XIAO TIME, 9 January 2013: DIWANG KATUTUBO SA PANATA SA NAZARENO
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 9 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
9 January 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=SvFFBFn0aQE
(Hindi ko po pag-aari ang mga larawan, walang pagnanais na lumabag sa copyright at dispensa sa mga larawang hindi na mabatid kung sino ang kumuha.)
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Para sa ilang obispo mismo ng Simbahang Katoliko, panatisismo, kahibangan ang lahat! Ang kaguluhan ng milyong katao upang makapagpunas ng panyo sa prusisyon ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na nagaganap ngayon mismo sa Traslacion tungong Quiapo, January 9. Ngunit mas mauunawaan natin ito kung titingnan natin ang ating sariling kultura at kasaysayan. Nang dumating ang mga mananakop na Espanyol, bakit ganoon na lamang ang pagyakap natin sa Katolisismo? Uto-uto ba ang ating mga ninuno? Liwanagin natin. Liban sa tinanggap na totoo ng mga Pilipino ang katotohanan ng Ebanghelyo ni Kristo, nakita rin nila na ang Katolisismo ay kakikitaan ng pagkakahalintulad sa dati nilang pananampalataya sa Bathala at mga anito.
Ang pagpunas ng panyo sa Nazareno upang kumuha ng kapangyarihan, maging ang paghawak at pagdala sa maysakit ng orihinal na kamay nito ay maihahalintulad sa praktis tuwing Biyernes Santos, kapag ibinaba si Kristo sa krus at ihinihiga upang maging Santo Intierro, lilinisin at pupunasan ang poon, at ang mga panyong ipinampupunas ay paghahati-hatian at ipamamahagi upang maging anting-anting na may potensya o bisa.
Ang ginagawa sa patay na Hesukristo ay tila ginagawa rin natin noon sa mga sinaunang namatay. Mayroong tala ng isang ritwal sa Cordillera, kung saan ang isang taong namatay ay iniuupo sa isang sangadi o sangachil at pinauusukan. Lalabas ang kanyang mga huling katas at iniipon ito sa isang plato sa ilalim ng sangadi upang ipahid sa mga naiwan.
Anumang kapangyarihan ng namatay ay naisasalin sa ganitong paraan sa mga buhay. Sa Visayas, ang bisa, potensya, anting-anting at kapangyarihan ay tinatawag na GAHUM. Hindi lamang medalyon o punongkahoy ang anting-anting, marami sa mga ito ay tela.
Biswal ang Pilipino dahil hindi naman tayo palabasa bago dumating ang mga Espanyol, nagsasaysay sa pamamagitan ng sining at mga estatwa ng mga anito ng mga ninuno, kaya ang paggalang sa anito ay nailipat sa imahe ng itim na Nazareno.
Gayundin, para sa Pinoy, mas marami, mas masaya! Kaya kahit na isang buong taon naman maaaring makita at lapitan sa loob ng simbahan ang mga orihinal na bahagi ng imahen ng Nazareno, sama-sama pa rin ang mga namamanata upang humiling ng mga himala sa Nazareno, kasama na ang ang mga usi, at ang mga epal na pulitiko.
Mula sa labas, aakalain mong magulo at hibang ang prusisyon ng Nazareno, pansinin mabuti na kahit milyong katao na nagkakagulo wala halos lubhang nasasaktan liban sa mga baguhan na nasasagasaan o nababalya. Pansinin maging kapag may nahimatay, maayos na umaalon ang mga ito papunta sa tabi ng kalsada at mga mediko.
Ito ay dahil may sariling kultura at wika ang mga namamasan na dapat munang matutunan kung ikaw ay sasama sa prusisyon. Ayon kay Dr. Lars Raymund Ubaldo, historyador at deboto, ang tawag sa paghila ng lubid ay “andas” mula sa salitang andar. Iniiwasan din ang tinatawag na pag-“otso” ng lubid. Delikado ito at maaaring maipit ang mga deboto. Kapag laging tagilid ang tali andas, pangitain daw ito ng mahirap na buhay.
Bottomline, ang lipunang Pilipino ay parang pista ng Quiapo—magulo nga at mahirap, ngunit masaya at may kaayusan pa rin, at sa huli mga “survivors” pa rin.
Kaya sana bago natin tingnan ang mga kultura natin at apihin ito bilang kabobohan, tumingin muna tayo sa lente ng ating sariling kultura at pananaw. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 4 January 2013)
[…] Watch and read Xiao Time segment with Xiao Chua on the indigenous beliefs and practices reflected in the devotion to the Black Nazarene: https://xiaochua.net/2013/01/09/xiaotime-9-january-2013-diwang-katutubo-sa-panata-sa-nazareno/ […]