XIAO TIME, 6 June 2013: MGA PAGYANIG O LINDOL NA UMUKIT SA KASAYSAYAN NG LUMANG MAYNILA
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang paglalarawan ng paglindol sa loob ng intramuros sa Maynila. Guhit ni Norie Millare mula sa Intramuros: Ang Matandang Lungsod ng Maynila ng Adarna.
6 June 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=dM4BZs2NpCE
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 150 years ago, June 3, 1863, bandang 7:00 ng gabi, nagkaroon ng isang malakas lindol na naramdaman sa Maynila. Dito bumagsak ang buong kakatayo pa lamang na Katedral ng Maynila, liban sa kampanaryo, sa mga relihiyoso at hindi mabilang na mga deboto na noon ay umaawit ng kanilang vespers para sa kapistahan ng Corpus Christi.
Tatlong araw na sinikap na makuha ang mga biktima at mga namatay na natabunan ng katedral. Isa sa mga namatay ang bayani ng unang sekularisasyon na si Padre Pedro Pelaez. Isang tagapag-ulat mula sa Illustrated London News ang nagbalita at gumuhit ng ilan sa mga eksena noong lindol na iyon: Sa ilalim raw ng mga guho na ito ng katedral ayon sa kanya, natabunan ang halos lahat ng biktima, na sinikap painumin ng tubig sa pamamagitan ng mga basag na organ pipes ngunit nangamatay rin sila sa ilalim ng mabibigat na batong ito. Napakabaho raw ng amoy nang iginuhit niya ang drowing na ito.

Ang guho sa Katedral ng Maynila noong lindol ng 1863 na lumabas sa Illustrated London News. Mula sa National Information Service for Earthquake Engineering (NISEE) ng Pacific Earthquake Engineering Research (PEER), University of California, Berkeley.
Nasira rin ang mga tore at harapan ng Simbahan ng Santo Domingo, ang tore ng simbahan ng Binondo, ang almacen o imbakan ng tabako ng pamahalaan, at ang Palasyo ng Gobernador Heneral.

Guho ng konsulado ng Denmark sa Maynila na lumabas sa Illustrated London News. Mula sa National Information Service for Earthquake Engineering (NISEE) ng Pacific Earthquake Engineering Research (PEER), University of California, Berkeley.
Sa sobrang pagkaguho nito, ipinasyang ilipat na ang luklukan ng kapangyarihan sa kapuluang Pilipinas sa Palasyo ng Malacañan. Muli lamang naipatayo ang dating palasyo ng gobernador heneral makalipas ang mahigit isang siglo, noong 1976.
Sa kalahating minutong lindol ng 1863, 300 ang namatay at higit 200 ang nasugatan kabilang na ang mga nasa night market at mga nasa ospital, 1,172 na mga bahay at gusali ang gumuho. Makalipas lamang ang 17 taon, muling nagkaroon ng serye ng mga lindol mula July 14 hanggang 25, 1880, kabilang ang tatlong napakalakas, pinakamalakas dito ay Intensity 10!!! Imagine. Pinabagsak na nito ang kampanaryo ng Katedral ng Maynila na nakaligtas noong 1863 at nakapanghina sa isa sa mga kampanaryo ng Simbahan ng San Agustin.

Aktwal na larawan ng tore ng Katedral ng Maynila na gumuho noong 1880. Mula kay Dr. Jaime B. Veneracion.

Larawang guhit ng tore ng Katedral ng Maynila na gumuho noong 1880. Mula kay Dr. Jaime B. Veneracion.

Aktwal na larawan ng Simbahan ng San Agustin matapos ang lindol ng 1880. Mula kay Dr. Jaime B. Veneracion.

Larawang-guhit ng Simbahan ng San Agustin matapos ang lindol ng 1880. Ang tore sa may kaliwa ay gigibain kaya magiging isa na lamang ang kampanaryo ng pinakamatandang simbahan sa Pilipinas. Mula kay Dr. Jaime B. Veneracion.
Mas nauna sa mga ito ang isa pang hindi malilimutang lindol na nangyari noong kapistahan ni San Andres sa Maynila noong November 30, 1645. Dahil daw kay San Andres, nakaligtas sila sa pagsalakay ni Limahong, ngunit sa araw ng pagdiriwang nila, 8:00 ng gabi, isang 7.5 surface wave magnitude ang naramdaman nila na yumugyog patungo sa lahat ng direksyon sa tagal ng apat na dasal na credo. Ayon sa isang tala, ang mga batong pader ay tila naging mga piraso ng papel na nilipad ng hangin, at mga tore ay yumugyog na tulad ng mga punong nahanginan, “Nothing was heard but the crash of buildings mingled with the clamor of voices entreating Heaven for mercy, the cries of the terrified animals adding to the horror.” Ang katedral ay “nilamutak na parang papel,” 150 mga gusali ang bumagsak, 600 Espanyol ang namatay, 3,000 Espanyol ang sugatan, hindi sinama sa bilang ang mga indio. Ang kasaysayan na ang nagsasabi, possible ang isang malaking lindol sa Maynila—the big one! Na nakatakdang mangyari anumang oras. Handa ba tayo? Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 1 June 2013)