barkada, nakasumbrero ng Romanong sundalo at nagpaplawta.  Ang koleksyon at ang buong aklatan ay ililipat na sa bago nitong lokasyon sa Henry Sy Sr. Hall ng DLSU Manila.  Ebidensya ang plawta sa Koleksyong Lopez-Rizal-Bantug na si Rizal ay hindi lamang isang matigas na mukha sa piso kundi taong-tao na marunong magsaya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(The Library, DLSU Manila, 14 November 2012)

Ang bagong Henry Sy, Sr. Centennial Hall ng DLSU Manila

XIAOTIME, 19 November 2012: Istorya sa Likod ng MANILA FILM CENTER

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 19 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pagguho ng Manila Film Center, 17 November 1981, kuha ng GMA News

19 November 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=JkITPw4SYxw&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  31 years ago noong Sabado, November 17, 1981, bandang alas tres ng madaling araw, nang gumuho ang ginagawang Manila Film Center na proyekto ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.  Sinasabing hanggang ngayon marami pa rin daw na katawan na nakalibing doon at nagmumulto sila?  Huh?

Sino kaya ang nagsulat ng mga nakasulat sa pader ng hindi napupuntahang bahagi ng Manila Film Center, at kaninong anino ito? Kay Howie Severino, sa kanyang dokumentaryong “Multo ng Nakaraan.”

Liwanagin natin.  Noong 1981, hiniraya ni Gng Marcos na magkaroon ng isang sinupan na mag-iingat ng mga pelikula sa Pilipinas at magtataguyod din ng masining na paggawa nito.  Si Arkitekto Froilan Hong ang nagdisenyo nito na inspired ng Parthenon sa Athens, Greece at nagkakahalaga ng tinatayang Php 200 Milyon.

Parthenon sa Atenas, Gresya

Sinasabing nais ni Gng. Marcos na maging “Cannes of Asia” ang Maynila at ninais raw niya na maglagay ng white sand sa bahagi ng CCP Complex upang makumpleto ang ilusyon.  Araw-gabi na trabaho upang madaliin ang gusali para umabot sa pagbubukas ng Manila International Film Festival o MIFF noong January 18, 1982.  Hindi pa gaanong natutuyo ang semento, naglalagay muli ng bagong palapag ang mga trabahador.

Noong madaling araw ng November 17 1981, gumuho ang bandang bubungan ng tinatayong gusali, natabunan ng sementong madaling matuyo maging ang ilang mga bata dahil may mga pamilya pala na nakatira doon.  Kinordunan ang eksena at maging ang mga ambulansya at nakapasok lamang matapos ang siyam na oras.

Sinasabing ang supervisor ng proyekto ay nag-utos “pour the cement” sa bangkay ng mga biktima at kahit ang mga hindi mabunot ay lagariin na lamang dahil ayaw maantala ng Unang Ginang ang pagpapatayo ng gusali.  Ayon sa opisyal na tala na lumabas sa mga dyaryong kontrolado ng rehimen, 25 lang ang namatay kabilang ang isang inhinyero, na si Benigno G. Aquino.  Hanep ang nilabas pang pangalan kapangalan pa ng kalaban ni Pangulong Marcos!  Ayon kay Gng. Marcos mismo, “…may nabaon na ilang taon doon, pero hindi totoo na meron kaming iniwan na patay d’yan.  Yan naman Diyos ang may alam.  Maski natin hukayin piece by piece, stone by stone d’yan, ni isang buto ng tao wala d’yan naiwan.  Totoo ‘yan.  I will never do that.”  Ang tunay na taya ay 168 ang nasawi, ang mga katawan ng marami sa mga ito ay sinunog sa tabing-dagat.  Matapos ang trahedya, hinarang ni Prime Minister Cesar Virata ang pagpapalabas ng karagdagang $ 5 Milyong pondo para sa MIFF.  Trenta minutos bago ang inaugural program naglalagay pa rin ng mga silya.  Ang mga damo ay kinulayan ng berde na dumikit naman sa gowns ng mga bisita.  Sa sumunod na taon 1983, flopchina na ang MIFF kaya pinayagan na rin ang mga experimental films o mga pelikulang hubaran.  Nakilala ang MIFF bilang Manila International Fighting Fish, Fighting Fish ay kolokyal na ekspresyon para sa torohan noon.  Pero in fairness maaari ngang totoo ang sinasabing wala ngang naiwan na patay doon.  Nang ilabas ni Howie Severino ang dokumentaryo niya ukol sa trahedya, “Multo ng Nakaraan” noong 2005, nanawagan siya para sa mga taong may kamag-anak pa na nabaon sa Film Center, walang tumugon.  Wala rin naming nagtitirik ng bulaklak doon tuwing Todos Los Santos.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)

XIAOTIME, 16 November 2012: MALACAÑAN, Mansyon sa Tabi ng Ilog Pasig

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 16 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Sino ba ang mag-aakala na ang lumang mansyon na ito ang magiging sentro ng kapangyarihan sa Pilipinas?  Ito ang pinakalumang larawan ng Malacañan.  Mula sa Malacañan Palace: The Official Illustrated History

16 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=6CrXBajzxw0&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  210 years ago ngayong araw, November 16, 1802, nang ipagbili ng mayamang si Don Luis Rocha sa halagang Php 1,100.00 lamang ang kanyang mansyon sa tabi ng ilog Pasig kay Col. Don José Miguel Formento.  Ang mansyon na ito ay ipagbibili naman ni Formento sa Pamahalaang Espanyol matapos ang ilang taon, 1825, sa halagang Php 5,000.00 na!  Ang mansyon ay tinawag na Malacañan!  Malacañan??? What’s that Pokemón???  Ang salitang Malacañan ayon sa sabi-sabi ay nagmula sa “ma lakan iyan” o “maraming malalaking nilalang diyan” o “mala caña” o masamang kawayan.  Noong kasi maraming kawayan din na sinasabing pinamumugaran ng mga maligno.  Hanggang ngayon sa puno ng balete doon may isang multong tinatawag na “Mr Brown.”  Pero sa pananaliksik nina Manolo Quezon, Jeremy Barns at Paolo Alcazaren sa kanilang komprehensibong kasaysayan ng palasyo, may binaggit silang Spanish historian na nagsabi noong 1877 na ang Malacañan sa wikang Espanyol ay lugar ng mga mangingisda.

Ang lumang Malacañan na may mga mangingisda, mula sa Old Manila ni Jose Ma. Zaragosa.

Maaaring tinutukoy ito na “mamamalakaya-han.”  Noong 1847, ang posesion na ito ng pamahalaan ay naging opisyal na summer residence ng gobernador heneral ng Pilipinas simula kay Gobernador Heneral Narciso Claveria na kilala bilang nagpalit ng mga apelyido natin.  Pansinin na panahon pa lamang ng mga Espanyol, sa mga plano ng palasyo na ginawa ni Arkitekto Luciano Oliver, wala nang “g” ang Malacañan kaya mali ang kwento na nabulol ang mga Amerikano kaya tinanggal ang “g” sa opisyal na pangalan ng Palasyo ngayon.  Nang mawasak ang Palacio del Gobernador sa Intramuros noong lindol ng 1863, tuluyan nang naging seat of power ang Palasyo ng Malacañan mula sa mga gobernador heneral na Espanyol hanggang sa panahon ng mga Amerikano.  Bahain ito, well hanggang ngayon.  Noong panahon ni Gob. Hen. Francis Burton Harrison hanggang sa panahon ni Pang. Ferdinand E. Marcos, ang opisina ng pinuno ng Pilipinas ay hindi sa loob ng palasyo kundi sa tinawag na Old Executive Building na naging Kalayaan Hall kung saan naroon ngayon ang museo ng palasyo.  Noong panahon ng Hapones ayaw ni José P. Laurel na naroon sa loob ang mga gwardiyang Hapones at nakikipagkita pa siya doon sa mga gerilya.  Sa panahon ni Ramon Magsaysay, binuksan niya ang mismong palasyo sa mga tao upang siya mismo ang makinig sa kanilang mga hinain.  Medyo naapektuhan ang ilan sa mga “rug” at kasangkapan sa palasyo.  Kung akala niyo ito ang larawan ng palasyo ngayon, nagkakamali kayo.

Malacañan bago ang renobasyon ng Pangulong Marcos. Mula sa Malacañan Palace: The Official Illustrated History

Panahon ito nina Magsaysay kung kailan nakakapag-relax pa kasama ng bisita sa veranda.  Dahil sa bumabahong ilog at dahil sa mga banta sa kanyang seguridad, sa panahon ni Ferdinand Marcos lubos na nabago ang palasyo ng sumailalim ito sa isang massive renovation.  Ito na ang hitsura nito ngayon sa harapan ng ilog na hindi gaanong nalilitratuhan dahil bawal itong kuhanan ng litrato.

Ang Palasyo ng Malacañan ngayon. Mula sa Malacañan Palace: The Official Illustrated History

Noong People Power noong 1986, pinasok ito ng mga tao na tila binabawi ito para sa kanila.  Mula EDSA maraming pangulo ang piniling tumira sa labas nito, na tila nagsasabi na ang Malakanyang ay tanggapan lamang ng panguluhan.  Ang talagang may-ari niyo ay ang bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 November 2012)

Ang pagbawi ng bayan sa Malacañan, 25 Pebrero 1986. Mula sa Bayan Ko!

XIAOTIME, 14 November 2012: KABATAAN ANG GAGAWA NG KASAYSAYAN

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 14 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

14 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=_im1rsC0SPQ&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa aking kaibigan at housemate na si Joshua Duldulao.  Sa December 17, 2012, inanyayahan niya akong maging tagapagsalita para sa paksang “Learning from Our Heroes” na isa sa magbubukas sa National Youth Development Summit o N-Y-D-S ng Kaakbay Youth Development Initiatives na gaganapin sa Silliman University sa Dumaguete City na may temang “Reclaiming the past, imagineering the future.”  Magiging kasama kong tagapagsalita sina Tony Meloto, Liling Briones, Etta Rosales, Erin Tañada, Anna Oposa, Bam Aquino, Juana Change, Sherwin Gatchalian at marami pang iba at tatalakayin dito ang apat na pangunahing mga isyu:  Accountability in Public Finance, Environmental Accountability, Idealism, at Nationalism.  Sinasabing ito ang “most holistic youth development conference in the Philippines yet.”  Ito po ay endorsado na ng DILG para sa mga SK leaders, ng DepEd at ng CHED.  Para sa karagdagang impormasyon, puntahan ang http://www.nydsph.org.  Magkita-kita po tayo doon.  Pero nasaan na nga ba tayong kabataan na sinasabi ni Rizal na pag-asa ng bayan.  Wala daw tayong pakialam, wala daw tayong inatupag kundi ang pagkahumaling sa kulturang kanluranin at sa kanilang mga video games.

Si Rizal, obra maestra ni RC Mananquil

Sa kanyang El Filibusterismo tila kinakausap pa rin tayo ng ating National Hero, “A, kayong kayo bago pa man dumating ang inyong kamatayan!”  Bahagi ng aking talk ang pagpapakita mga kabataan! Nanaginip pa rin kayo! …Gusto n’yong maging mga Kastila din kayo, pero hindi n’yo nakikitang ang pinapatay n’yo ay ang inyong pagkabansa! Ano ang inyong magiging kinabukasan? Isang bansang walang pagkatao at kalayaan? Lahat sa inyo ay hiniram, pati na ang inyong mga depekto. Mamamatay ng mga patunay na hindi hadlang ang pagiging kabataan upang paglingkuran ang bayan.  Huh???  Paano maglilingkod, e bata pa, wala pang kapangyarihan, wala pang kayamanan?  Paano???  Liwanagin natin.  137 years ago ngayong araw, November 14, 1875, isinilang si Gregorio del Pilar sa San José, Bulacan.  Nang ipagtanggol niya ang Republika ng Pilipinas mula sa mga Amerikano sa Tirad Pass, Ilocos Sur noong December 2, 1899, ang kanyang edad:  24 years old.

Gregorio del Pilar

Nang ipalimbag ni Rizal ang kanyang unang nobela, ang Noli Me Tangere na naglantad ng mga pang-aabuso ng kolonyal na sistema, ang kanyang edad:  26 years old.  Nang isulat ni Emilio Jacinto ang Kartilya ng Katipunan na naging batas at doktrina ng mga Anak ng Bayan, ang kanyang edad: 18 years old.

Emilio Jacinto

Nang binusalan ang malayang media sa panahon ng diktadura, ang Philippine Collegian na pinamatnugutan ni Abraham “Ditto” Sarmiento, Jr. ang naglabas ng katotohanan.

35 years ago rin ngayong araw na ito, November 14, 1977, namatay si Ditto sa edad na 27 years old sa sakit sa puso, epekto ng kanyang pagkakakulong ng ilang buwan sa mga kampo militar noong 1976.

Inuudyukan tayong mga kabataan ng ating mga bayani na gamitin ang ating talento at hilig upang ma-inspire din ang iba pa na paglingkuran ang sambayanan, tulad ng iniwang mga bilin sa atin ni Ditto, “Kung hindi tayo kikibo, sino ang kikibo?  Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos?  Kung hindi ngayon, kalian pa?”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 November 2012)

XIAOTIME, 13 November 2012: ANG HALAGA NG PAGKAKAROON NG PAMBANSANG WIKA

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 13 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanggapan ng Surian ng Wikang Pambansa sa Maynila noong Dekada 1950. Larawan mula sa SIL Philippines.

13 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=IWhcOF9Rni4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  76 years ago ngayon, November 13, 1936, itinatag ang Institute of National Language of the Philippines.  Ano ba ang halaga na may pambansang wika tayo?  Madalas kong makita mga karatula sa mga paaralan ngayon na ipinagmamalaki na “This is an English-Speaking Zone.”

Si Joel Costa Malabanan, kompositor ng “Speak in English Zone” : “Ang bayan ko ay Speak in English Zone / Alipin kami noon hanggang ngayon / Ang pagbabago ang tanging solusyon / Durugin ang kolonyal na edukasyon!”

Diumano upang tayo ay maging “globally-competitive,” ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang polisiya na halos lahat ng asignatura ay dapat itinuturo sa Ingles.  Dito, kapag ikaw ay nagsasalita sa Ingles, kahit wala namang laman ang sinasabi mo, ang tingin sa iyo ay matalino.  Sa isang mamahaling kolehiyo aming nakita minsan ni Dr. Zeus Salazar, “English is the language of leaders.”

Sabi niya, “Bakit?  Si Napoleon ba iningles ang mga Pranses?  Si Mao ba iningles ang mga Tsino?”  Kahit marami ngayon ang “wrong grammar” sa paggamit ng Ingles, ipinagmamalaki natin na mas marami pa ring nagsasalita ng Ingles dito sa Pilipinas kaysa sa Inglatera.  Kung totoo ito, bakit tila hindi tayo mga pinuno sa daigdig?  Bakit tayo naghihirap?  Bakit walang sapat na marangal na trabaho sa bansa na kinakailangan na matuto tayo ng Ingles upang magsilbi sa pangangailangan ng mga dayuhan sa mga kasambahay, nars at caregiver at tagasagot ng telepono?  Bakit ang Hapon, Tsina, Europa ay mayaman kahit na maging ang mga CEO ng kanilang mga kumpanya ay bobo sa Ingles?  Sapagkat ang biyaya ng edukasyon, ekonomiya at pulitika dito sa Pilipinas ay nananatili lamang sa mga marunong mag-Ingles.  Ang may kontrol sa wika ay may bahagi sa kapangyarihan.  Maraming dahilan kung bakit tayo mahirap, ngunit hindi ba’t kabilang dito ang katotohanang hindi talaga makasawsaw ang mas nakararami sa mga isyu ng pagkabansa?  It’s the language… .  Samahan niyo ako mag-imagine:  Sa kabila ng iba’t ibang wika na nakapaloob sa Kapilipinuhan, tayo ay nagkakaintindihan sa isang wika na mula sa ating kapuluan.  Ayon kay Dr. Salazar, “Gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, …pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa.  Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang ‘code’—ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali.  Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.”  Imbes na sa Ingles lamang nakalimbag ang Harry Potter o Twilight saga, ito ay isinasalin sa wikang mababasa na rin ng mas nakararaming Pilipino; na naglilimbag na tayo ng mga aklat ukol sa pilosopiya, quantum physics o quantum mechanics sa ating sariling wika; Na sa sistemang legal sa Pilipinas hindi na naagrabyado sa kaso ang mga mahihirap dahil wala silang maintindihan; Na naisasama na ang mahihirap sa biyaya ng ating ekonomiya dahil naiintindihan na nila ito; Na unti-unting nabubuo ang ating bansa dahil “nag-uusap tayo,” tulad ng sinasabi ni Boy Abunda, ukol sa ating sariling kasaysayan at karanasan, natutuklasan natin ang ating sariling lakas, at sa pagkakaintindihan nabubuo ang respeto sa isa’t isa, na nagbubunsod ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.  Hindi ba napakaganda ng bansa natin kung ganoon?  Kailangan magkaintindihan muna tayo at makilala ang ating sarili bilang bayan bago tayo makaharap sa iba.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 November 2012)

XIAO TIME, 12 November 2012 / 8 January 2014: ANG TAGUMPAY SA LABANAN SA BINAKAYAN

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 12 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Labanan sa Binakayan, diorama na nasa Dambana ng Kasarinlan, Dambanang Pangkasaysayang Emilio Aguinaldo, Kawit, Cavite.

12 November 2012 / 8 January 2014:  http://www.youtube.com/watch?v=JScdpPxzLmY

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  116 years ago kahapon, November 11, 1896, nang magtagumpay ang Katipunan sa Battle of Binakayan sa Kawit, Cavite laban sa mga Espanyol.  Ito ang itinuturing na isa sa unang malaking tagumpay ng himagsikan laban sa mananakop at pinangunahan ito ni Heneral Emilio Aguinaldo.  Paano nangyari ito?  November 8, 1896, dumating sa mga dalampasigan ng Binakayan ang isang batalyon ng mga sundalong Espanyol na may mga suportang kanyon at nakubkob ang mga kuta ng mga rebolusyunaryo kinabukasan.  Dadalawang pulutong lamang sila ngunit kahit na nakuha na ang kanilang trintsera, hindi sila tumigil.

Monumento ni Candido Tria Tirona, mula kay Dr. Isagani Medina

Kagagaling lamang noon sa Labanan sa Talisay, Batangas ni Heneral Candido Tria Tirona nang samahan sila at mapasabak ulit sa labanan sa Binakayan alas-cuatro y media ng hapon noong araw na iyon.  Subalit napagod sila at nagsipagpahinga.  Kinabukasan, dumating ang tropa ni Heneral Crispulo Aguinaldo at sabay-sabay na nilang inatake ang napakalaking pwersang Espanyol.

Crispulo Aguinaldo, mula kay Dr. Isagani Medina

Nang matapos ang labanan, 600 na mga bangkay ang natagpuan, tinatayang 500 ang namatay sa mga pwersa ng Espanyol kabilang na ang isang komandante, isang kapitan, ang hepe ng marine infantry, at anim na tinyente.  Nakuha nila ang 26 na bihag, 200 mga baril na Mauser at Remington, ilang kanyon, mga gamit pang-inhinyero, daang-daang probisyon at supplies, at libo-libong mga bala.  Sa kasamaang palad, si Hen. Candido Tria Tirona, na nagpapahinga sa ilalim ng isang puno, ay natiyempuhan ng isang Espanyol na sinaksak siya sa ulo, patay.

Monumento para sa Labanan sa Binakayan sa harapan ng Island Cove Resort sa Kawit, Cavite.

Sa katotohanan, may kasabay na tagumpay ang labanan sa Binakayan na hindi gaanong nababanggit, ang labanan sa Dalahican, Noveleta, may anim na kilometro mula Binakayan.  Nabawi ang mga kutang rebolusyunaryo sa pamumuno ng mga Magdiwang na sina Heneral Santiago at Pascual Alvarez, Heneral Artemio Ricarte, Heneral Mariano Riego de Dios at Henerala Gregoria Montoya, na sa kasamaang palad ay namatay din sa labanang iyon.

Detalye ng monumento para sa Labanan ng Binakayan, Kawit, Cavite.

Ito ang pinakamalaking pagkabigo na nalasap ni Gobernador Heneral Ramon Blanco na mismong nanguna sa laban.  Naging sikreto ng mga taga-Kabite noon ang mga Western-style na mga trenches na itinatag ng inihinyerong nag-aral sa Belgium na si Edilberto Evangelista.

“Governor Blanco and His Troops” ni Felix Martinez, 1895. Nakasabit sa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Sa kasamaang palad nang lumusob ang mga bagong pwersang Espanyol, ang marami ay pinabalik ng Maynila mula sa pakikipagbakbakan sa mga Moro, ang mga trintserang nagpanalo sa Cavite ay makukubkob din sa mga susunod na mga buwan dahil madaling palibutan ang mga ito, kabisado ang istilo at nagamit pa ng mga Espanyol.

Ang mga trintserang itinatag ng mga taga-Cavite na gamit-gamit ng mga Amerikano, mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Ngunit ang Labanan sa Binakayan ang nagbigay ng status noon kay Heneral Aguinaldo bilang buhay na alamat at magaling na pinuno na nauna nang nagtagumpay at nakuha pa ang espada ni Heneral Ernesto de Aguirre, chief of the general staff ng pwersang Espanyol sa Pilipinas sa Labanan sa Imus noong September 3, 1896, isang espada na gawa sa Toledo, Spain noong 1869, ang taon ng kanyang kapanganakan.

Heneral Ernesto de Aguirre, mula kay Dr. Isagani Medina

Emilio Aguinaldo at ang espada ni Hen. Aguirre, mula sa Philippines Free Press.

Nagpatunay din ito sa tapang at galing ng mga anak ng bayan noong Himagsikan.  Ito ang dapat nating sariwain.  Kasi naman, kadalasan kasi, mas naaalala pa natin ang ating mga pagkatalo.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 7 November 2012)

BATHALA: Si Zeus Salazar Bilang Dalumat Mismo, Ika-75 Taon, Isang Pagpapahalaga, 2009

“Ang Bathala,” sining ni Charlemagne John “Jojo” Chua mula sa kuhang larawan ni Xiao Chua.

“Bathala.”  Ito ang tawag, kapwa ng mga nagmamahal at naiirita, kay Zeus Atayza Salazar, retiradong propesor ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, at Ama ng Pantayong Pananaw.  Tanggap niya ang tawag na ito, subalit marami ang namamali sa pag-aakalang Diyos ang turing niya sa kanyang sarili.  Ang tanging dahilan ng kanyang pagtanggap sa tawag na ito ay sapagkat ito ang direktang salin ng kanyang pangalan sa wikang Filipino, na kanyang masigasig na isinusulong tungo sa pagkakaisa at pagbubuo ng bansa.

Sa kabila nito, kung ang historiograpiyang Pilipino ay Bundok Olympo, garantisadong isa si ZAS sa mga magkakaroon ng apotheosis, sa kanyang impluwensya sa marami sa Agham Panlipunan.  Hindi ito maipagkakaila.

Isa lamang ito sa mga dalumat na maaaring ikabit kay ZAS.  Tulad sa dalumat ni Dr. Covar, si ZAS, na may pagkataong Pilipino, ay tila isang banga—may loob, labas at lalim.  Sa labas, maaaring sabihing 75 taon na siya, ngunit ang kanyang loob—kaisipan, ay patuloy na tumatalas, kung minsa’y nakahihiwa pa (no pun intended).  At sa lalim ng kanyang iba’t ibang pagkatao makikita pa rin ang dalumat ng ating kalinangan.

Zeus Salazar, UP, Summa Cum Laude

Si Zeus bilang Dangal:  Nang iluwal ng bayan ng Tiwi, Albay noong 29 Abril 1934 ang isang Zeus Salazar, naging ligaya at dangal na ito ng kanyang mga magulang na sina Ireneo Salazar at Luz Salazar (nee Atayza) bilang kanilang panganay sa pitong anak.  Namayagpag bilang estudyante ng Bikol at Maynila bago tumuntong ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong 1951.  Noong 1955, nagtapos siya ng AB Kasaysayan bilang Summa Cum Laude.  Simula lamang ito ng marami pang karangalan para kay ZAS kabilang na ang Chévalier dans l’Ordre des Palmes Academiques ng Pamahalaang Pranses noong 1978 at “Gawad Lope K. Santos”.  At tila naipasa niya ang dangal na ito sa kanyang mga anak na matatagumpay sa kanilang napiling karera sa Europa.

Si Zeus sa Europa

Si Zeus bilang Raja Laot:  Mula 1956 hanggang 1968, nilakbay ni ZAS ang Europa sa kanyang pag-aaral ng iba’t ibang kurso sa Sorbonne, Université de Paris at iba pang paaralan sa Pransya, Alemanya at Olandia.  Noong Dekada 1980 at 1990, nagturo rin siya sa Italya, Alemanya, Croatia, Montenegro, at Australia.

Si Zeus Salazar (kanan) sa Palma Hall, UP Diliman

Si Zeus bilang Ladino:  Sa kanyang paglalakbay, natuto siya ng humigit-kumulang sampung wika at nakakapagsalita at nakakapagsulat sa mga wikang Filipino, Bicolano, Ingles, Español, Pranses, Aleman, Italyano, Ruso, Malayo.

Si Zeus bilang Bagani:  Sa kabila ng kanyang pagtatamo ng kalinangan ng daigdig, tulad ng isang sinaunang kawal, siya ay nagbalik sa bayan upang ibalik ang karunungang kanyang natamo bilang isang guro.  Laganap na ang kwentong si ZAS at isang terror teacher, mabagsik, istrikto.  Hindi iilang estudyante ang umiyak nang dahil sa pangalang Zeus.  Subalit, lahat ng nakausap ay nagsasabing hinasa at inalagaan niya sila upang maging isang mas mabuting historyador at tao.

Zeus Salazar bilang whistle-blower ng kontrobersyang Tasaday, sa Tasaday International Conference, 1986.

Si Zeus bilang Umalahokan:  Nang pumutok ang pandaigdigang isyu ng pagkakatuklas sa mga Tasaday ng Rehimeng Marcos, si ZAS ang pinakaunang akademiko na nagduda sa pagka-Stone Age nito.  Marahil, dahil dito, at sa kanyang pakikilahok sa kilusang bayan noong Sigwa ng Unang Kwarto (1970) at Diliman Commune (1971), isa si ZAS sa mga unang akademikong napiit sa ilalim ng Batas Militar noong 1972-1973.

Panunumpa ni Dr. Zeus Salazar bilang Dekano ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng UP Diliman, katabi si Dr. Prospero Covar

Si Zeus bilang Datu:  Naging tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan (1987-1989) at Dekano ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (1989-1992).  Kahit ngayon, mayroon siyang swabeng paraan ng paghingi ng pabor/pag-utos, na kung susuriing mabuti, ang gawain para sa kasaysayan ang lubos na makikinabang.

Si Zeus Salazar habang nilalagdaan ang kanyang panunumpa sa tungkulin bilang Dekano, kasama ang kanyang mga kaguro.

Si Zeus bilang Bisa:  Ang iskolarsyip ni ZAS, mula sa kanyang mga sulatin ukol sa ating pinagmulang Austronesyano, dalumat ng Ginhawa, Real ni Bonifacio, at marami pang iba, ay naging mabisa sa paghahablot ng takip-matang Kolonyalismo na lumalambong sa kaisipan ng marami.  Dahil sa kanya at sa BAKAS, nailimbag ang mga iskolarling akda sa Kasaysayan sa Wikang Filipino, marahil sa unang pagkakataon.  Sa kanyang paggigiit sa paggamit ng wikang nagbubukold sa buong bansa, mabisa niyang naipupunla sa maraming iskolar, guro at estudyanteng Pilipino ang kanyang mga kaisipan.

The Running Dean

Si Zeus bilang Hangaway:  Bagama’t maaaring maging simpatiko, si ZAS ay isang masigasig na tagapagtanggol ng kanyang mga ideya laban sa kanyang mga kritiko.  Walang sinasanto kung nakikita niyang mali ang mga pananaw na inilatag.  Ngunit kaiba sa kanyang mga kaaway na kadalasan ay personal ang ginagawang atake, ideya ang larangan ni ZAS.  Totoo siya sa kanyang mga pananaw at ginagawa niya lamang ito sa diwa ng akademikong talastasan at diyalogo.  Ang matalas niyang mga kritika ay mabilis nang lumaganap nang simulan niyang gamitin ang Cyberspace–Multiply at iba pang social networks  May mga kritiko rin si ZAS na nananatiling kaibigan niya, at sa katunayan, madalas siyang tumanggi na magsabi ng masama laban sa mga kumakalaban sa kanya.  Hangaway din siyang maituturing sapagkat nilabanan na niya ng maraming beses ang malalaking panganib sa kanyang kalusugan, kaya patuloy siyang nakatayo bilang isa sa atin.

Si ZAS at ang kanyang mga alagad at hangaway

Si Zeus bilang Gahum:  Bilang mentor, si ZAS ay masasabing gamhanan nga tawo—ang kapangyarihan ng kanyang kaisipan ay malaki ang impluwensya sa maraming iskolar.  Mapag-aruga sa mga alaga subalit hinahayaan niyang ipagaspas nila ang kanilang mga sariling pakpak.  Kaya naman ganoon na lamang ang sigasig nila sa diwa ng Pantayong Pananaw saan man sila magturo, sa kabila ng mga panganib mula sa mga hindi kapanalig.  Sa tatag ng kanyang mga tagasunod, minsan na silang binansagang coterie.  Ang gahum ni ZAS ay makikita sa pagkakatatag ng iba’t ibang samahang pangkasaysayan at ang patuloy nilang pag-iral:  Bahay Saliksikan ng Kasaysayan—Bagong Kasaysayan, Inc. (BAKAS), ADHIKA ng Pilipinas, at UP Lipunang Pangkasaysayan (LIKAS).

Si Zeus bilang Anito:  Minsang sinabi ng isang dating kasama na si ZAS ay tila isang malaking puno na niyuyungyungan ang mga batang puno upang hindi lumago.  Mawalang galang na po ngunit hindi ko po ito naranasan bilang isa sa kanyang mga kapanalig.  Malaki ang naging pakinabang ng kanyang mga kaisipan at ng kanyang mga matatalim na kritisismo sa aking patuloy na pag-unlad bilang isang historyador.  Bilang aming mentor, madalas namin siyang sangguniin na tila isang Anito, hindi lamang ukol sa mga bagay na patungkol sa kasaysayan, kundi maging sa aming mga personal na usapin, maging sa isyu ng pag-ibig—ilan na ring mga kapanalig ang nais niyang ipagbuklod at may ilang mga kaso nang nagkakatuluyan bilang magkasintahan, at maging mag-asawa!  Ang kanyang mga pantas na tagubilin ang nagsisilbing gabay, hindi dikta, upang magkaroon kami ng mas mahusay na mga pasya sa aming personal at akademikong buhay.

Si Zeus bilang Ginhawa:  Bilang kaibigan at  kasama, si ZAS ay bukas palad at hindi maramot, isang daluyan ng ginhawa.  Isang halimbawa nito ay ang kanyang pagiging galante lalo na sa pagkain, na minsan nang nasabi na “Pang-akit ng Pantayong Pananaw.”

Si Zeus bilang Dungan:  Bilang isang maginoo, mapapansin ang karisma ni ZAS…

Si Zeus bilang Panday:  Hindi lamang siya akademiko, guro at historyador, isa rin siyang antroplohista, linggwista, tagasalin, makata at …pintor!  Isang kapanalig ang nagsasabing dalawang salita lamang ang kanyang naiisip sa tuwing naaalala si ZAS—“José Rizal.”  Si Zeus blang isang Renaissance Man.

Si Zeus bilang Babaylan:  Sa kanyang pagbibigay ng isang bagong lente sa atin, isang bagong pagsalaysay sa nakaraang may saysay na magbubuklod ng ating bayan, mula sa kontrobersyal na proyektong “Tadhana” hanggang sa “Pantayong Pananaw,” hindi na matatawaran ang kanyang ambag sa historiograpiyang Pilipino.

Si Zeus bilang Kapatid:  Lahat ng kanyang mga gawa at naisulat, ay tungo sa pagbubuo ng bayan na inadhika ni Andres Bonifacio bilang Katipunan ng mga magkakapatid, mga Anak ni Inang Bayan, na kumikilos tungo sa minimithing ginhawa ng lahat.  Lagi niyang sinasabi, “Kung pumutok man ang tunay na rebolusyon, naroon ako kasama ng bayan!”

Hindi lahat ng aspekto ng buhay ni ZAS ay saklaw ng sulatin na ito.  Maaari rin na maraming magtaas ng kilay sa mga hindi gaanong friendly kay Doc, ngunit si Kristo lamang siguro ang perpektong Dakilang Tao.  Si ZAS ay kinailangang gumawa ng mga desisyong masalimuot.  Isang kompleks na katauhan at hindi mabibigyan ng hustisya ng mga abang pahinang ito.  Ngunit kung may magsasaliksik sa katotohanan ng kanyang buhay, ito ang kanilang masusumpungan:  Bagama’t isang akademikong masasabing nasa intelektwal na elit, ang lahat ng gawa at isinulat ni ZAS ay para sa pagwawakas ng Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan, at pagbubuo ng bansa sa ilalim ni Inang Bayan, samakatuwid, si ZEUS bilang Bayani.

Si Zeus Salazar bilang ama

Sa pistang ito para sa ating bayani, natitipon tayo ngayon sapagkat minsan na niyang nasabi na bagama’t hindi niya kapiling ang mga minamahal at matatagumpay niyang mga tunay na anak, ay masaya siya sa piling ng kanyang mas dumadaming anak at pamilya.

“Mahal na Doc ZAS, sa iyong diamanteng jubileo, nandito kaming mga anak, kapamilya at kaibigan mo dahil ipinakita mo sa aming mahalaga kami sa iyo at sa ating gawain.  Kung kami ay mga diamante, ito ay dahil kami ay hinubog, hinasa, pinakinang at inalagaan ng iyong mga kamay.  Kung kami ay diamante, ang brand name namin at “Zeus Salazar.”  Hindi namin ito ikinakahiya!

Pantayo si Zeus, TAYO SI ZEUS!

“Para sa iyo, Ama, Anak, Mangingibig, Guro, Iskolar, Makata, Historyador, Antropolohista, Linggwista, Kaibigan, Mentor, Ama ng Pantayong Pananaw—ZEUS A. SALAZAR, Pilipino!”

29 Abril 2009, 3:00 NH , 73C Ocampo St.,

Pook Amorsolo, UP Diliman, Lungsod Quezon

Si Zeus Salazar noong selebrasyon ng kanyang ika-75 kaarawan, Abril 2009

Si Zeus Salazar, kasama si Xiao Chua, Ivana Guevara at Miggy Vargas, Abril 2009

PAGPUPUGAY NI XIAO CHUA PARA SA PAGRERETIRO NI DR. MILAGROS GUERRERO

MA’AM G:  “IT’S ALL ABOUT ENERGY”[1]

Si Xiao Chua kasama ang kanyang gurong si Dr. Milagros Guerrero, sa unang araw ng pagiging guro ni Xiao sa UP Departamento ng Kasaysayan at saan man noong 9 Hunyo 2005 sa Faculty Center, UP Diliman, Lungsod Quezon, isa sa pinakamahalagang araw sa kanyang buhay, sa karerang ang laki ng impluwensya sa kanya ng nasabing guro.

(Sa tuwing isyu ng balitang ADHIKA sa panahon ng kumperensya, nagtatampok ito ng isang historyador.  Itinatampok ngayon si Dr. Milagros C. Guerrero bilang pagpapahalaga at pagkilala sa kanyang kontribusyon sa historiograpiyang Pilipino at sa pagsusulat ng kasaysayang Pilipino.  Isang mahusay na guro at makabayang historyador, si Dr. Guerrero ay magreretiro na ngayong 2007 at napapanahong sariwain ang kanyang naging ambag sa pangkasaysayang kadalubhasaan, na nilalaman ngayon ng isa sa pinakabatang mga guro sa UP Departamento ng Kasaysayan.  Pinakatampok na kontribusyon ni Dr. Guerrero ang mga pag-aaral ukol sa rebolusyong Pilipino, kasaysayang panlipunan ng Pilipinas sa panahon ng kolonyalismo, Komonwelt/Pananakop ng Hapon, at mga kilusang panlipunan.  Si Dr. Guerrero ay isa sa tagapagtatag ng ADHIKA ng Pilipinas.—Dr. Ferdinand C. Llanes)

Isang paglalakbay ang aking pagtuturo at pag-aaral ng Kasaysayan.  Nang magsimula ang aking pagkahilig at pagkahumaling sa kasaysayan noong ako ay musmos pa lamang, sinimulan kong buuin ang aking mga pangarap.  Sa aking pag-aaral noong high school at sa aking pag-aral ng kasaysayan bilang undergrad, ang mga pangarap na ito ay unti-unting nagkaroon ng mga paa at lumakad.  Ngayon, masaya kong ipinagpapatuloy ang aking pakikipag-ulayaw sa musang si Clio.

At sa karerang ito, marami akong nakasabay at nakasalubong.  Itinuturing kong isang biyaya mula sa Bathala Maykapal na sa isang punto ng aking paglalakbay, isang Dr. Milagros C. Guerrero ang aking nakasalubong.  Masaya niya akong binati, at matapos noon ay sinamahan.  Patuloy siyang nagsisilbing ilaw at gabay sa akin.

Kung paglalakbay lamang sa landas ng Kasaysayan ang pag-uusapan, daig pa niya sina Elma Muros at Lydia de Vega sa milya-milya na niyang natakbo sa pagtuturo, pagsasaliksik at pagsusulat ng Kasaysayan, both literally (sa dami ng bansang kanyang napuntahan sa pananaliksik), and figuratively (sa dami ng kanyang mga ambag sa historyograpiyang Pilipino).

Masarap isipin na ako ang naatasan na magparangal kay Dr. Guerrero.  Bagama’t may kababaang loob ko na sasabihing hindi ako nararapat sa karangalan—sapagkat mayroong mga taong mas nakakikilala sa kanya ng lubusan at matagal na niyang nakasama—may pagmamahal at pagtatangi ang aking limitadong pagkakakilala sa kanya.

Bagama’t maituturing siyang isang higante sa kasaysayan, nadama namin na kanyang mga estudyante ang kanyang kababaang-loob.  Simple lamang ang tawag namin sa kanya, “Ma’am G.” at pinapahintulutan naman niya ito sapagkat nalalaman niyang binabanggit namin ito na may pagmamahal at pagdakila.  Maaalala namin ang kanyang mga panayam sa klase na hindi lamang humahablot sa mga takip-matang lumalambong sa aming mga kaisipan, kundi kumakatok din sa aming mga puso.  Sapagkat ang pagtuturo ni Ma’am G. ay sinasamahan ng marubdob na damdamin at wagas na pagmamalasakit sa kasaysayan at sa kakayahan nitong paunlarin ang ating bayan.  Ayon sa isang papel na kanyang isinulat noong 1972, “…the study of History will continue to be of utmost value for man’s understanding of the huge sprawling panorama of his development.”[2]

Maaalala ko naman si Ma’am G. bilang aking INA sa departamento.  Estudyante pa lamang niya ako sa Kasaysayan 199, madalas na ang kanyang paghimok sa akin hinggil sa aking pagsusulat nang may pag-aaruga.  Bago ako magtapos sa aking kurso kamakailan lamang, ninais kong tuparin ang aking pangarap na makapagturo sa aking departamento na minahal ko sa punto ng obsesyon, bagama’t pinipigil ako ng aking pagdududa sa aking kakayahan.  Ang wika niya sa akin, “Nothing should stop you from trying.”  Ang anim na salitang ito ang dahilan kung bakit nandito kayo ngayon, at binabasa ang aking sinulat.

Sa mga batang guro sa kasaysayan, patuloy na magsisilbing inspirasyon ang buhay ni Ma’am G.  Estudyante pa lamang siya sa UP, humahataw na siya sa pagiging College Scholar mula 1958-1959.  Lalo siyang nagningning sa kanyang unang semestre ng kanyang pag-aaral ng gradwado bilang isang University Scholar. Dalawang taon lamang matapos niyang simulan ang buhay sa akademya noong 1961, itinanghal na siyang kawaksing propesor sa Departamento ng Kasaysayan ng UP.  Sa kanyang unang sampung taon, nakapagsulat na siya ng maraming mga publikasyon at nakatambal na si Teodoro A. Agoncillo sa pagsulat ng malaganap na teksbuk na History of the Filipino People.  Sa kanyang pagpapatuloy, natapos niya ang kanyang doktorado sa University of Michigan noong 1977, nang matapos niya ang kanyang disertasyong Luzon at War:  Contradictions in Philippine Society, 1898-1902.  Sa ngayon, isa si Ma’am G. sa mga pangunahing tagapagsulong ng kasaysayan bilang isang mananaliksik, tagasulat at edukador hindi lamang sa departamento kundi sa buong bansa.

Sa kanyang mga nakasama sa departamento, tinitingala nila ang kanyang pagmamalasakit sa Lost History—na hindi lamang nagsisimula ang pagdalumat sa kasaysayang Pilipino sa mga kaganapan ng 1872.  Pangunahin din siyang tagapagtaguyod ng Social History na sinasabing sumasalamin lamang ang pulitikal na kasaysayan sa mga sosyo-ekonomikong realidad.

Nalalapit na ang pagreretiro ng ating minamahal na si Ma’am G.  Tila nalalapit na sa finish line ng kanyang pagtakbo sa karera ng kasaysayan.   Ngunit, kahit na milya-milya na ang kanyang natakbo, hindi pa rin titigil si Ma’am G sa sandaling mapatid niya ang tali.  Lagi niyang sinasabi, “It’s all about energy.”  At dahil sa kanyang marubdob na damdamin para sa ating disiplina, naipakita niya sa kanyang buhay na marami siya nito, at marami pa siyang mailalabas na enerhiya para sa kasaysayan.  Minsan, nag-usap kami ukol sa kanyang mga plano matapos magretiro.  Kanyang sinabi, “gusto ko pa ring magturo.”  Kaya naman, nandyan pa rin siya para sa mga katulad ko at katulad niyong tumatakbo sa karera ng kasaysayan, nagsisilbing gabay at ilaw sa malawak pang prontera sa historiograpiyang Pilipino na kailangan pang matuklasan.

Ika-23 ng Nobyembre, 2005, 10:00 NU

#2018 FacultyCenter, Bulwagang Rizal,

Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon

 

Karagdagang tala:

MASAYA AKO NA NAGING GURO KO SA UP DEPARTAMENTO NG KASAYSAYAN si Dr. MILAGROS C. GUERRERO, isang historyador ng kasaysayang panlipunan at pang-ekonomiya at eksperto sa Kasaysayan ng Amerika Latin, Himagsikang Pilipino at kay Andres Bonifacio, sa aking dalawang undergrad thesis subjects at isang asignaturang pang-masterado. Sa aking murang edad tiwala ang kanyang ipinakita sa aking kakayahan at ginabayan niya ang aking perspektiba. Siya ang itinuturing kong Ina sa aking disiplina.

Siya ang nagbigay ng aking paksa sa aking tesis masterado.

Modelo ko siya bilang guro at iskolar: Kritikal at makabuluhan. Ipinakita niya sa kilos at gawa ang kahalagahan ng aming propesyon, “…the study of History will continue to be of utmost value for man’s understanding of the huge sprawling panorama of his development.”Si Dr. Guerrero ay nakatambal ni Teodoro A. Agoncillo sa pagsulat ng malaganap na teksbuk na History of the Filipino People hanggang noong mga Dekada 1980. Natapos niya ang kanyang doktorado sa University of Michigan noong 1977 sa kanyang mapanghawang landas na disertasyong Luzon at War: Contradictions in Philippine Society, 1898-1902.

Ang sanaysay na ito ay binasa rin sa pagdiriwang ng kanyang pagreretiro sa University Hotel ng UP Diliman noong 2006.


[1] Lumabas sa Balitang ADHIKA, Opisyal na Pahayagan ng Asosasyon ng mga Dalubhasa, May Hilig sa Kasaysayan ng Pilipinas, Inc., Tomo 1, Blg. 1 (2005).

[2] Guerrero, Milagros C., “New Trends In Teaching History,” in Proceedings And Position Papers:  Third Regional Seminar On History, January 22-23, 1972, Dumaguete City (Manila: National Historical Institute, 1976), p. 16.

XIAOTIME, 9 November 2012: TEODORO AGONCILLO CENTENNIAL

Broadcast of Xiaotime news segment today, 9 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teodoro Agoncillo, “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas” sa kanyang pagreretiro. Mula sa Kasaysayan 1, dyornal ng Departamento ng Kasaysayan na inedit ni Dr.Zeus A. Salazar.

9 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=CpWS1CA3rJc&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang segment na ito sa aking ama na si Charles Chua.  Happy birthday, dad.  Ito ay tungkol din sa isang itinuturing na ama ng maraming historyador.  100 years ago ngayon, November 9, 1912, isinilang sa Lemery, Batangas si Teodoro Andal Agoncillo.  Kilala natin siya na senior author ng isa sa pinakapopular na teksbuk sa nakalipas na limang dekada, ang History of the Filipino People na malamang sa malamang nagamit natin noong tayo ay nag-aaral pa.  Nagtapos siya ng BA at MA sa Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas.  Ngunit marahil, kaya naging popular na historyador ay dahil sa galing ng kanyang panulat.  Bago kasi siya nagturo sa UP ay nagtrabaho muna siya sa Surian ng Wikang Pambansa, kilala sa kanyang mga tula at kwento.

Si Ser Agô noong kanyang kabataan. Larawan mula sa “Bahaghari’t Bulalakaw: Katipunan Ng Mga Sanaysay at Mga Pag-Aaral” ni Teodoro Agoncillo

Isa sa kanyang mga tula ay ang “Republikang Basahan” na isinulat noong panahon ng mga Hapones:  “Republika baga itong busabos ka ng dayuhan, ang tingin sa tanikala’y busilak na kalayaan?  Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi, ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?”

Mula sa Koleksyon ni Prop. Dante Ambrosio sa kamay ng Xiao Chua Archives.

Nagwagi siya ng unang gantimpala sa Paligsahan ng Republika ukol kay Andres Bonifacio noong 1948 para sa kanyang obra maestrang The Revolt of the Masses:  The Story of Bonifacio and the Katipunan.  Dahil sa kanyang mga aklat ukol sa Rebolusyong Pilipino at panahon ng mga Hapones sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, walang nais na magturo ng mga subject na ito sa Unibersidad ng Pilipinas kahit wala siyang doktorado.  Sabi niya kay Ambeth Ocampo, “Sinong magtuturo sa akin?”

Teodoro Agoncillo at ang batang Ambeth Ocampo, 1984.

Sa mga akda raw naaalala ang mga tao, hindi sa mga titik na sinusundan ng kanyang pangalan.  Tomoh!  Isa sa tagapagtatag ng Philippine Historical Association noong 1955 at naging tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan mula 1963 hanggang 1969.  Kung tutuusin, ipinagpatuloy niya ang hindi natapos na gawain na sinimulan ni José Rizal sa kanyang mga anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga, ang pagsulat ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa pananaw ng mga Pilipino.  Bago kasi si Agoncillo, nagsikap ang mga historyador na Pilipino na sumulat sa positibistang pananaw, obhektibo, isalaysay ang nakaraan batay sa mga nakasulat na dokumento.  Ngunit, alam naman natin na ang mga dokumento ay isinulat ng mga dayuhan at mga mayayaman kaya tila naging litanya lamang ito ng mga datos na hindi tayo maka-relate.  Kay Agoncillo, nabigyan ng kulay sa kanyang panulat at damdaming makabayan sa kanyang pananaw ang pagbabasa ng nakaraan.  Hindi raw maaaring maging objective ang isang historian, “Show me a historian, a real historian who is not biased!”  Sa kanyang pagreretiro noong 1977, pinuri siya ng kanyang mga kasama bilang “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas.”  Namatay siya noong 1985.  Maaaring may mga mas bago nang pananaw sa kasaysayan ngunit hindi ibig sabihin ibabasura na natin silang naunang historians.  Bahagi sila ng ating pag-unlad.  Bilang isa historian na nagtapos at nagturo rin sa kanyang departamento, aking nadarama ang minsang sinabi ni Isaac Newton, “Nakakakita ako ng mas malawak dahil nakatungtong ako sa balikat ng mga higante.”  Salamat Ser Agô!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 30 October 2012)

Teodoro A. Agoncillo, 1985. Kuha ni Dr. Ambeth R. Ocampo

Autographed copy ng isang aklat ni Agoncillo na nailathala sa ibang bansa na napasakamay ng Xiao Chua Archives mula sa isang ukay-ukay sa Yakal Residence Hall ng UP Diliman.

Si Xiao Chua, ika-9 mula sa kaliwa, kasama ang mga guro at estudyante ng UP Departamento ng Kasaysayan, Hunyo 2005.