XIAO TIME, 26 July 2013: IKA-99 NA ANIBERSARYO NG IGLESIA NI CRISTO
by xiaochua
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang karismatikong tagapamahalang pangkalahatan na si Kapatid na Erano G. Manalo matapos bisitahin ang isang kapilya ng Iglesia. Mula sa Pasugo.
26 July 2013, Friday:
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 99 years ago, July 27, 1914, nang irehistro ni Ka Felix Y. Manalo ang kapatirang Iglesia ni Cristo sa pamahalaan. Para sa mga tagapanalig nito, natupad sa pangyayaring ito ang hula ng Propeta Isaias, na dadalhin ang bayan ng Diyos sa Malayong Silangan, na ayon naman kay Mateo ay mangyayari sa panahon ng digmaan. Kinabukasan, opisyal na magsisimula ang Unang Digmaang Pandaigdig sa Europa na magtatagal hanggang 1918, lingid sa kanilang kaalaman.
Sampung taon bago pa man pumanaw ang Ka Felix noong 1963, ang kanyang anak na si Ka Eraño na ang napili na hahalili sa kanya. Sa pagkamatay ng ama, ang una niyang ginawa ay libutin ang buong bansa upang patatagin ang loob ng mga kasapi sa kabila ng pang-uusig na mga kaibayo at pangamba na sa pagkawala ng Ka Felix, hihina na ang kapatiran.

Ang Ka Felix sa isang Dakilang Pamamahayag, pinagigitnaan ng kanyang anak na si Ka Erano “Ka Erdy” G. Manalo na magiging kahaliling Tagapamahalang Pangkalahatan, Ka Cipriano P. Sandoval at Ka Teofilo C. Ramos Sr. Mula sa http://www.iglesianicristowebsite.com/

Si Ka Erdy sa kanyang mga paglalakbay sa bansa matapos mamatay ang Ka Felix. Mula sa Philippines Free Press.
Ngunit, si Ka Erdy ay hindi lamang magpapatatag ng kapatiran, palalawakin pa niya ito. Noong 1968, pinasinayaan niya ang pinakaunang lokal sa labas ng bansa, sa Honolulu, Hawaii at matapos lamang ang ilang linggo, sa San Francisco, California. Ngayon, dahil sa epekto ng migrasyong Pilipino sa iba’t ibang panig ng daigdig, nasa 125 na dayuhang bansa na ang INC kasama na ang bansang nagbigay sa atin ng Katolisismo, Espanya, at sa mahahalagang lugar sa Kasaysayan ng Kristiyanismo—sa Roma noong 1994, Herusalem noong 1996 at Atenas noong 1997.

Ang Ka Erdy sa kasama ang mga kapatid pagbubukas ng unang lokal sa ibang bansa sa Honolulu, Hawaii. Mula sa http://www.iglesianicristowebsite.com/.

Ang Ka Erdy sa pagbubukas ng unang lokal sa ibang bansa sa Honolulu, Hawaii. Mula sa http://www.iglesianicristowebsite.com/.

Ang dokumento ng pagtatatag ng unang lokal ng INC sa ibang bansa sa Honolulu, Hawaii. Mula sa Pasugo.

Unang lokal sa mainland USA sa San Francisco, California. Mula sa http://www.iglesianicristowebsite.com/.
Sa Pilipinas, umabot ang INC sa mga pinakamalalayong barangay ng bansa. Nailipat ang pangasiwaan sa isang malaking lupain sa Diliman at naipatayo ang Central Offices, ang Tabernakulo, ang Pamantasang New Era at noong 1984, ang Templo Sentral. Nagpatayo rin ng mga pabahay para sa kanilang mahihirap na kapatiran kasama na ang Barrio Maligaya, sa Laur, Nueva Ecija. Dito inilipat ang mga kapatid na umalis sa Hacienda Luisita dahil sa persekusyon sa mga kapwa kasama noong 1965.
Ayon sa aklat na “The Conjugal Dictatorship” ni Primitivo Mijares, nang ipatupad ang Batas Militar noong madaling araw ng September 23, 1972, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga gwardiya ng INC sa Diliman at ng mga militar na nagnais ipasara ang Eagle Broadcasting Network—DZEC. Ayon sa Philippines Free Press, may mga balita na nagtago pala noon sa sentral ang ilan sa mga hindi makatwirang inuusig ng pamahalaan.

Sa isang kaarawan ni Ka Erdy, dumalo ang mga magkakalaban sa pulitika: Pangulong Ferdinand Marcos, Senador Serging Osmena (nakaupo), Senador Arturo Tolentino, Senador Ninoy Aquino at Senador Jose Roy. Mula sa Ninoy: The Willing Martyr.

Pulong ni Pangulong Marcos at ng kanyang mga heneral noong September 22, 1972, gabi nang ipatupad ang Batas Militar. Mula sa Pribadong Koleksyon ng mga Marcos.

Si Pangulong Marcos at Unang Ginang Imelda Marcos habang binabati ng mag-asawang Ka Erdy Manalo noong ika-55 taong kaarawan ni Ka Erdy noong January 2, 1980, sa INC Pavillion, Central Offices. Mula sa Pasugo.

Ang Pangulong Marcos habang kinikilala si Ka Erdy Manalo noong kanyang ika-55 taong kaarawan, January 2, 1980, sa INC Pavillion, Central Offices. Mula sa Pasugo.

Sa harapan ng Ka Erdy, sumumpa si Kapatid na Alfredo Gorgonio bilang Hurado ng Caloocan City Court of First Instance. Mula sa Pasugo.
Sa kabila ng iba’t ibang krisis sa bansa: Sa pagkakahati sa mga panahon matapos ang EDSA noong 1986 at ng EDSA Tres noong 2001, patuloy na naging buo at matatag ang INC at nagpatuloy sa kanilang mga gawain ng paglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng mga misyong medikal at mga pamamahayag, pagiging disiplinado sa pamumuhay ng kapatiran, pagdadamayan sa isa’t isa, at pagtataguyod ng Wikang Pambansa sa pakikipagtalastasan.

ALAY SA ISANG DAKILANG PINUNO: Ang may-akda habang nag-aalay ng saludo sa harap ng mga labi ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo Eraño “Ka Erdy” Manalo sa Templo Sentral ng INC, gabi ng 3 Setyembre 2009 (TV grab mula sa Net25 sa kagandahang loob ni Charlemagne John Chua).
Lahat ng ito at higit pa sa ilalim ng tahimik, subalit masikan at karismatikong pangangasiwa ni Ka Erdy, na ipinagpapatuloy ngayon ng kanyang anak na si Ka Eduardo tungo sa ika-isandaang taon ng kapatiran sa susunod na taon. Ang tagumpay ng kanilang pangangasiwa ay konkretong nakaukit sa bato at semento ng bawat kapilya ng INC sa buong Pilipinas. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time. (Pook Amorsolo, UP Diliman, 25 July 2013)

Ang Philippine Arena sa Bulacan, ang pinakamalaki sa buong daigdig, ay ipinapatayo ng Iglesia ni Cristo bilang bantayog sa kanilang ika-100 taong pag-iral.
(Salamat kina Charley Anthony Chua at Charlemagne John Chua sa kanilang pagpapahiram ng kanilang koleksyon ng mga lumang Pasugo magazine kung saan hinango ang karamihan ng mga larawan.)