XIAO TIME, 3 May 2013: RESPONSIBILIDAD NG MGA HAPONES SA DIGMAANG PASIPIKO
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

A Walk Through War Memories in Southeast Asia ni Shinzo Hayase: Pagbalanse sa perspektibong Hapones at ng perspektiba ng mga nabiktima ng kanilang pananakop ng Asya. Isang madaling basahin na gabay sa mga alaala at monumento ng Digmaang Pasipiko sa Timog Silangang Asya. Inilimbag sa Pilipinas ng New Day.
3 May 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=e6AyoessMfY
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 71 years ago, May 6, 1942, bumagsak ang isla ng Corregidor sa Cavite, ang pinakahuling tanggulan na sumuko sa mga Hapones sa buong Timog Silangang Asya.
Sa tatlong taong pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas, marami sa kanila ang naging malupit sa pagparusa, paggahasa at pagpatay sa lahat na ata ng klase ng tao, sundalo man o sibilyan, lalaki man, babae, maging ang mga comfort gay, at mga sanggol na binabayoneta.
Walang awa rin ang pagpatay sa mga prisoners of war sa ilang mga concentration camps. Mula sa Rape of Nanking noong 1936 hanggang sa Rape of Manila noong 1945, maging sa mga sakay ng mga tinatawag na hell ships, milyon-milyon ang namatay sa mga war atrocities na ito.

Ang “hell ship” na Oryuku Maru. Mula sa http://jimclarkphotography.blogspot.com/2011/03/hell-ships-subic-bay-philippines.html.
Ngunit alam ba ninyo, na sa mga teksbuk ng kasaysayan ng mga Hapones, hindi ito binabanggit? Kung titingnan ang isang opisyal na publikasyon ng Japan Travel Bureau, History of Japan na isinulat ni Saburo Ienaga, ganito lamang ang pagbanggit ukol sa digmaan, “The story of the Pacific War and of its aftermath needs little mention.” At iyon na iyon.
Wah??? E hindi ba kung hindi tayo lilingon sa nakaraan, maaaring ulitin natin ang pagkakamali ng nakaraan. Oo nga, ngunit kailangan din nating maintindihan ang kaisipan ng mga Hapones. Ayon kay Shinzo Hayase sa kanyang aklat na A Walk Through War Memories in Southeast Asia na isinalin sa Ingles at inilathala ng New Day, ang digmaang Pasipiko ay masakit din para sa mga Hapones.
Sinisisi lamang nila ang digmaan sa mga pinuno na hinatulan bilang mga Class-A war criminals sa Tokyo Trials. Kulang-kulang dalawang milyong mga ordinaryong mga sundalong Hapones ang namatay sa digmaan sa pagsunod sa kanilang mahal na emperador upang pangalagaan ang kanilang mga pamilya, mga kaibigan at mga tradisyon.

Si Yamashita sa kanyang paglilitis sa Pilipinas. Ang hatol sa kanya sa salang “command responsibility” sa mga naganap na pagpapahirap sa Pilipinas, BITAY.

Ang mga namatay sa sundalong Hapones sa Tenaru River (Sealark Channel) sa Guadalcanal. Mula sa nps.gov.
Ang kanilang mga kaanak ay nagdalamhati, kung minsan, kapirasong papel lang ang nagbabalita sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay, hindi man lamang naiuuwi ang kanilang mga bangkay. Para sa kanila, sila rin ay mga biktima. Noong maging primer ministro ng Japan si Junichiro Koizumi, naugali niyang bisitahin ang magbigay-pugay sa mga namatay sa digmaan kabilang ang mga Class-A war criminals simula August 2001 sa Yasukuni Shrine.

Si Primer Ministro Koizumi na nagpupugay sa mga sundalong Hapones sa kanilang mga digmaan sa Yasukuni Shrine.
Nagdamdam at nagpahayag ng protesta ang mga mamamayan ng Tsina at Korea, bakit nagpupugay pa ang mga pinuno ng Japan sa mga nagpahirap sa Asya. Ngunit ayon kay Shinzo, kailangan maintindihan na sa mga Shinto, naniniwala silang bumabalik ang mga kaluluwa ng kanilang mga mahal na namatay sa digmaan sa shrine na iyon. Pangako nila bago umalis na matapos ang digmaan magkikita muli sila “under the cherry trees at Yasukuni Shrine” buhay man sila o patay.

Ang “monumento” sa sayt ng kapanganakan ng Kamikaze sa Mabalacat, Pampanga sa may SCTEX. Mula sa wgordon.web.wesleyan.edu.
Kumbaga, para ito sa pagpawi ng lumbay ng isang naulilang bansa. Ngunit, sinumulan din ni Shinzo sa kanyang mga estudyante Osaka City University sa Japan na ituro naman sa mga Hapones ang digmaan sa punto de bista ng mga nabiktimang bansa sa Asya. Sa pagkakaintindihan lamang ng ating mga kultura tunay na uusbong ang tunay na pagkakaibigan ng mga bansa. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 27 April 2013)
ano po ba ang pinakamahalagang bunga ng panahon ng hapon?
Nagkaisa ang mga Pilipino para labanan sila.