XIAOTIME, 28 February 2013: ANG INIWANG PAMANA NI BENEDICT XVI SA HULING ARAW NIYA BILANG SANTO PAPA
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 28 February 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
28 February 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=A1u2kymBOvo
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Makasaysayan nga ang araw na ito. Ngayon ang huling araw ni Pope Benedict XVI bilang santo papa. Siya ang pinakaunang papa na nagbitiw sa puwesto sa loob ng kulang-kulang anim na daang taon.
Ang responsibilidad ng pagiging santo papa ay isang pasanin at karangalan na dinadala ng isang taong nahalal sa Upuan ni San Pedro hanggang sa kanyang kamatayan. Ngunit sa isang panayam sa aklat na Light of the World noong 2010, kanyang sinabi na kung hindi na makayanan ng katawan, kaisipan at ng espitu na ipagpatuloy ang responsibilidad ng kanyang opisina, may karapatan siya, at sa ilang pagkakataon, ay obligasyon na magbitiw na sa puwesto. At ito nga ang kanyang ginawa. Malapit na kaibigan ng namayapang Santo Papa John Paul II, kanya sigurong nakita ang down side ng Santo Papa na nasa banig ng matinding karamdaman. Si Benedict ay isang papa ng maraming sorpresa.
Isinilang siyang si Joseph Alois Ratzinger noong April 16, 1927 sa Bavaria, Germany. Kaya tawag ng iba sa kanya ay Papa Ratzi. Sa edad na 14, napilitang pumasok sa Hitler Youth, isang pasaway na miyembro na hindi dumadalo sa mga miting. Nakita niya ang brutalidad ng rehimeng Nazi nang patayin nila ang kanyang pinsang may down syndrome.
Pumasok sa pagiging pari at naging kilalang propesor at teyologo. Noong una, siya ay liberal at sinuportahan ang mga reporma sa Simbahan ng Ikalawang Kunsilyo sa Vaticano. Subalit, nagkaroon ng mga pag-aaklas ang kabataan sa mga pamantasan sa Germany at sa kanyang nakitang pagsuway at pambabastos ng mga estudyante sa kanilang mga guro. Nakita niyang ang dahilan nito ay ang sobrang liberalisasyon at sekularisasyon ng mundo. Mula noon siya ay naging konserbatibo.
At dahil marahil sa tindig na ito bilang isang kardinal, itinalaga siya ni John Paul II na Prefect ng Congregation of the Doctrine of the Faith noong 1981. Ang opisinang ito ang tagapangalaga ng Simbahang Katoliko mula sa mga itinuturing na maling katuruan.
Kilala noon bilang Opisina ng Banal na Inkisisyon, sila ang nagpasunog ng mga erehe noong unang panahon. Naging istrikto sa pagdepensa ng mga katuruan ng simbahan ukol sa birth control, homosekswalidad, diborsyo at pagpapari ng mga babae halimbawa. Tinawag siyang “God’s Rottweiler.” Ang Rottweiler ay isang kilalang breed ng aso na ginagawang watch dog. Subalit nagbigay ng sorpresa. Sa kanyang pamunuan, naglabas ng isang bagong katesismo, ang Cathechism of the Catholic Church, ang unang sistematikong sintesis ng doktrina ng Simbahan mula pa noong Council of Trent noong 1566.
Gayundin, hiniling niya na buksan ang dating lihim na artsibo ng Inkisisyon. Instrumental siya sa naging tagumpay ng papasiya ni John Paul II, tinuturing na isang “major figure” sa Vatican sa loob ng 25 taon. Noong 2005, pagkamatay ni John Paull II, naging mabilis ang halalan. Hindi na nasorpresa ang marami na siya ang naging Santo Papa sa laki ng kanyang impluwensya.
Kahit na kilalang istrikto, ang kanyang unang ensiklikal, o pangunahing pabatid si simbahan ay hindi tungkol sa pagpapatupad ng doktrina kundi ukol sa Pag-ibig, “Deus Caritas Est,” Ang Diyos ang pag-ibig. Sa katotohanan at matigas na bato ito ayon sa kanya nakasalig ang pananampalataya ng buong simbahan. Muli sinorpresa niya ang lahat.

Si Pope Benedict XVI habang pinipirmahan ang mga kopya ng kanyang unang ensiklikal Deus Caritas Est.
Tahimik niyang ipinagpatuloy ang paggiit ng pagiging misyonero ng mga Katoliko sa kabila ng konsyumerismo at modernismo. Kahit na Prada raw ang kanyang pulang sapatos, hindi siya mahilig sa uso.
Inaasahang hindi mawawala ang kanyang impluwensya sa simbahan kahit na magretiro siya sa isang buhay ng pananalangin sa isang monasteryo. Nag-ukit na siya sa buong buhay niya ng malaking pamana sa simbahan.
Benedict XVI, Papa Ratzinger, Paalam po at hanggang sa huli. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 23 February 2013)