XIAOTIME, 1 March 2013: ANG PAGDIRIWANG NG IKA-150 ANIBERSARYO NG RED CROSS
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 1 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang poster na gumugunita sa kasaysayan ng Pilipinong Red Cross na unang natatag sa Malolos, Bulacan ng Bahay Saliksikan ng Bulacan, nilikha ni Ian Christopher Alfonso.
1 March 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=R0OgaCyHLZ8
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay ang episode na ito sa inyo ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na nakabase sa Bulacan State University at pinamumunuan ngayon ni Dr. Agnes Crisostomo, at ang kanilang research fellow na si Ian Christopher Alfonso. 150 years ago noong nakaraang buwan, February 17, 1863, itinatag ang unang Krus na Pula o Red Cross sa Geneva, Switzerland ng isang abogadong si Gustave Moynier.
Naging inspirasyon niya ang isang aklat na kanyang nabasa na isinulat ng Pranses na si Jean-Henri Dunant na “A Memory of Solferino” kung saan sa isang labanan sa Italya, nakita niya ng 40,000 mga sundalo sa dalawang panig ng naglalabanang Austrian at Italyano ang namamatay at nasusugatan na hindi man lamang nabibigyan ng tamang atensyon. Si Dunant mismo ay nanatili sa Solferino upang tulungan ang mga sugatan.
Ngayon, isa na itong malaking-malaking umbrella organization na nangangalaga sa maysakit na tinatawag na International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies.
Sa Pilipinas, maging sa Katipunan, wala mang Red Cross, ang mga kababaihan ng himagsikan ay tila nagsilbi ng kaparehong pag-aalaga ng maysakit sa digmaan tulad nina Gregoria de Jesus, Tandang Sora, Josephine Bracken, mga kapatid ni Rizal na si Josefa at Trining, at si Trinided Tecson na itinuturing na Ina ng Red Cross sa Pilipinas.
Ang mga Espanyol ay nagkaroon din dito sa Pilipinas ng Cruz Roja Española noong himagsikan ng 1898. Sa kanila ipinaubaya ng Pamahalaan ni Emilio Aguinaldo ang mga POW na mga Espanyol upang makabalik ang mga ito ng ligtas sa Espanya.

Ang mga huling sundalong Espanyol sa sumuko sa Pilipinas matapos ang isang taong Siege of Baler. Itinuring na mga kaibigan ng mga Pilipino at iginalang ang kanilang katapangan.
Inaprubahan ni Aguinaldo ang pagkakaroon ng sariling Red Cross ng unang republika noong February 17, 1899, sa parehong araw na itinatag ang unang Red Cross sa Geneva at tinawag na “Asociación de Damas de la Cruz Roja en Filipinas.” Mga kababaihan ang mga kasapi nito na pinangunahan ni Doña Hilaria Aguinaldo y del Rosario, asawa ng pangulo.
Kung maaalala natin ang mga kabataang babaeng taga-Malolos sinulatan ni José Rizal 124 years ago noong nakaraang buwan, February 22, 1889, dahil sa katapangan na humiling sa Gobernador Heneral na magbukas ang isang paaralan para sa Wikang Espanyol, sila ang isa sa mga unang aktibong mga kasapi ng organisasyong ito.

Ang tagpo nang pagkorner at pagpetisyon ng 20 kababaihang dalaga sa Gobernador Heneral Valeriano Weyler sa Casa Real ng Malolos. Obra Maestra ni Rafael del Casal. Pabalat ng aklat ni Nicanor Tiongson na Women of Malolos. Sa kagandahang loob ni Ian Alfonso.
Marami sa mga babaeng kasapi ng Cruz Roja ay mga asawa, kapatid, anak, pamangkin, nobya at apo ng mga sundalo ng hukbong mapanghimagsik. Marami rin sa mga ito ay mga prominenteng mga babae at mga babaeng nais lang talagang tumulong. Noong 1905, dinala ng mga Amerikano ang American Red Cross sa pamamagitan ni Gobernador Heneral William Howard Taft at noong 1946, nang tayo ay isang nagsasariling republika na, binuo ang Philippine National Red Cross sa ilalim ni Dr. Horacio Yanzon, na pagdating na panahon ay naging Philippine Red Cross.
Hanggang ngayon, sa mga lugar na dinaanan ng digmaan at sakuna, naroon ang mga Pilipinong Red Cross na nagpapakita na hindi lamang tayo may dugong bayani, kaisa din natin ang sangkatauhan. Together with Humanity. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 23 February 2013)