XIAO TIME, 30 July 2013: EVITA PERON AT IMELDA MARCOS
by xiaochua
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
30 July 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=b3JrztkKBuw
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 61 years ago, July 26, 1952, inanunsyo sa radio sa buong Argentina na sa oras na 8:25 ng gabi, sumakabilang buhay na ang espirituwal na pinuno ng kanilang bansa na si Unang Ginang Eva Duarte de Peron. Opo, siya nga po yung paksa sa isang musical na isinulat nina Andrew Lloyd Webber at ni Tim Rice at noong 1996 ay ginanapan pa ng international pop icon na si Madonna.

Ang pinreserbang katawan ni Eva Peron bago ito mawala ng 17 taon. Matapos maglakbay at itinago sa iba’t ibang bansa, nailibing din sa Argentina.

Ang cover ng playbill ng unang pagtatanghal ng Evita sa Pilipinas, na ginanapan ni Bb. Joy Virata na asawa ng naging primer ministro ng bansa na si Cesar Virata. Mula sa Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.
Noong 1969 pa lamang pala, naikumpara na siya sa ating sariling Unang Ginang, Mommy Imelda Marcos ni Ninoy Aquino. Sa tuwing tinatanong sa paghahambing kay Evita, sinasabi ni Imelda, “I’m not a whore.” Pina-ban ang musical na ito sa Pilipinas at naipalabas lamang noong 1986 matapos ang People Power sa EDSA.

Si Senador Ninoy Aquino at anak na si Kristina Bernadette. Mula sa Ninoy: the Willing Martyr ni Alfonso Policarpio.

Si Imelda kalmado habang nagkakagulo ang lahat sa harapan ng kanyang proyektong Cultural Center of the Philippines. Ang proyektong binananatan ni Ninoy Aquino nang ikumpara niya ito kay Eva Peron. Kuha ni Steve Tirona.
Si Evita ay isinilang noong May 7, 1919 sa Los Toldos, Argentina, anak sa labas at lumaki sa hirap. Si Imelda naman ay isinilang noong July 2, 1929 sa prominenteng pamilyang Romualdez ng Leyte, pangalawang asawa ang kanyang ina at minsan nanirahan sa garahe kasama ang ina bago maulila. Si Evita ay ginamit ang kanyang charm sa kalalakihan upang maging aktres sa radyo at pelikula hanggang mapaibig niya ang isang sumisikat na koronel na si Juan Domingo Peron, nagpakasal sila. Si Imelda naman ay naging beauty queen, Muse of Manila, at habang kumakain sa kantina ng Kongreso, napansin ng ambisyosong Congressman mula sa Ilocos Norte na si Ferdinand Marcos. Matapos ang isang 11-day courtship, nagpakasal sina Marcos at Imelda.

Si Evita at si Kor. Juan Domingo Peron habang nagliligawan. Mula sa Evita: An Intimate Portrait of Eva Peron.
Noong 1946, si Evita ay naging Unang Ginang sa edad na 26, habang si Imelda ay naging Unang Ginang noong 1965 sa edad na 36. Parehong ninais na maging inspirasyon sa mga mahihirap kaya nagsuot ng mga magagarang mga gowns, mga alahas, mga sapatos. Parehong nakibahagi sa pulitika, parehong nagpostura na kalaban ng aristokrasya, parehong naging diplomat, pareho ding nagpatayo ng mga ospital at parehong sinasabing nagbulsa ng pera ng bayan.
Nagpatayo ng pabahay na “Evita City” si Evita habang itinatag naman ang Metropolitan Manila para maging gobernador nito si Imelda at nagpatayo ng mga pabahay na BLISS at marami pang iba. Kung si Evita ay may ampunan na “Children’s City,” si Imelda naman ay may ospital na “Lungsod ng Kabataan.”

Ang ospital na Lungsod ng Kabataan (Ngayo’y Philippine Children’s Medical Center), proyekto ni Imelda.
Ngunit hindi natupad ni Evita ang pangarap na maging bise presidente dahil nagkasakit ng kanser at namatay sa edad lamang na 33 noong 1952 na lubos na ipinagluksa ng tao. Matapos nito, babagsak na rin si Peron. Si Imelda naman naging “The Other President,” isa sa pinakamakapangyarihang babae ng kanyang panahon. Bagama’t pinatalsik ng Himagsikang EDSA ang mag-asawang Marcos, tila winner pa rin si Imelda, hanggang ngayon buhay na buhay at aktibo pa sa pulitika.

Sa unang pagboto ng kababaihan sa Argentina na kanyang ikinampanya, bumoto si Eva Peron mula sa kanyang kama sa ospital bago mamatay sa sakit noong 1952.

Ang larawan ni Imelda na iginuhit ni Betsy Westerndorf de Brias sa Malacanang ay sinira ng mga tao noong himagsikang EDSA na nagpatalsik sa mga Marcos.
Ngunit paanong pareho silang umiral at namayagpag sa kapwa Katolikong mga bansa—Ang Argentina at Pilipinas kung saan malakas ang machismo? Kasi itinuturing ng mga taga-Argentina si Evita na isang curandera, isang lokal na babaeng faith healer, habang sa aking tesis masterado, aking sinabi na tila nag-ala sinaunang babaylan si Imelda—espirituwal at kultural na pinuno, kwentista at manggagamot.

Babaylan, ang manggagamot. Detalye ng serye ng mural na “History of Philippine Medicine” ni Carlos “Botong” Francisco.

Si Imelda na umaawit sa gitna ng kaguluhan sa karagatan. Parang isang babaylan. Kuha ni Steve Tirona.
Ang hindi maikakaila, sa masama man o mabuti, binago nila ang mundo. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 25 July 2013)