XIAO TIME, 10 June 2013: ANG TUNAY NA KULAY NG ASUL SA ATING WATAWAT
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Para matigil ang away kung sky blue o navy blue ang tunay na kulay ng blue, ginawa na lamang royal blue ito noong 1998 Philippine Centennial. Kaloka. Pagtataas ng watawat sa Luneta, mula sa Philippine Daily Inquirer.
10 June 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=A8JZPAO-2ZA
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Nagkaroon ng debate sa mga historyador, ano nga ba ang tunay na shade ng kulay bughaw sa ating unang watawat? Sky blue? Navy blue?

Isang lumang watawat ng Pilipinas na may nakasulat na “Viva La Republica Filipina! Viva!!!” (Bawal na itong gawin ngayon ayon sa Flag and Heraldic Code). Dark blue ito. Mula sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.

Isang lumang bersyon ng watawat ng Pilipinas, hindi walo ang sinag ng araw ay may bungo at itak pa. Mula kay Paolo Paddeu.

Isang paglalarawan ng disenyo ng unang watawat ng Pilipinas na may araw na may mukha at walong sinag, dark blue naman ito at dahil panahon ng Himagsikan ito ginamit, nakataas ang pula (1898-1901). Mula sa http://malacanang.gov.ph/.

Mula 1901-1907, ang parehong bandila ngunit nakataas naman ang asul. Mula sa http://malacanang.gov.ph/.

Matapos ang pag-ban sa pagladlad ng watawat dahil sa Flag Law (1919-1936), ito na ang lumaganap na disenyo, wala na ang araw. Mula sa http://malacanang.gov.ph/.
Dumami kasi ang disenyo ng bandila kaya ipinatupad ni Pangulong Manuel Luis Quezon ang istandardisayon ng sukat, kulay at disenyo ng pambansang watawat sa pamamagitan ng E.O. 23 noong March 25, 1936. Tinanggal ang mukha sa araw na dating nakalagay sa unang bandila ni Heneral Emilio Aguinaldo at itinakda na navy blue ang kulay ng asul nito.

Ang bandilang inaprubahan ayon sa tamang sukat noong 1936. Ang blue ay navy blue. Mula sa http://malacanang.gov.ph/.

Ang bandilang pandigmang Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-1945). Nasa taas ang pula. Mula sa http://malacanang.gov.ph/.
Ngunit ayon sa ilang historyador tulad nina Teodoro Agoncillo at Luis Camara Dery, azul celeste, light o sky blue ang bandila. Isa sa mga katibayan nito ang sulat mismo ni Mariano Ponce sa isang kaibigang Hapones kung saan kanyang sinabi, “The blue, color of the sky, means our hope in a future prosperity, through progress.” The blue, color of the sky? Edi sky blue.

Gemma Cruz-Araneta, Dr. Luis Camara Dery at Xiao Chua sa Pambansang Komisyong ng Pilipinas noong February 17, 2013. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua

Ang nadilang Pilipino na sky blue ang blue. Inaprubahan ni Pangulong Marcos mula 1985 hanggang 1986. Mula sa http://malacanang.gov.ph/.
Kaya naman, naglabas ang Pangulong Ferdinand E. Marcos ng E.O. 1010 noong February 25, 1985 na nagpapalit ng kulay bughaw patungong sky blue. Namatay ang isyu matapos ang eksaktong isang taon sa pagkapirma ng utos. Napatalsik si Marcos ng EDSA.
Ayon naman sa ibang historyador, azul marino, dark o navy blue ang bughaw dahil ito ang kulay ng bandila ng Estados Unidos na pinagbatayan ng mga kulay ng pambansang watawat ayon sa orihinal na dokumento ng pagsasarili, ang Acta. Tila nag-iba rin ang testimonya ni Ponce dahil sa isang sulat niya kay Ferdinand Blumentritt, gumawa siya ng drowing ng ating watawat at dito makikita na azul oscuro ang bughaw na nasa kalagitnaan ng light blue at navy blue.
Sabihin na lamang natin, nagkaroon ng maraming bersyon ng asul ang watawat dahil nang inutos ni Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo na ipakopya ito, kung ano lamang ang mga telang makuha, iyon ang itinatahi. Tulad ng sinabi ni Dr. Dery, “Rebolusyon, magulo ang panahon.”

Si Heneral Emilio Aguinaldo sa harapan ng Aguinaldo-Suntay flag na siyang pinaniniwalaan ng ilan na isa sa pinakaunang, kung hindi man ang pinakaunang watawat ng Pilipinas.
Ngunit noong 1998, tila tinapos na rin ang debate sa pagkapasa ng Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang blue ay ginawa na lamang royal blue, yung katamtamang kulay lang ng bughaw. Pero magandang tanong siguro, ano kaya ang blue na makikita sa blue ng orihinal na bandila na tinahi ni Marcela Agoncillo noong 1898? Abangan bukas.
Bakit nga ba mahalaga ang tila mababaw o trivial na usapin ng kulay at mga disenyo ng watawat at ang mga kahulugan nito? Sapagkat ang pambansang watawat ang sagisag ng lahat ng Pilipino sa buong Pilipinas, at sa buong mundo. Nararapat lamang na iisa ang disenyo nito. Para sa bawat umaga na ang mga bata, propesyunal at mamamayan ay manunumpa ng katapatan at magpupugay sa isang himig at isang bandila sa alinmang sulok ng bansa, sumusumpa tayo sa iisang Inang Bayan, na siyang nararapat lamang pagsilbihan ng ating buong isip, salita at gawa. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 1 June 2013)