XIAO TIME, 5 July 2013: ANG PAPEL NI MIGUEL LOPEZ DE LEGAZPI SA ATING KASAYSAYAN
by xiaochua
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
5 July 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=ikjETWEEbVk
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Matapos ang pagkasawi ni Magellan sa Mactan, nagpadala ang Hari ng Espanya ng iba pang mga ekspedisyon patungo sa mga kapuluang ito—ang mga ekspedisyon nina Loaysa, Cabot, Saavedra at Villalobos na may tatlong pangunahing misyon: Makipagkasundo sa mga bayan; magpaumanhin sa mga taga-Cebu sa nangyaring panggagahasa ng mga tauhan ni Magellan; ibalik ang mga labi ni Magellan.
Lahat sila ay nabigo. Marami pa sa mga pinuno nito ay nabihag ng mga karibal na Portuges na hawak ang kalapit na Moluccas o Spice Islands. Ngunit inutusan ng Hari ng Espanya, Felipe Segundo ang Viceroyalty ng Nueva España sa Mexico na muling magpadala ng isa pang ekspedisyon sa Pilipinas.
At si Adelantado Miguel Lopez de Legazpi ang napili. Naging katuwang niya ang isang paring Agustino, si Padre Andres de Urdaneta, na bago maging pari ay beterano na ng Ekspedisyong Loaysa kaya alam na niya ang ruta patungong Pilipinas at pamilyar na sa pasikot-sikot sa kapuluan.
Siya ang magiging alas ng ekspedisyon. Umalis sila ng Mexico noong November 1864 at matapos ang dalawang buwan, nakarating sa Samar noong February 20, 1565. Sa Bohol, sa pag-aakalang sila ay mga Portuges, nagsilikas sa kabundukan o nag-ilihan ang mga tao ngunit nang malaman ni Rajah Sikatuna na ibang mga tao ito, siya ay nakipagsandugo kay Legazpi, isang punto sa ating kasaysayan ni ipininta ni Juan Luna at ang obra maestra ngayon ay nasa Palasyo ng Malacañan.

Pacto de Sangre. Ang modelo para kay Legazpi ay ang bayaw ng pintor na si Trinidad Pardo de Tavera. Si Sikatuna si Jose Rizal. Obra maestra ni Juan Luna.

Si Pangulong Noynoy Aquino matapos na umakyat sa Palasyo ng Malacanan, nasa likuran niya ang Pacto de Sangre ni Juan Luna. Mula sa Yes! Magazine.

Ang tradisyunal na sayt ng Sanduguan na pinatayuan ng monumento na obra maestra ni Napoleon V. Abueva.
Kung para sa mga Boholano, tunay na kapatid na ang turing nila sa mga Espanyol bilang isang dugo na lamang sila, wala naman itong kahulugan sa mga Espanyol at tumalikod din sa kapatirang ito tulad ng binaggit ni Andres Bonifacio sa kanyang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog.”
Noong April 27, dumating sila sa Sugbu ngunit nilabanan ng mga tauhan ni Rajah Tupas. Ngunit hindi naglaon, dahil sa mas diplomatikong approach ni Legazpi, nakipagkasundo rin sa mga Espanyol si Rajah Tupas. Kalaunan, ang Cebu ang naging pinakaunang kolonyal na lungsod sa Pilipinas noong 1571.

Obra maestra ni Fernando Amorsolo na nagpapakita ng pakikitungo ng Legazpi sa mga Pilipino (expolorer-philippines.com)

Isang liham ni Miguel Lopez de Legazpi. Mula sa http://www.travelandpositiveliving.com.

Pirma ni Legazpi. Mula sa http://www.travelandpositiveliving.com.
Ngunit hindi ibig sabihin na nasakop ang Cebu ay nasakop na ang buong Pilipinas, simula lamang ito ng mahabang proseso ng Conquista. Lumipat siya sa Panay noong 1569, at ginamit ang mga dayuhan ng mga mandirigmang Panayanhon upang tulungan sila sa paggalugad at pananakop ng mga kalabang Moro sa Mindoro at Luzon na nilulusob sila. Pinamunuan sila ng apo ni Legazpi na si Juan de Salcedo at Martin de Goiti. Tampuhan ng Bisaya at Tagalog, noon pa pala iyon???

“Entrevista de Goiti y Rajah Soliman,” and encuentro nina Martin de Goiti at Rajah Soliman, 1570. Obra maestra ni Fernando Amorsolo. Mula sa Pacto de Sangre.
Isang taon matapos na matalo ni de Goiti sina Rajah Soliman at ang mga taga-Maynila noong 1570, tumungo doon mismo si Legazpi at itinatag niya kasama ni Padre Urdaneta ang Lungsod ng Maynila, 442 years ago, June 24, 1571 na ginugunita ngayon bilang Araw ng Maynila.
Namatay siya sa kanyang lungsod makalipas ang isang taon, August 20, 1572 at inilibing sa Simbahan ng San Agustin. Ngayon, ang lumang monumento nina Legazpi at Urdaneta ay ninanakawan at kinakalakal ang mga bakal. Naku! Magtigil po kayo! Bahagi po yan ng kasaysayan!

Monumento ni Legazpi at Urdaneta sa Luneta na ipinagawa noong huling bahagi ng pananakop ng Espanyol sa Pilipinas. Mula sa Pacto de Sangre.

Ang dating kinalalagyan ng plake at ang estatwa ngayon sa ilalim ng Legazpi-Urdaneta monument noong wala na ito. Pati daliri nawala. Kaloka. Mula sa nostalgiafilipinas.blogspot.com.

Ang monumento ni Legazpi at Urdaneta ay unti-unting kinikilo. Mula sa nostalgiafilipinas.blogspot.com.
Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 8 June 2013)