XIAO TIME, 7 June 2013: ANG MAKASAYSAYANG MAG-ASAWANG FELIPE AT MARCELA AGONCILLO
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Felipe Agoncillo, ni Felix Resurreccion Hidalgo. Nasa Pambansang Tipunan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.
7 June 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=St3dwS_8xYo
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 154 years ago, May 26, 1859, isinilang si Felipe Agoncillo sa isang maykaya at tanyag na pamilya sa Taal, Batangas. Huh??? Who’s that Pokemón??? Siya lang naman ang pinakaunang Pilipinong diplomat.

Ang ancestral house at monumento ni Felipe Agoncillo sa Taal, Batangas. Mula sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
Ngunit ayon kay Dr. Ambeth Ocampo sa kwento ng mga kaanak ni Agoncillo, malayo sa pagiging diplomatiko ang batang Felipe. Minsang ang kanyang tiyuhin ay inaresto ng pulis dahil sa maling paratang na ilegal na nag-aangkat ng tabako, matapang na hiinarap sila ng bata, “Ano ang ginagawa ninyo sa tiyo ko? Hindi magnanakaw ang tiyo ko; hindi ninyo siya dapat tratuhin ng ganyan.” Napahiya, inalis ng mga guardia ang posas, siyam na taong gulang lamang siya noon. Nag-aral siya ng elemetarya at hayskul sa Ateneo Municipal at sa kanyang talino, minsang na-exempt sa eksamen. Ngunit sa araw ng eksamen, sinabi ng rector na kailangang kumuha pa rin siya ng eksamen. Nagka-amnesia! Sa kabila ng protesta binigyan siya ng papel at doon kanya lamang sinulat, “El padre Rector es injusto!”—Hindi makatarungan si Padre Rektor! Ipinatawag siya sa opisina ng superior at pinalo ngunit kinagat niya ang pari at hindi ito tinantanan hanggang naawat. Sinabihan ang kanyang ama na kung magpapaumanhin lamang si Felipe ay hindi siya tatanggalin sa paaralan, bilang tunay na Batangueño, hindi niya hinayaang mapahiya ng ganoon ang anak at inilipat na lamang ng paaralan si Felipe at sinabi sa mga Heswita, “Hindi ko hahayaan na ipagpatuloy ng anak ko ang kanyang pag-aaral sa isang institusyon na wala na siyang tiwala.” Nagpatuloy na mag-aral sa Unibersidad ng Santo Tomas at nang magtapos sa pag-aabogasya, nagbalik sa sariling bayan upang maglingkod.
Sa labas ng kanyang opisina nakasulat “Libreng serbisyong pambatas sa mga mahihirap anumang oras.” May kwento rin ang pamangkin niyang si Gng. Maria Agoncillo-Aguinaldo na iniwasan ni Felipe ang araw ng kanyang kasal sa isang babae, nagpanggap na maysakit, upang pakasalan lamang ang babaeng tunay na bumihag sa kanyang puso, si Marcela Mariño.

Si Gng. Maria Agoncillo-Aguinaldo sa kanilang honeymoon ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Baguio, July 1930. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Naging kalabang mortal ng mga mapang-abusong Espanyol at mga prayle, pinaratangan siyang pilibustero o rebelde kaya ipinatapon sa Yokohama. Lumipat sa Hongkong at nakasama ang pamilya, lumikom ng pera para sa himagsikan. Doon din tinahi ng asawang si Marcela kasama ng kanilang anak ang watawat ng Pilipinas.

Ang limang anak na babae nina Felipe at Marcela Agoncillo: Lorenza (ang kasamang tumahi sa watawat), Gregoria, Eugenia, Marcela, Jr. at Maria. Mula sa Dambanang Pangkasaysayang Marcela Agoncillo sa Taal, Batangas. Kuha ni Xiao Chua.
Nang itatag ang republika noong 1898, itinalaga ni Aguinaldo na Ministro Plenipotensyaryo si Felipe at ipinadala sa Amerika kung saan nais sana niyang makipagpulong kay Pangulong William McKinley. Hindi siya opisyal na tinanggap bagama’t pribadong kinausap at nagalingan ang pangulo sa kanya, pinuri siya ni McKinley, “Kung maraming Pilipino ang tulad ng kanilang kinatawan, wala nang magiging tanong pa tungkol sa kanilang karapatan na mamahal sa kanilang sarili.” Pinagsaraduhan ng pinto sa negosasyon para sa treaty of Paris at nagbalik muli sa Amerika upang iprotesta ang pagkapirma nito sa Kongreso ng Amerika. Madalas isawalang-bahala.

Si Jose “Sixto” Lopez (Kaliwa) at Felipe Agoncillo, mga embahador ng Pilipinas sa Estdos Unidos, 1898. Mula kay Arnaldo Dumindin.

Ang mga Pilipinong diplomat sa Paris, Pransya, 1898-99. Mula sa kaliwa: Antonino Vergel de Dios, Ramon Abarca, Felipe Agoncillo, at Juan Luna. Mula kay Arnaldo Dumindin.

Sina Juan Luna (kaliwa) at Felipe Agoncillo (kanan) habang binibisita si Ferdinand Blumentritt, guro, etnologo at Pilipinistang Austrian na kaibigan ni Rizal, sa Litomerice, Austria-Hungary, noong 1899. Ang Litomerice ay nasa hangganan na ngayon ng Czech Republic. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Ibinenta ni Marcela ang kanyang mga alahas upang tustusan ang mga aktibidad ni Felipe. Namatay si Felipe noong 1941 at si Marcela naman noong 1946. Walang pagsisisi na ibinigay nila ang kanilang yaman, dunong, katiisa’t pagod kahit buhay ay magkalagot-lagot, para sa bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 25 May 2013)

Marcela Agoncillo. Mula sa Dambanang Pangkasaysayang Marcela Agoncillo sa Taal, Batangas. Kuha ni Xiao Chua.

Estatwa ni Marcela Agoncillo sa Dambanang Pangkasaysayang Marcela Agoncillo sa Taal, Batangas. Kuha ni Xiao Chua.

Si Xiao Chua sa Dambanang Pangkasaysayang Marcela Agoncillo sa Taal Batangas, February 2011. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.