XIAO TIME, 8 August 2013: INTRAMUROS: LUNGSOD SA LOOB NG MGA PADER
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
8 August 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=j2bltcomixg
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 441 years ago, August 20, 1572, sumakabilang buhay si Miguel Lopez de Legaspi, ang conquistador ng mga Islas Filipinas, isang taon lamang matapos nilang itatag ng mga Espanyol ang kolonyal na Lungsod ng Maynila mula sa kaharian ni Rajah Soliman.

Representasyon ng pagkamatay ni Miguel Lopez de Legaspi sa kanyang nitso sa Simbahan ng San Agustin na nilikha ng Espanyol na iskultor na si Juan Manuel Iriarte sa kagandahang loob ng Ministry of Froeign Affairs ng Espanya. Mula sa Koleksyon ng Aklatan ng Sinupang Xiao Chua.
Bago siya mamatay, ang lungsod na pinabakuran niya ng kawayan ay mayroon nang mga 150 na mga kabahayan na nakapaloob sa mga parisukat sa pagitan ng mga nagkukrus na daan tulad sa Europa—Roman Grid Pattern, at ang simbahan at monasteryo ng mga unang paring tumungo sa Pilipinas, ang mga Agustino.

Ang pagtatayo ng mga Espanyol ng mga pader na kahoy sa paligid ng Lungsod ng Maynila. Iginuhit ni Norie Millare para sa Aklat Adarna.
Noong 1574, ayon sa pinakamadaling basahin at pinakakomprehensibong gabay sa lungsod na isinulat ni Jose Victor Torres, ang Ciudad Murada, ang lungsod na ito ay binigyan ng titulo o karangalan ng Haring Felipe II, sa kanya ipinangalan ang ating bansang Pilipinas, bilang Insigne y siempre leal ciudad (katang-tangi at laging tapat na lungsod).

Ang coat of arms ng Maynila na nagpapakita ng isang kastilyo bilang sagisag ng Kaharian ng Castille, ang pinakamalaking kaharian sa Espanya, at ang merlion, o ang ultramar na simbolo ng mga Espanyol para sa kapuluang Pilipinas. Mula kay Dr. Ambeth R Ocampo.
Noong 1574, sumalakay ang piratang Tsino na kinatatakutan ng mga Portuges sa Malacca, mga Olandes, maging ng mga Muslim, si Limahong, kasama ng ilang indio tulad ni Rajah Soliman. Bagama’t nabigo, kamuntik nang maagaw ang Maynila. Noong 1587, isang pasaway na kandila ang hindi nabantayan sa burol ni Gob Hen. Gonzalo Ronquillo de Peñalosa sa Simbahan ng San Agustin. Sinunog nito ang simbahan, sinunog din nito ang buong lungsod.

Ang pagsalakay ni Limahong. Detalye mula sa mural ni Carlos V. Francisco na pinamagatang “Filipino Struggles Through History” na nasa Bulwagang Katipunan ng City Hall ng Lungsod ng Maynila.
Napagtanto ang pangangailangan na gawing mas matibay ang lungsod. Ang gumawa ng plano ay ang Heswitang si Padre Antonio Sedeño at sinimulang ipatupad ni Goberndor Heneral Santiago de Vera sa pagpapatayo ng mga tanggulang adobe na Fuerza Santiago, at ang pabilog na Nuestra Señora de Guia o Baluarte de San Diego) kapwa sa batong adobe.

Baluarte de San Diego. Planong gawing watch tower (bantayan) ngunit hindi itinuloy, ibinaon sa lupa hanggang aksidenteng madiskubre noong 1979. Tinanggal ang lupa at muling isinaayos ng Intramuros Administration.
Ang humalili sa kanya, si Gobernador Heneral Gomez Perez Dasmariñas, ang siyang nagsimulang magpalibot ng buong lungsod sa pader noong Hunyo 1590 sa utos na rin ng hari. Dalawang beses din kasi siyang pinagtangkaang kikilan ng tributo ng pinunong Hapones na si Hideyoshi. Hindi lang pader ang kanyang ipinalibot sa lungsod kundi pati na rin mga ilog-ilogan o moat tulad sa mga midyibal na mga kastilyo sa Europa.

Ilog-ilogan na may drawbridge na parang mga kastilyo sa Europa, ito ang Ravelin Real de Bagumbayan. Mula kay intrepiddreamer.wordpress.com.

Lumang mapa ng Intramuros noong 1713 na ginawa ni Antonio Fernandez Rojas mula sa orihinal ni Antonio Fernandez Rojas. Nagpapakita ito ng kaayusan ng mga kalsada ayon sa Roman Grid Pattern at ang mga ilog-ilogan o moat na hindi basta-basta ilog kundi may mga harang na maliliit na isla. Mula sa Ciudad Murada.
Siyempre, hindi ang mga mananakop ang nagtayo nito, kundi ang mga indio. Sila ang kumuha ng mga batong adobe mula sa Guadalupe sa San Pedro de Makati, sila ang nagpaanod ng mga ito sa ilog, ang nagbuhat at nagtayo ng mga ito. Ngunit nang matapos, tanging mga pari, opisyal at mga sundalong Espanyol lamang ang tumira at nakinabang.

Ang pagpapaanod ng mga troso sa mga dagat at ilof ng mga indio sa pagtatatag ng Intramuros. Iginuhit ni Norie Millare para sa Aklat Adarna.

Ang pagbuhat ng mga indio sa batong adobeng gagamitin sa pagtatayo ng mga pader na nagmula sa Guadalupe sa San Pedro de Makati. Iginuhit ni Norie Millare para sa Aklat Adarna.

Ang mga pari at mga opisyal Espanyol ng pamahalaang kolonyal ang tumira sa Intramuros. Iginuhit ni Norie Millare para sa Aklat Adarna.

Ang mga mayayamang Espanyol ang siyang tumira sa Intramuros. Nasa Plaza Mayor sila sa harapan ng Palacio del Gobernador. Iginuhit ni Norie Millare para sa Aklat Adarna.
Nakilala ang lungsod sa tawag na Intramuros—nakapaloob sa mga pader. Ito lamang noon ang lungsod ng Maynila, kung saan naroroon ang lahat ng mahahalagang mga tanggapan ng pamahalaan, mga kumbento at monasteryo, mga paaralan. Umabot sa mahigit pito ang bilang ng simbahan sa loob nito, ang labas nito ay tinawag na mga arabal o suberbs.

Intramuros–Sa Loob ng mga pader. Itong 64 ektaryang lupain na ito ang tanging Lungsod ng Maynila noon.

Ang Plaza Complex ng Intramuros ang pinakasentro ng Imperyong Espanyol sa Asya!!! Mga gusali mula sa kaliwa: Ayuntamiento (City Hall), Katedral ng Maynila at Palacio del Gobernador. Mula sa National Media Production Center.

Ang Plaza Complex ng Intramuros ang pinakasentro ng Imperyong Espanyol sa Asya!!! Mga gusali mula sa kaliwa: Ayuntamiento (City Hall), Katedral ng Maynila at Palacio del Gobernador. Mula sa Pacto de Sangre.

Ang Puerte del Parian kung saan bumbili ang mga Espanyol sa mga mangangalakal na Tsino sa labas ng intramuros. Iginuhit ni Norie Millare para sa Aklat Adarna.
Sa loob ng tatlong siglo, pinrotektahan ng pader ang Pamahalaang Espanyol mula sa lahat ng banta, at ipinakita na mula sa Intramuros dumaloy ang ginhawa para sa kolonya, ang sentro ng Emperyong Espanyol sa Silangan! Ang Intramuros ay bahagi po ng ating kasaysayan, ingatan po natin ito. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time. (Pook Amorsolo, UP Diliman, 27 July 2013)