XIAO TIME, 9 October 2013: IBANG BERSYON NG PAGPATAY KAY GOBERNADOR HENERAL BUSTAMANTE

by xiaochua

Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

"El Asesinato del Gobernador Bustamante y Su Hijo" (Ang Pagpaslang Kay Gobernador Bustamante at sa Kanyang Anak).  Mural ni Felix Resurrecion Hidalgo na nakalagak ngayon sa Pambansang Sinupan ng Sining sa Pambansang Museo ng Pilipinas.  Koleksyong Leandrom Locsin.  Mula kay pupuplatter.

“El Asesinato del Gobernador Bustamante y Su Hijo” (Ang Pagpaslang Kay Gobernador Bustamante at sa Kanyang Anak). Mural ni Felix Resurrecion Hidalgo na nakalagak ngayon sa Pambansang Sinupan ng Sining sa Pambansang Museo ng Pilipinas. Koleksyong Leandrom Locsin. Mula kay pupuplatter.

9 October 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=BSRbRo_CQ8E

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  294 years ago, October 11, 1719, pinaslang sa mismong Palacio del Gobernador si Gobernador Heneral Fernando Manuel de Bustillo Bustamante y Rueda, ang liberal na gobernador heneral ng Pilipinas at Field Marshal ng Emperyong Espanyol mula 1717 hanggang 1719.  Ito ay matapos na suwayin niya ang mga kagustuhan ng mga prayle dahil sa patuloy na pag-aresto sa mga may utang sa gobyerno kahit sila ay humihingi ng sanktwaryo sa simbahan.  Nang ang mga nabastos na opisyal na simbahan ay umalma at nagtangkang, “Ipapa-excommunicate ka namin!”  Ay lalo niyang ipinakulong ang mga Obispo, pati na ang Arsobispo ng Maynila, Francisco de la Cuesta.  Kaya ayun, ayon sa mga tradisyunal na tala sa ating mga aklat, nagbalak ang mga prayle at nagtipon ang mga pari kasama ang kanilang mga kabig mula sa Simbahan ng San Agustin at nagmartsa patungong Palacio del Gobernador sa loob ng Intramuros.  Sinugod nila ang ikalawang palapag, dinampot ang Gobernador Heneral, kinaladkad at pinagsasaksak hanggang mamatay.  Dumating ang kanyang anak upang iligtas siya ngunit ang anak niya rin ay napatay.  Dalawang asasinasyon ang nangyari.  Matapos noon, nagmartsa sila patungong Fort Santiago, pinalaya ang mga obispo at arsobispo, at ang Arsobispo ng Maynila ay ginawang interim na Gobernador Heneral sa loob ng ilang linggo.  Lalo itong nare-reinforce dahil sa isa sa pinakasikat na mural ni Felix Resurreccion Hidalgo, isang bayaning pintor ng ating bansa noong panahon ng propaganda, ang The Assassination of Governor General Bustamante and His Son.  Ipinapakita nito Bustamante na kinakaladkad at sinasaksak ng napakaraming prayleng dominikano!  Pero ayon sa isang artikulo ni Padre Cantius Koback, may mga tala na matatagpuan sa archives ng Unibersidad ng Santo Tomas na hindi talaga mga prayle ang pumatay kay Bustamante.  Sugatan siya nang dalhin sa dungeon ng palasyo, ngunit tinapos siya ng isa sa kanyang accountant na natagpuang nagnanakaw ng pera ng gobyerno.  Sa mga tala, isang Don Vicente Lucea ang pumatay sa kanya.  Ayon naman sa isang labandera sa palasyo, yung Don Vicente ay si Padre Sebastian de Totanes pala na Superyor ng mga Pransiskano.  Kung paniniwalaan si Padre Dr. Fidel Villarroel, isang respetadong historyador na Espanyol, teologo ng Dominican Order at dating archivist ng UST.

Fr. Fidel Villaroel.  Mula sa Philippine Daily Inquirer.

Fr. Fidel Villaroel. Mula sa Philippine Daily Inquirer.

Hindi maaaring mga prayle ang gumawa ng krimen sapagkat sila ay nakakulong sa Fort Santiago.  Binanggit din niya na ang obra maestra ni Hidalgo ay sinadyang maging historically inaccurate.  Ang tagapayo raw ni Hidalgo ay si Antonio Regidor, isang sikat na mason na kilalang kalaban ng mga prayle.

Felix Resurreccion Hidalgo.  Mula sa Lopez Museum.

Felix Resurreccion Hidalgo. Mula sa Lopez Museum.

Antonio Ma. Regidor.

Antonio Ma. Regidor.

Kung gayon, talagang inilagay na mga pari lamang ang pumatay sa gobernador upang mas magkaroon ng matinding epekto sa nakakakita at magbigay ng mensahe ng kapangyarihan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas.  Samakatuwid ang obra ay isang pulitikal na propaganda.  Anuman, ang mga obra maestra ni Fernando Amorsolo at ang mga diorama ng Ayala Museum na nagpapakita na kapwa mga taumbayan at mga prayle ang pumatay kay Bustamante.

"Ang Pagpaslang Kay Gobernador Heneral Bustamante." Obra Maestra ni Fernando Amorsolo na nasa Judge Guillermo Guevara Room ng Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas.

“Ang Pagpaslang Kay Gobernador Heneral Bustamante.” Obra Maestra ni Fernando Amorsolo na nasa Judge Guillermo Guevara Room ng Aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas.

"Ang Pagpaslang Kay Gobernador Heneral Bustamante."  Diorama sa Ayala Museum.

“Ang Pagpaslang Kay Gobernador Heneral Bustamante.” Diorama sa Ayala Museum.

Case Unclosed ang kaso ng pagpatay kay Gobernador Heneral Bustamante dahil sinarado agad ang kaso at hindi na pinaimbestigahan pa.  Sangkot man ang mga prayle o hindi, ang sentimyento ng taumbayan ay nagmula sa pagpapakulong ni Bustamante sa mga opisyal ng Simbahan.  Bottomline, ang insidente ay nagpapakita pa rin ng napakalakas na impluwensya ng Simbahan sa ating bansa, noon at ngayon.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 5 October 2013)