XIAO TIME, 9 April 2013: BAKIT APRIL 9 ANG ARAW NG KAGITINGAN (Pagbagsak ng Bataan, Simbolo ng Katapangan at Kabayanihan)
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Poster na “The Fighting Filipinos” na likha ni Michael Rey Isip na ginamit upang humingi ng suporta para sa mga sundalong Pilipino.
9 April 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=mL6J1Y_Cb4k
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Ngayon ay Araw ng Kagitingan sa Pilipinas, ang espesyal na araw bilang paggunita sa mga bayaning lolo at lola beterano na lumaban para sa ating kalayaan noong World War 2. Ginugunita nito ang pagbagsak ng Bataan noong April 9, 1942, 71 years ago ngayong araw.
Medyo kakatwa lamang dito sa Pilipinas, sa ibang mga bansa sa Kanluran, ang pagtatapos ng digmaan at pagwawagi sa kanilang mga bayan ang itinuturing na Araw ng Tagumpay ngunit bakit sa Pilipinas, bakit ang ginugunita ay ang pagkatalo? Nakadagdag daw ito sa imahe na ang mga Pilipinong sundalo ay talunan sa digmaan at si Heneral Douglas MacArthur lamang at ang mga Amerikano ang nagpalaya sa atin.

Ang Prinsesa Elizabeth (magiging Elizabeth II), Reyna Elizabeth, Primer Ministro Winston Churchill, Haring George VI at Prinsesa Margaret sa balkonahe ng Palasyon ng Buckingham noong Araw ng Tagumpay sa Europa, 1945.

Ang imahe ng “tagapagligtas” ng mga Pilipino–ang mga G.I. na Amerikano. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.
Ngunit kailangan nating malaman na ang istorya ng Bataan ay hindi lamang kwento ng pagkatalo. Dahil sa lakas ng pwersang Hapones, nagdesisyon si MacArthur na imbes na kalat-kalat, ipinatawag lahat ang nakararaming pwersang Pilipino at ilan pang mga Amerikano sa Pilipinas tungo sa tangway ng Bataan noong magsimula ang digmaan (War Plan Orange 3). Naging magaling ang pagtatanggol sa Bataan na matapos ang mahigit isang buwan, umatras bigla ang mga pwersang Hapones noong February 9, 1942.

War Plan Orange 3, magtipon lahat ng pwersang Pilipino-Amerikano upang ma-frustrate ang mga Hapones at harangan ang bukana ng Manila Bay. Ito ang War Plan Orange 3.
Hawak na noon ng mga Hapones ang halos buong Timog Silangang Asya maliban sa Bataan at Corregidor. Kumbaga tayo ang huling bumagsak. Sinabi sa mga tagapagtanggol ng Bataan na may mahabang convoy ng mga bagong gamot, pagkain at mga bala ang paparating upang suportahan sila ngunit, nagdesisyon ang presidente ng Amerika na hindi kayang makipagbakbakan ng Amerika sa dalawang kalaban, sa mga Aleman at sa mga Hapones, kaya nagdesisyon ng “Europe First” at ang mga suplay na dapat ay para sa atin ay ipinadala na lamang sa Europa. Dismayadong lumisan ng Corregidor sina Pangulong Manuel Quezon at si MacArthur kaya nasabi niya “I Shall Return.” Muling hinarap ng mga pwersang Pilipino-Amerikano ang mga Hapones noong simula ng April 1942 at dahil wala nga ang mga bagong suplay, madaling nagapi ang tagapagtanggol dahil sa matinding gutom at sakit. Dahil wala nang bala ang mga tagapagtanggol sa istratehikong Mt. Samat, naghulog na lamang sila ng mga malalaking bato sa mga Hapones. Nakuha ito ng mga Hapones noong April 3, 1942.

Ang Bataan ang Corregidor ang huling bumagsak sa mga Hapones sa Timog Silangang Asya. Binigkas ng mundo ang katapangan ng Pinoy, “Remember Bataan.” Mula sa Legacy of Heroes

Ang “kataksilan” ng Pamahalaang Amerikano sa mga Pinoy at sariling mga kababayan: Europe First. Hindi rin madali na makapasok ang mga Amerikano sa Asya noon. Mula sa Legacy of Heroes.

Ang Dambana ng Kagitingan na itinayo ng Pangulong Ferdinand Marcos na lumaban din sa Bataan. Natapos noong 1970. Kuha ni Xiao Chua.

Ang Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Pilar. Bataan. 555 meters above sea level. Ang krus ay may taas ng 92 feet.
Handang lumaban ang mga tagapagtanggol patay kung patay ngunit nagpasya ang mga pinunong Amerikano na sumuko na lamang sa mga Hapones. Kaya noong April 9, 1942, binasa ni Norman Reyes ang mga katagang sinulat ni Salvador P. Lopez upang ipahayag ang pagkasawi, “Bataan has fallen, but the spirit that made it stand—a beacon to all the liberty-loving peoples of the world cannot fail.”
Tapos, pinalakad pa ang natitirang 60-70,000 ng mga sundalong Pinoy at 11,000 na mga Amerikano sa isang death march ng 100 kilometro sa ilalim ng summer sun, mula Mariveles, Bataan patungong Capas Tarlac.
Ngunit hindi ang Bataan ang katapusan ng kwento. Sumibol ang isang pambansang kilusang gerilya na siyang nagpanalo ng digmaan, mas madali na lamang nakapasok muli ang mga Amerikano at sumuko sa mga gerilya natin si Heneral Tomoyuki Yamashita sa Kiangan noong 1945. Hindi tayo talunan. WE WON THE WAR. Yan ang katotohanan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Andrew Bldg, DLSU Manila, 3 April 2013)

Pagsuko ni Heneral Tomoyuki Yamashita, Tigre ng Malaya, sa Kiangan, Ifugao, September 1945 sa mga gerilya ng Hilagang Luzon. Mula sa TIME.

Ang mga Lolo Beterano habang sinasariwa ang panata nila noong sumali sila sa pakikibaka para sa kalayaan. Mula kay Heitrid Firmantes
MAPALAD ANG INYONG MGA APO (BLESSED ARE YOUR GRANDCHILDREN)
Episode 1 (Bonus feature): Lolas Talk About The War (30 mins.)
Part 1: http://www.youtube.com/watch?v=RlE1m3…
Part 2: http://www.youtube.com/watch?v=xrAuYt…
Episode 2 (Main feature): Sulat Para Kay Lolo at Lola Beterano (15 mins.)
Part 1: http://www.youtube.com/watch?v=srNAeT…
Part 2: http://www.youtube.com/watch?v=4poIYJ…
Letter for Veteran Grandpa and Grandma (w English subtitles)
Part 1: http://www.youtube.com/watch?v=iTzi2L…
Part 2: http://www.youtube.com/watch?v=jdTv5Z…
TAGUMPAY (The first documentary of PVAO, PHA and UST on World War II in the Philippines):
Part 1: http://www.youtube.com/watch?v=CcEXpl…
Part 2: http://www.youtube.com/watch?v=_grZ-J…
Part 3: http://www.youtube.com/watch?v=XEIZgt…
wow ang ganda