XIAOTIME, 7 March 2013: ANG PAPEL NI PACIANO RIZAL MERCADO SA KASAYSAYAN NG PILIPINAS
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 7 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanging larawan ni Paciano Rizal sa kanyang buong buhay. Tanong ni Ambeth Ocampo, ano kaya ang napakagandang disenyo floral na nasa kanyang harapan? Ang sagot sa ibaba. Mula sa Vibal Foundation.
7 March 2013, Thursday:
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Binabati ko si Ma’am Esther Lopez Azurin at ang kanilang mga kaanak, aking kaibigan at apo ng aking tatalakayin sa araw na ito.

Si Xiao Chua kasama si Ma’am Esther Lopez-Azurin, direktang kaanak ni Paciano Rizal, habang tumatakbo sa Run Rizal Marathon, September 2011.
162 years ago, March 9, 1851, isinilang si Heneral Paciano Mercado. Huh??? Who’s that Pokemón??? Siya po ang kuya ng ating National Hero na si Dr. José Rizal na mas kilala natin sa tawag na Paciano Rizal. Kung si José ang ikapito sa labinlimang magkakapatid, si Paciano ang ikalawa, nag-aral sa Kolehiyo de San José at Unibersidad ng Sto. Tomas ngunit nang mabitay ang kanyang kaibigan at housemate na si Padre José Burgos noong 1872, nag-drop out na lamang siya. Dahil sa maagang pagkamulat na ito sa kaalipinan ng bayan, siya ang nagturo sa batang Pepe na mahalin ang bayan.
Siya ang nagdala dito sa Maynila upang maipasok sa Ateneo kahit na nahuli sa rehistrasyon. Sa tulong ng ilang kapwa makabayan, siya din ang kumumbinsi sa matalinong si Pepe na umalis patungong Europa upang tuparin ang pangarap na siya sana ang dapat na magsakatuparan—ang ipaglaban ang bayan bilang isang ilustrado gamit ang kanyang panulat sa Espanya. Walang José Rizal na National Hero kung walang Paciano Rizal.

Paciano Rizal habang ginagabayan ang batang Pepe. Likhang sining ni Benedicto Cabrera mula sa aklat na Indio Bravo.
Siya ang obrerong kumayod sa bukid upang mapadalhan lamang ng pera ang kapatid kapag ito ay nangailangan, hanggang sa sila’y walang-wala na at tuluyang palayasin sila ng mga prayle sa kanilang lupain sa Calamba. Hindi totoong lubos na tumanggi si Rizal na ipaglaban sa isang himagsikan. Ito ang bagong pananaw ngayon ng ilang historyador, dahil kung talagang ayaw ni Rizal sa himagsikan, bakit ang kanyang mga kapatid na sina Josefa at Trining ay naging mga kasapi ng Katipunan, si Paciano naging heneral pa.
Nang balak sanang iligtas nina Andres Bonifacio si Rizal noong babarilin na ito noong 1896, si Paciano ang pumigil sa kanila sa pagsasabing hindi nanaisin ng kanyang kapatid na magbuwis ng maraming buhay para lamang sa kanyang iisang buhay. Sa pamahalaang rebolusyunaryo sa ilalim ni Hen. Emilio Aguinaldo, siya ang naging Kalihim ng Pananalapi. Nang mapasakamay ng mga Amerikano, inalok ng posisyon sumumpa lamang ng katapatan sa watawat ng mga Amerikano. Ngunit kanya itong tinanggihan at namuhay na lamang ng mapayapa bilang obrerong may lupa sa Los Baños, Laguna sa bahay na ito.

Ang bahay nang muli itong ipatayo sa disenyo ni Andres Luna de San Pedro, artista at arkitektong anak ni Juan Luna. Kuha ni Xiao Chua.
Nakatanaw sa dati nilang tahanan sa lawa hanggang sa ito ay mamatay noong April 13, 1930. Noong nabubuhay siya, ayaw niyang magpakuha ng litrato at nadala ata ang kaisipan ng isang rebeldeng ayaw basta makilala, ngunit minsan nanakawan siya ng kanyang mga kaanak ng imahe sa harapan ng isang aakalain mo sa sofa, iyon pala ay puwit ng kanyang pamangkin.

Siyempre, sa susunod na makuhanan siya, hindi na siya makakareklamo. Mula kay Ambeth Ocampo, kuha ni Jonathan Balsamo.

Mula sa Cementerio del Norte, inilipat ang mga labi nina Paciano, Josefa at Trinidad Rizal sa puntod na ito sa bahay ni Paciano Rizal sa Los Banos.
Hindi raw maramot, nagpamigay ng lupa sa kanyang mga magsasaka, maging ang pook ng UP Los Baños ay lupa nila dati. Kabalintunaang kilalanin si José Rizal kung hindi rin natin aalalahanin kahanay niya ang kanyang kuyang nanatili nakaugat sa diwa ng bayan—Hen. Paciano Rizal. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 23 February 2013)
nice sir xiao
Thank you Sir Xiao! Ako po ay isang instruktor na nkapagtapos ng kursong haynayan pero naatasang magturo ng buhay ni Rizal. Maraming salamat po dito!