XIAOTIME, 8 March 2013: MGA BABAYLAN AT MGA BINUKOT
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 8 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
8 March 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=elK5GSzhMOE
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Nais ko pong batiin ang araw-araw na sumusubaybay sa PTV News na si Mari Clare Junio sa kanyang kaarawan sa Linggo, March 10, siya ay isang malakas na babae at tamang-tama, ngayong araw ay International Women’s Day. Sa kwento ng Henesis sa Biblia, ang mga babae ay nilikha lamang dahil nalungkot ang lalaki. Kaya kung titingnan ang mga mamamayan na naniniwala sa ganitong klaseng kwento ng pagsisimula, nanaig sa kanila ang mga lalaki o Patriyarkiya.
Ngunit sa mga kapuluang ito na naniniwala na sabay na lumabas sa kawayan ang babae at lalaki, si Malakas at Maganda man sa Katagalugan o si Sicalac at Sicavay naman si Visayas, may pantay na papel ang babae sa lipunan. Sa pamumuno ng bayan, kung ang datu ang politikal na mga pinuno, nariyan ang mga babaylan sa larangang espirituwal. Ayon sa pag-aaral ni Zeus A. Salazar, ang babaylan noong unang panahon ang “pinakasentral na personahe sa ating lipunang Pilipino sa larangan ng kalinangan, relihiyon at medisina… ang namamahala sa kabuuang mitolohiya ng bayan.”

Babaylan, ang manggagamot. Detalye ng serye ng mural na “History of Philippine Medicine” ni Carlos “Botong” Francisco.
Daluyan siya ng buhay at ginhawa. Tatlo ang papel niya, siya ang tagapamagitan ng mundong espirtuwal ng mga anito at ng mga tao, siya ay ang manggagamot, at siya rin ang nagmememorya at umaawit ng epiko ng bayan, na kapag pinakinggan ng lahat, nadarama ng buong bayan na iisa ang kanilang pinagmulan at iisa ang kanilang damdamin at patutunguhan. Maliban sa mga babaylan, nariyan din ang isang espesyal na mga babae, ang binukot.

Conchita Gilbaliga, isang buhay na binukot ng Panay. Mula sa http://www.thenewstoday.info/2008/11/21/stitching.generations
Sila ang mga babaeng magaganda na bata pa lamang ay itinatago na, ibinubukod, upang mapanatili ang kaputian at pinag-aaral ng mga epiko upang maging daluyan ng pagkakaisa at pagpapatuloy na bayan. Madalas na ilarawan na kasing puti ng balanakon, isang sugpo na maputi at malambot ang balat at hindi pinapaapak sa lupa. Madalas na nais pakasalan ng mga datu. Sila ang itinuturing na anting-anting ng isang datu o ng isang bayan. Mawala sa kanya ito, babagsak ang kapangyarihan ng datu o mawawalan ng dangal ang isang bayan. Ayon kay Vicente Villan, sa mga kwentong bayan sa Panay, ang babae ang dahilan ng mga digmaan at ang tagapamayapa ng kaguluhan. Ang kanyang pagiging sanhi ng digmaan ay may kinalaman sa pagkakaroon ng sinapupunan, at ang kapangyarihan ng mga bayan ay nakasalalay sa yamang-tao nito—sa dami ng mandirigma at panday. Maraming sumasalakay, marami ring kapangyarihan, at kung may kapangyarihan ang bayan, may ginhawa. Ang pagiging maganda ay may kaugnayan sa kapangyarihan, at mas maraming ginhawa. Kaya naman pala sa kabila ng patriyarkiya ng mga kolonisador, makikitang malakas ang maraming mga babae sa Pinas. Lalo na ngayon. Sabi ni José Rizal sa kanyang liham sa mga kadalagahan ng Malolos, “Talastas ng lahat ang kapanyarihan at galing ng babayi sa Filipinas, kayá ñgá kanilang binulag, iginapus, at iniyukó ang loob, panatag sila’t habang ang ina’y alipin, ay ma-aalipin din naman ang lahat ng mga anak.”

Ang mga kababaihang dalaga ng Malolos. Obra Maestra ni Rafael del Casal. Mula sa aklat na Women of Malolos ni Nicanor Tiongson.
Iiwanan ko kayo ng mga kataga mula sa awitin ng Inang Laya, mga babae, ang mithiin ay lumaya. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 23 February 2013)
[…] Sikalak and Sikabay by Filway’s Philippine Almanac from XiaoChua.net […]