XIAO TIME, 12 June 2013: ANG ARAW NG KASARINLAN NG PILIPINAS
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Sa gitnang bintana ng mansyon na ito ng mga Aguinaldo ipinroklama ang Independencia ng Pilipinas noong June 12, 1898. Mula sa Retrato Filipinas Photo Collection.
12 June 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=7CzIdD4FDng
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 115 years ago, June 12, 1898, ipinroklama ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Independecia ng Pilipinas sa gitnang bintana ng kanyang mansyon sa Cavite Viejo, ngayo’y Kawit, Cavite. Ang balcony na nakikita ngayon sa ibabaw ng isang puting kalabaw ay idinagdag na lamang ng Dekada 1920s.

Ito ang bahay ng mga Aguinaldo noong 1898, bintana, walang balkonahe. Mula sa Tahanan ng Kasarinlan.

Unang pagdiriwang ng June 12 Independence Day sa Kawit, Cavite noong 1962: Ang matandang Aguinaldo kasama si Pangulong Diosdado Macapagal. Mula sa gov.ph.

Si Xiao Chua sa Independence Balcony sa ibabaw ng isang kalabaw sa Dambanang Pangkasaysayang Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Dinagdag lang ang balkonahe sa mansyon noong Dekada 1920. Kuha ng mga estudyante ni Xiao Chua.

Pangulong Noynoy Aquino habang itinataas ang bandila habang nakamasid naman ang apo ni Heneral Baldomero Aguinaldo na si dating Punong Ministro Cesar Emilio Aguinaldo Virata, June 12, 2011. Mula sa philippinestodayus.com.

Si Secretary Mar Roxas habang tinataas ang bandila ng Pilipinas kasama si National Historical Commission of the Philippines Commissioner Rene R. Escalante, Tagapangulo ng DLSU Departamento ng Kasaysayan, June 12, 2012. Mula sa balita.ph.

Si Xiao Chua nang iproklama ang Independensya sa Kawit, Cavite. Joke??? Pagsasadula para sa isang commercial ng Tide para sa Sentenaryo ng Kasarinlan. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Sa araw na iyon ng Hunyo Dose, maraming tao. Pitong araw pa lamang ang nakalilipas, nagpadala na ng mga paanyaya para sa makasaysayang pangyayari. Mga tanghalian na nang magsidatingan ang mga dadalo mula sa walong lalawigan na kinakatawan ng mga sinag ng araw sa bandila. Upang hindi gaanong mainit para sa mga taong nasa labas ng mansyon, sa kalagitnaan ng alas cuatro at alas singko sinimulan ang programa.

Ang proklamasyon ng Kasarinlan ng Pilipinas noong June 12, 1898. Mula sa 100,000 pisong perang papel na inilabas ng Bangko Sentral para sa Sentenaryo ng Kasarinlan noong 1998. Obra maestra ni Eufronio Cruz.

Ang proklamasyon ng Kasarinlan ng Pilipinas noong June 12, 1898. sa dating limang pisong perang papel. Obra maestra ni Eufronio Cruz. Mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Naroon at nagko-cover ang Amerikanong peryodistang si Turmbull White. Sa mga kalye raw ng Kawit, mga lima hanggang anim na libong tao ang nagdiriwang, napapalamutian ng mga singkaban o arko ang mga ito at nakalinya mula sa Simbahan ng Sta, Magdalena ang may isanlibong kawal sa pagkabilang bahagi ng kalsada.

Simbahan ng Sta. magdalena matapos mabomba ng todo ng mga Espanyol noong panahon ng Himagsikan. Mula kay Isagani Medina.
Sabi ni Turmbull, “the presence of these added a touch of military impressiveness to the scene. Sa mga bintana at ibabaw ng mga bahay, may mga kopya na ng watawat ang nalipad. Sa araw na iyon, ang Banda San Francisco de Malabon ay pinatugtog sa unang pagkakataon sa publiko ang Marcha Nacional Filipina na isinahimig ng Kabitenyong si Julian Felipe.
Ang mahabang dokumento ng Acta de la Proclamacion de Indepencia del Pueblo Filipino ay binasa ng sumulat nito na si Ambrosio Rianzares-Bautista at nilagdaan ng 97 na mga Pilipino at ng isang diumano ay Amerikanong opisyal ng hukbo na nagngangalang Koronel M.L. Johnson, na sa katotohanan, ayon sa historyador na si J.R.M. Taylor, ay isang dating tagapangalaga ng isang otel sa Shanghai na nasa Maynila upang magpamalas ng cinematograph, opereytor ng sinaunang sinehan.

Unang pahina ng Acta de la Proclamacion de Independencia del Pueblo Filipino na sinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista.

Col. M.L. Johnson, hindi siya opiser ng hukbong Amerikano kundi ginawang Amerikanong opiser ng hukbong Pilipino.
Sa kabila ng alitan nina Aguinaldo at ng unang naggalaw ng paghihimagsik na si Andres Bonifacio, magbabalik-tanaw ang teksto ng proklamasyon sa pagsisimula nito ng himagsikan noong August 1986 mula Caloocan, Santa Mesa at sa walong lalawigan na sa kalaunan ay isinailalim sa Batas Militar. Gayundin, ginunita sa puting tatsulok ng bandila ang Katipunan at ang kapatiran at sanduguan nito.

Larawan ni Rizal at ni Bonifacio sa Mansyon ni Heneral Aguinaldo. Soft spot ng heneral sa naging kaalitan. Kuha ni Xiao Chua.
Matapos nito ay tinawagan ni Felipe Buencamino ang bayan na ipagtanggol ang watawat anuman ang mangyari at ipinaliwanag ni Artemio Ricarte ang kahulugan ng mga simbolo sa watawat. Ang watawat ay iniabot ni Bautista kay Aguinaldo at masayang iwinagayway ito ng 29 na taong gulang na heneral.

Pagsasadula ng proklamasyon ng Independencia mula sa bidyo ng pambansang awit pelikulang El Presidente.

Pagwagayway ni Heneral Aguinaldo sa watawat mula sa gitnang bintana ng kanyang bahay. Nasa likuran ng dating Dalawang Pisong papel ng seryeng Bagong Lipunan. Mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Pagbabalita ng Proklamasyon ng Independencia ng Pilipinas, San Francisco Chronicle, June 18, 1898. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Sa kanyang kalendaryo para sa 1898, isinulat ni Aguinaldo sa petsang June 12, “Ypinanaog ang Bandera nacional dito sa bahay ng nasirang Dn. Maximo Ynocencio, patungo sa bayan ng Cauit, o C. Viejo, p.a. proclamahin ang aspiracion ng Yndep.a nitong Sangkapuluang Katagalugan o Filipinas, oras ng a las cuatro at dalauang minuto ng hapon. Cavite a 12 Junio 1898.” Mahalaga ang araw na ito sa kasaysayan natin sapagkat hindi lamang ito proklamasyon ng kasarinlan na nagmula mismo sa atin, kundi ito ay iniluwal ng pagtatagumpay ng himagsikan laban sa mga Espanyol. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 4 June 2013)