XIAOTIME, 11 March 2013: ANG KASAYSAYAN NG CLAIM NG PILIPINAS SA SABAH (Sabah Part 1)
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 11 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Eenie-meanie-my-neemo: Kanino ba ang Sabah, sa Pilipinas ba o sa Malaysia? Ano ang puno’t dulo ng lahat. Mula sa Spot.ph
11 March 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=EfHMMVgDrso
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 45 years ago ngayong buwan, March 18, 1968, naganap ang tinatawag na Jabidah Massacre. Ano ang kinalaman nito sa nangyayari ngayon sa Sabah at sa gulo sa Mindanao.

Ipinapakita ng Defense Minister ng Malaysia ang hinukay na mga katawan ng mga Royal Forces ng Sultanato ng Sulu.
Liwanagin natin. Noong 1658, dahil sa tulong ng Sultanato ng Sulu na malutas ang isang digmaang sibil sa Sultanato ng Brunei, ibinigay nila sa Sulu ang Sabah o North Borneo at ang Palawan. Sinlaki ang Sabah ng estado ng Indiana o North Carolina.
Ito naman ay ipinaupa ng Sulu sa isang British company noong 1878. Humihina na noon ang Sultanato at kinailangan nito ng salapi upang patuloy na umiral.
Nang palalayain na ng British ang Malaya at North Borneo, imbes na isauli ito sa Sultanato ng Sulu na bahagi na noon ng Estado ng Pilipinas, inagaw ito upang maisali sa Federated States of Malaysia. Umalma ang Pilipinas sa pangunguna ni Pangulong Diosdado Macapagal at humiling sa United Nations ng isang referendum upang tanungin ang mga Sabahans kung kaninong bansa nila nais umanib: Sa Pilipinas ba o sa Malaysia?

In 1962, Sultan Esmail E. Kiram I cedes to the Philippine Republic, under the presidency of Ferdinand Marcos, the territories of North Borneo. Later, in 1974, Sultan Esmail’s eldest son Mohammed Mahakuttah A. Kiram succeeds him to the throne and is is recognized as such by President Marcos and the Philippine Republic. Sultan Mohammed Mahakuttah A. Kiram was to become the last Sultan recognized in law by the Republic of the Philippines. Photo by Correos Filipinas.
Samantala, noong December 8, 1962, nagkaroon ng pag-aalsa sa Brunei na nagnanais na itatag ang Unitary State of Kalimantan Ultra o North Borneo. Pinaniniwalaan na kapag nakalaya sa mga Malaysian, aanib sila sa Pilipinas. Ngunit pinuksa ng mga British ang pag-aalsang ito. Nang maganap rin ang referendum ng United Nations sa Sabah noong September 13, 1963, iniulat mismo ng Secretary General ng UN na si U Thant na pinili ng mga Sabahans na maging bahagi ng Malaysia.
Bagama’t itinuturing ng ilang observers na kontroberysal ang referendum na ito, sinuportahan ng Pangulong John F. Kennedy ng kaibigan nating bansang Estados Unidos ng America ang posisyon ng mga British at opisyal na kinontra ang tindig ng Pilipinas. Dahil sa kabiguang ito, noong 1968, sikretong nagplano ang Pangulong Ferdinand Marcos na sakupin ang Sabah, tinawag itong “Operation Merdeka.” Merdeka ay salitang Bahasa para sa kalayaan. Sinanay ang ilang mga Tausug upang mabawi ang lupaing Sabah kung saan naroon din ang kanilang mga kamag-anak, upang makipaglaban sa kapwa nila mga Muslim na Malaysian. Ngunit nang tangkang mag-alsa ang mga sundalo dahil sa dustang kalagayan nila sa kampo sa Corregidor, sinasabing minasaker sila ng kanilang mga opiser kaysa mabuking ang plano nila laban sa isang napakalakas na bansa, ang Malaysia.
Nang may isang nakaligtas sa masaker na ito, si Jibin Arula, nagsumbong siya kay Senador Ninoy Aquino, na kinailangang imbestigahan at ibunyag ang planong ito at ang marahas na nangyari sa mga sundalong Muslim. Nakilala ito na Jabidah Massacre.

Ang poster ng Crime Klasik episode ng Aksyon TV ukol sa Jabidah Massacre kung saan naging tagapagsalaysay si Xiao Chua kasama si Maritess Vitug.

Si Jibin Arula (sa inset bago mamatay kamakailan lamang) habang kinakapanayam nina Senador Ninoy Aquino, 1968.
Ang pagpatay sa mga sundalong ito ang insidente na nagpaningas sa siga ng digmaan sa Mindanao. Bukas, abangan ang ilang pananaw sa isyu sa ikalawang bahagi ng aking ulat ukol sa Sabah. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(McDonald’s Philcoa, 7 March 2013)