XIAO TIME, 11 June 2013: NASAAN NA NGA BA ANG ATING UNANG BANDILA
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang araw sa delikado nang watawat na nasa pangangalaga ng mga Aguinaldo-Suntay sa Emilio Aguinaldo Museum sa Lungsod ng Baguio. Ito na ba ang unang watawat ng Pilipinas? Mula sa watawat.net.
11 May 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=flIponfqIBQ
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Nasaan nga ba ang orihinal na watawat??? Yung iwinagayway ni Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo nang iproklama niya ang independensya sa Kawit, Cavite, 115 years ago, June 12, 1898.
Ayon mismo kay Aguinaldo, nawala ang orihinal na bandila habang umaatras pahilaga sa Tayug, Pangasinan noong 1899. Ngunit, ayon sa mga apo ng heneral, ang mga Aguinaldo-Suntay, nasa kamay nila ito at makikita sa Emilio Aguinaldo Museum sa Lungsod ng Baguio. Nakapaloob na sa isang net dahil naghihiwa-hiwalay na ang tela, ang disenyo ng mukha na may araw at iba pang palamuting laurel na nakapatong sa mga kulay bughaw at pula nito na may nakasulat na “Libertad Justicia y Ygualdad” sa isang mukha nito, at sa kabila naman ay “Fuerzas Expedicionarias del Norte de Luzon.”

Isa sa mga apo ng heneral, Emilio Aguinaldo Suntay III, Ang sinusulyapan ang sinasabing pinakaunang watawat ng Pilipinas. Makikita ito sa Aguinaldo Museum sa Happy Glenn Loop. Kuha ni Redjie Melvic Cawis ng Philippine InformationI Agency

Isa sa mga apo ng heneral, Emilio Aguinaldo Suntay III, Ang sinusulyapan ang sinasabing pinakaunang watawat ng Pilipinas. Makikita ito sa Aguinaldo Museum sa Happy Glenn Loop. Kuha ni Redjie Melvic Cawis ng Philippine InformationI Agency

Isa sa mga apo ng heneral, Emilio Aguinaldo Suntay III, Ang sinusulyapan ang replica ng sinasabing pinakaunang watawat ng Pilipinas na nasa baba nito. Makikita ito sa Aguinaldo Museum sa Happy Glenn Loop. Mula sa Mandirigma.org.

Ang bandilang Aguinaldo-Suntay, ang pinaniniwalaan ng ilan na unang watawat ng Pilipinas. Mula sa watawat.net.
Naniniwala dito ang sekretarya ni Heneral Aguinaldo na si Felisa Diokno, 82 taong gulang na makapanayam noong 1998. Nasaksihan niya kung gaano kamahal ng heneral ang nasabing watawat na lagi niyang itinatanghal sa flagpole at inilalabas, lalo na nang iproklama ni Pang. Diosdado Macapagal ang 12 Hunyo bilang Araw ng Kasarinlan mula 4 Hulyo noong 1962. Hindi naman kumbinsido si G. Ted Atienza ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan. Hindi maaaring ang unang watawat ay may palamuting laurel at ayon sa tumahi ng watawat na si Marcela, seda ang orihinal habang bulak naman ang watawat sa Baguio.

Ang replica na ginawa ni Dekana Lydia Arribas ng Unibersidad ng Pilipinas, nakaharap ang inskripsyon na Fuerzas Expedicionarias el Norte de Luzon.
Nang suriin naman ni Dekana Lydia Arribas ng UP College of Home Economics ang bandila sa Baguio, kanyang naobserbahan na ang mga tuwid na hibla ng sinulid na lamang ang nalalabi at nawawala na ang pababa. Maaaring ang mga natunaw na sinulid ay gawa sa seda dahil mas matibay ang gawa sa bulak, kaya maaaring parehong tela ang ginamit. Ngunit pwede bang magkaiba ang klase ng sinulid sa iisang tela?
Ayon din kay Gng. Diokno, bagama’t nawala ni Hen. Aguinaldo ang bandila, ito ay ibinalik sa kanya at mula noon lalong ayaw raw niyang pabayaan ang bandila. Kailangan lamang liwanagin na ayon sa apo sa tuhod ng heneral na si Angelo Aguinaldo, curator ng Dambanang Aguinaldo, iba ang bandilang Suntay sa bandila ni Aguinaldo na ibinalik ng pamilyang Dubois mula sa Amerika na nasa pangangalaga ngayon ng Dambanang Aguinaldo.

Sina Xiao Chua, John Ray Ramos at Joshua Duldulao ng AnakBayani, kasama si G. Angelo Jarin Aguinaldo (nakpula) sa balkonahe ng kasarinlan, sa bintana kung saan ipinroklama ang kasarinlan mula sa mga Espanyol, Dambanang Pangkasaysayan Emilio Aguinaldo, Kawit, Cavite.
Sa isang panayam sa bunsong anak ni Gng. Agoncillo na si Marcela de Agoncillo, Jr. ang orihinal na bandila raw na tinahi ng kanyang ina ay ang bandilang nasa kamay ng anak ni Hen. Aguinaldo na si Gng. Cristina Aguinaldo Suntay. At ang orihinal na tela ng bandilang ito ay navy blue ang bughaw.

Kuya guard, hinahawakan ang bandilang nagmula pa sa panahon ng himagsikan. Mula kay Harley Palangchao
Ngunit bagama’t mahirap pang masigurado kung ang bandilang Suntay nga ang pinakaunang watawat, walang tahasang binanggit si Pangulong Aguinaldo ukol dito, ito ang siguradong-sigurado tayo: ang bandilang Suntay ay isang bandilang minahal at ipinagmalaki ng heneral.

Si Heneral Emilio Aguinaldo sa harapan ng Aguinaldo-Suntay flag na siyang pinaniniwalaan ng ilan na isa sa pinakaunang, kung hindi man ang pinakaunang watawat ng Pilipinas.

Si Henera Emilio Aguinaldo habang tangan-tangan ang bandilang Aguinaldo-Suntay sa harapan ng monumento ni Dr. Jose Rizal isang Araw ng Kasarinlan (July 4).

Pabalat ng Philippine Free Press na nagpapakita sa matandang heneral hawak ang Espada ni Aguirre na nakuha niya sa Labanan sa Imus noong 1898, at ang bandilang Aguinaldo-Suntay sa kanyang tabi.

Isa pang bandila ni Heneral Emilio Aguinaldo na nasa Dambanang Pangkasaysayang Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Kuha ni Xiao Chua.
At tulad ng sinabi sa akin ni G. Angelo Aguinaldo, lahat ng bandilang nagmula sa panahon ng himagsikan ay mahalaga sa ating kasaysayan. Ngayon, ang bandilang Suntay ay unti-unting nasisira. Tulad ng alinmang mahalagang dokumento sa ating kasaysayan, kailangang bigyan natin ito ng pagpapahalaga. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 1 June 2013)