XIAO TIME, 6 May 2013: ANG PAGBAGSAK NG CORREGIDOR
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
6 May 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=ch3P8OSO13A
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 71 years ago, May 6, 2013, bumagsak sa mga Hapones ang isla ng Corregidor. Ang pinakahuling balwarte na bumagsak sa mga Hapones sa Asya. Matagal nang tanggulan ang maliit na islang ito. Ang Corregidor kasi ang unang dadaanan ng mga barko kung pupunta ng Manila Bay.

Isla ng Corregidor mula sa ere. Tinawag ito ng mga Amerikano na “The Rock.” Mula sa Corregidor ni Alfonso Aluit.
Pinangalanan ito ng mga Espanyol na Corregidor, mula sa salitang corregir, to correct dahil dito raw tinitingnan kung tama ang mga dokumento ng mga pumapasok na barko. Sinasabing koreksyunal o piitan din ang isla. Gayundin, napagkakamalian ng iba na sakop ang Corregidor ng kalapit na tangway ng Bataan, ngunit nasa hurisdiksyon pala ito ng Cavite. Naglagay ang mga Espanyol ng lighthouse at ng mga kanyon pero kahit gayon, nalusutan sila ng mga Amerikano noong 1898.

Isa sa mga lighthouse na itinayo ng mga Espanyol bago ang digmaan. Mula sa Corregidor ni Alfonso Aluit.
Noong panahon ng mga Amerikano, pinatatag nila ang isla. Iba’t iba’t ibang mga gusali na titirhan ng mga sundalong nakahimpil doon ang itinayo at lihim din nila itong nilagyan ng 23 mga batteries o mga grupo ng malalaking kanyon. Lihim dahil sa bawal noon ang sobrang pag-aarmas ayon sa mga pandaidigang tratado. At dahil sa kapraningan sa digmaan ng Dekada 1920s, ipinatayo ang mga grupo ng mga tunnel na kilala natin ngayon bilang Malinta Tunnel.

Isang sundalong nag-eenjoy mangabayo sa harapan ng Post Headuarters. Mula sa Corregidor ni Alfonso Aluit.

Ang Battery Way, ang huling battery na pumutok laban sa mga Hapones. Mula sa US Army Military History Institute.
Lingid sa kaalaman ng marami ngayon, ang isla ay mayroong apat na baryo, tatlong sinehan, isang simbahan, mga tindahan. Nang sumiklab ang digmaan, sa Malinta Tunnel inilikas sina Heneral Douglas MacArthur, Pangulong Manuel Quezon at ang pamahalaang Komonwelt at ginawa rin itong ospital.
Ngunit bago makuha ang Bataan, inilikas din sila at iniwan kay Heneral Jonathan Wainwright ang pamumuno sa Corregidor. Mula sa isla, pinatatag ng radio broadcasts ng Voice of Freedom ang mga kawal Pilipino-Amerikano ngunit nang bumagsak ang Bataan, April 9, 1942, bilang na ang araw ng Corregidor.

Gng. Aurora A. Quezon, Gng. Jean Faircloth MacArthur, Pangulong Manuel L. Quezon, Arthur MacArthur, Maria Aurora Quezon, sa Corregidor, 1942. Mula sa Philippine Diary Project.
Ang Bataan ang pinagkukunan nito ng malinis na tubig. Ngunit alam ng mga Hapones na hanggang ang dalawang natitirang battery ng Corregidor ay pumuputok, ang Geary at ang Way, hindi nila makukuha ito.

Ang isa sa mga kanyon ng Corregidor habang pumuputok noong Labanan sa Corregidor. Mula sa Corregidor ni Alfonso Aluit.
Kaya ginawa nilang impiyerno ang buhay ng isla hanggang noong May 2, ang Battery Geary na pinaglalagyan ng mga bala ng Corregidor ay nasapol ng isang bala ng kanyon ng mga Hapones. Parang posporo na tumilapon ang mga malalaking kanyon nito at 27 crew nito ang agad na namatay.
At sa isang radio broadcast, isinuko ni Heneral Wainwright ang isla. Ngunit kahit natalo tayo, tinanggal pa rin sa pwesto si Heneral Masaharu Homma dahil imbes na dalawang buwan lamang, limang buwan na nakuha ang buong Pilipinas, napahiya ng todo ang mga Hapones.

Isang rare photo, ibang anggulo, ng radio address ni Wainwright ng pagsuko ng Corregidor. Mula sa tragedyofbataan.com.
At dahil sa delay, nakapagpadala pa ang Monkey Point Radio Station ng Corregidor ng mga mahahalagang impormasyon na magagamit sa Battle of Coral Sea at Midway na siyang nakatulong ng malaki sa pagkapanalo ng buong Digmaang Pasipiko.

Ang muling pagtataas ng bandilang Amerikano sa Corregidor nang muling mabawi ni MacArthur ang isla, March 2, 1945. Mula sa pacificwar.org.au.

Ang pagtataas ng bandila ng Amerika sa muling nabawing isla sa pangunguna ni MacArthur. Mula sa http://steveandmarciaontherock.blogspot.com/
Sa tuwing May 6 taun-taon, ang liwanag mula sa Pacific War Memorial nito ay tumatama sa gitna ng altar nito. Sa katahimikan ng Corregidor ngayon, hindi mo maaalintana na naging piping saksi ito sa katatagan ng sundalong Pilipino-Amerikano. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Mall of Asia, 3 May 2013)

Steve and Marcia Kwiecinski sa isang anibersaryo May 6 habang ang liwanag ng Pacific War Memorial ay nasa gitna mismo ng altar. Mula sa http://steveandmarciaontherock.blogspot.com/