XIAOTIME, 27 February 2013: ADBOKASIYA NG ABOGADONG SI JOSE W. DIOKNO
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 27 February 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ka Pepe Diokno: Makatao, Makabayan. Mula sa biyograpiya ni Diokno na isinulat ni Bernardo Noceda Sepeda.
27 February 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=kNhxzOEgINQ
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 91 years ago kahapon, February 26, 1922, isinilang si Jose Wright Diokno sa Maynila. Huh??? Who’s that Pokemón??? Siya ang nasyunalista na mas kilala bilang si Ka Pepe Diokno. Anak siya ng isang dating senador at dating hurado ng Korte Suprema at ng isang mestisang Briton. Sa La Salle College, siya ay nagningning. Valedictorian ng kanyang high school class at summa cum laude sa kursong Commerce. Sobrang bata niyang kumuha ng CPA board exam kaya kailangan pa niya ng espesyal na permiso. Nag-abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas ngunit naudlot dahil sa digmaan. Patuloy na pinag-aralan ang mga aklat ng kanyang ama at kahit na hindi nakapagtapos, binigyan ng pahintulot na kumuha ng bar exams. Siya ang tanging Pinoy na naguna kapwa sa CPA at bar exams! Cool!
Nakilala siyang magaling na abogado at ginawang Secretary of Justice ni Pangulong Diosdado Macapagal noong 1961. Ipina-raid ni Diokno ang negosyo ng Amerikanong si Harry Stonehill dahil sa korupsyon at panunuhol nito sa mga nasa pamahalaan. Nadiskubre niya ang mas malalim na korupsyon sa pamahalaan. Bago makasuhan, pina-deport na lamang ni Macapagal si Stonehill at inutos ang pagbibitiw ni Diokno.

Listahan ni Stonehill sa kanyang kwaderno ng mga sinusuhulan niya. Bituwin sa tala na lang kayo mag-argument. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Si Diokno sumasagot sa telebisyon ukol sa isyung Stonehill na ikinasibak niya sa pwesto. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.
Dahil sa kanyang tindig, nanalo bilang senador noong 1963 at nagsulong ng batas sa pagpapalakas ng suporta sa mga Pilipinong negosyo. Sa apat na sunod-sunod na taon mula 1967 hanggang 1970, kinilala siya ng Philippine Free Press bilang isa sa mga pinakamahusay na senador.
Noong patayin ang mga muslim na sundalo sa proyektong pagbawi ng Sabah, ang Jabidah, kanyang sinabi, “No cause is more worthy than the cause of human rights… they are what makes a man human. Deny them and you deny man’s humanity.” Ngunit, bilang katunggali ng Pangulong Marcos sa pulitika, isa siya sa pinakaunang ipinahuli noong gabi ng September 22, 1972 nang ideklara ang Batas Militar. Ibinartolina minsan kasama ni Ninoy Aquino sa Laur, Nueva Ecija. Walang nakaalam kung nasaan sila ng ilang linggo at nang mabisita ng pamilya ay pinaghiwalay naman ng chicken wire.

Ang rebulto ni Diokno na nakalagak ngayon sa kanyang kwarto nang makulong sila dito. Fort Magsaysay, Laur. Kuha ni Xiao Chua

Si Pepe Diokno kasama ang mga nakasama sa kulungan tulad nina Ninoy Aquino, Napoleon Rama at Ramon Mitra. Mula sa Testament from a Prison Cell.
Matapos ang dalawang taon, pinalaya nang hindi man lamang nakakasuhan ng kahit ano. Ngunit hindi tumigil sa pagtataguyod ng Human Rights. Walang takot na naglabas-pasok pa ng bansa at tinulungan ang mga biktima ng Martial Law bilang tagapagtatag ng Free Legal Assistance Group o FLAG. Nang magprotesta ang mga babaeng Kalinga ng nakahubad sa harapan ng mga sundalong nais agawin ang kanilang lupa para gawing Chico Dam, sinamahan nila ang mga Kalinga nang sila ay magprotesta rin kasama ni Senador Tañada nang nakahubad.
Nang magkaroon ng People Power, naatasan na maging founding chair ng Commission on Human Rights at punong negosyador pangkapayapaan para sa mga rebeldeng komunista.
Ngunit nang ang mga may hang-over pa sa diktadura na mga pulis ay barilin ang mga nagpoprotesta sa Mendiola noong January 22, 1987. Mamuntik lumuha si Diokno ng paghihinagpis at nagbitiw sa pamahalaan. Matapos ang ilang araw, namatay sa sakit sa baga 26 years ago ngayong araw, February 27, 1987.
Noong 2007, nagkaroon ng Diokno Boulevard sa may MOA at nag-iwan ng mga anak at apong naglilingkod sa bayan, tulad ng anak na si Maris na ngayon na tagapangulo ng National Historical Commission of the Philippines at apong filmmaker na si Pepe Diokno na pinuno ng RockEd Philippines. Sana hindi kalimutan ng kabataan si Ka Pepe Diokno sapagkat buong buhay niya, para sa kanila ang lahat ng kanyang pagpupunyagi, “There is one dream that all Filipinos share: that our children may have a better life than we have had. … the vision to make this country, our country, a nation for our children.” Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 23 February 2013)
nakakatuwang meron pa ring mga Pilipino na nagsusumikap pagalabin ang damadaming makabayn sa kasalukuyan….Mabuhay ka at kaisa mo ako sa mga pagpupunyaging ganito…
Aido Sepeda,
sumulat ng aklat na Jose “Ka Pepe” Diokno: Makatao, makabayan
Salamat po Aido. Salamat po at nagamit ko ang aklat niyo at ang mga larawan nito. Mabuhay po kayo.