XIAO TIME, 8 April 2013: UP VANGUARD AT ANG MGA KABATAANG PILIPINO NOONG WORLD WAR II
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

“Duty, Honor, Country” ni Tam Austria. Mga larawan ng UP Vanguard mula sa UP Vanguard Coffeetable Book Team headed by Emmy Rodriguez.
8 April 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=2eOsPNuQ6tE
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Bukas ang Araw ng Kagitingan na gumugunita sa kabayanihan ng ating mga lolo at lola beterano na inalay ang kanilang kabataan para sa kalayaan. Kung minsan, kapag nagbabasa tayo ukol sa digmaan, ang ating kasaysayang militar ay natatali sa bilang ng mga nasawi at sa paggalaw ng mga batalyon. Hindi man lamang natin naaalintana kung minsan na sa bawat numero sa likod nito ay isang buhay, isang anak o tatay na hindi na uuwi, isang pamilyang nawasak. Kung pakikinggan natin ang kwento ng ating mga lolo at lola beterano, mararamdaman mo na kung naroon ka sa kanilang panahon, ang sundalo ay maaaring ikaw pala. Tulad ng kwento ng ilang mga underaged na mga kabataan na nang magpatawag ng mga boluntir na lalaban sa mga Hapones nang sumiklab ang digmaan, tumungo sila sa mga recruitment centers tulad ng UST kung saan sumusumpa ang mga bagong kawal. Ang mga kabataang ito ay pinauwi na lamang.
Maaari naman na excuse na nila iyon upang namantiling malayo sa panganib, ngunit sila mismo ay sumakay ng mga bus at tumungo sa kanilang sarili sa Bataan upang lumaban. Matapos ang ilang buwan, ang mga ROTC cadets ng iba’t ibang unibersidad sa Maynila ay magsasama-sama upang maging isang samahang gerilya, ang Hunter’s ROTC. Ayon sa aking kaibigan na si John Ray Ramos ng UP Vanguard Class MATALAB 2009, ang kanilang kapatirang UP Vanguard ay nakilahok din sa digmaan.
Ang UP Vanguard ay kapatiran na binubuo ng mga alumni ng advanced ROTC sa Unibersidad ng Pilipinas sa loob ng apat na taon, ito yung mga nagiging opiser ng UP ROTC. Nagsimula ito bilang “Diamonds and Studs” fraternity noong 1922 na binubuo ng mga kadete ng Basic and Advance ROTC.
Nang sumiklab ang digmaan, lumahok sa organisadong depensa sa Bataan at Corregidor, at sa mga gerilya sa buong bansa, ang mga Vanguards, na tulad nina Vgd Alfredo Santos (‘29) na bayani ng Battle of the Pockets, Vgd Macario Peralta Jr (’34) na naging pinuno ng mga gerilya sa Panay, Vgd Salvador Abcede (’36) na namuno sa 7th Military District sa isla ng Negros, Vgd Romeo Espino (’37), Vgd Senator Salipada K. Pendatun (’36) na namuno ng mga gerilya sa Mindanao.
Nagsilbi rin sa digmaan sina Vgd Manuel Roxas at Vgd. Carlos P. Romulo (’18) na naging “Voice of Freedom,” aide-de-camp ni MacArthur at Quezon at mula major naging Brigadier General.
Ang mga Vanguard ay dumaan sa pagsasanay sa sining ng pamumuno at sa agham pangdigma kasabay ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo kaya naman hindi maiiwasan ng mga Vanguards ang call to arms, ang tawag na ipagtanggol ang bayan sa tuwing may digmaan, nagbubuwis ng pawis, luha at dugo upang sundin ang kanilang sinumpaang “Shibboleths”: Tungkuling nagampanan ng mahusay, dangal na walang bahid, at Bayan higit sa sarili.
Sa pag-aaral ng mabuti at paghahanap-buhay ng marangal, ipagpapatuloy natin sa panahon ng kapayapaan ang itinindig ng mga beterano sa panahon ng digmaan: Duty, Honor, Country–Tungkulin, Dangal, Bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 3 April 2013, malaking pasasalamat kay G. John Ray Ramos ng UP Vanguard at Security Matters Magazine para sa tulong sa paggawa ng presentasyong ito.)
Mr. Chua,
I am a grandson of Salipada Pendatun. I’d like to know if I can borrow his photo and scan it for posterity. Thank you.
Hello SKP3, thank you, I know UP Vanguard wouldn’t mind. Why don’t you send me what you know about grandpa and some of your family photos and let’s do a Xiao Time on a great Mindanao leader!
I’ll try my best to compile photos and stories of my Lolo Sali—-will let you know once I have them. Thank you for expressing interest in featuring my grandfather.
pls e-mail at xiaoking_beatles@yahoo.com.