XIAOTIME, 14 February 2013: PAG-IBIG SA KATIPUNAN
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 14 February 2013, at News@1 at News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
14 February 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=a51zLDW95Z4
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Ngayon po ay araw ng mga puso na itinaon sa St. Valentine’s Day. Ang kwento sa amin noong bata kami, namartir ang obispo ng Roma na si Valentinius dahil sa pagkasal at pagkalinga sa mga Kristiyano na noon ay ipinagbabawal ng emperyo. Actually, dalawa talaga ang santong may pangalang Valentinius.
Ngunit noong 1969, tinanggal sa kalendaryo ng mga pistang ipinagdiriwang sa buong mundo ang araw ni St. Valentinius dahil ayon sa Vatican, wala naman talaga tayong historikal na nalalaman sa taong ito kundi siya ay inilibing sa Via Flaminia on February 14.
Tsk. Gayundin, taliwas sa sinasabi ng iba na may kinalaman Ang Valentine’s Day sa paganong pista ng fertility, Lupercalia, na ipinagdiriwang ng Ferbruary 13-15 noon, wala namang romantikong konotasyon ang pista ni St. Valentinius hanggang isulat ni Geoffrey Chaucer noong 1382 ang isang tula para sa unang anibersaryo ng engagement ng hari ng Inglatera na nagsasabing, “For this was on Saint Valentine’s Day, when every bird cometh there to choose his mate.” Ayun, ganun pala nakabit ang araw na ito sa pag-ibig at mga puso. Kailangan ding liwanagin na sa mga tipikal na depiksyon kay St. Valentinius, hindi puso at mga puso, rosas at kupido ang kasama nito kundi hawak nito ang isang espada!
Dito naman sa Pilipinas, punong-puno pala ng mensahe ng pag-ibig ang rebolusyunaryong samahan ni Andres Bonifacio, ang Katipunan. Huh? Hindi ba wala namang gusto ang Katipunan kundi pumatay ng mga Espanyol at maging bayolente??? Well, ayon sa pag-aaral nina Bomen Guillermo, Atoy Navarro, at Mary Jane Rodriguez-Tatel, makikita sa mga literature na isinulat sa loob ng Katipunan na pangunahing itinuturo sa mga Katipon, may tatlong uri ng pag-ibig: Pag-ibig sa Maykapal, pag-ibig sa Inang Bayang Tinubuan, at pag-ibig sa kapwa (kabilang na ang sa kapatid, kabiyak, at sa kaibigan).

Pabalat ng Wika, Panitikan, Sining at Himagsikan na inedit nina Atoy Navarro at Raymund Arthur Abejo at inilathala ng UP LIKAS kung saan matatagpuan ang sanaysay na “Pag-ibig sa Katipunan” nina Bomen Guillermo, Atoy Navarro at Mary Jane Rodriguez.
Ang Kartilya ni Emilio Jacinto ay nagtuturo ng pag-ibig sa kapwa at paggalang sa kababaihan, na wala nang hihigit pa kung hindi ang pag-ibig sa tinubuang lupa. Paalala ni Andres Bonifacio, “Sumampalataya sa MayKapal ng taimtim sa puso at gunamgunamin sa sarili tuina, na ang matapat na pag sampalataya sa Kanya ay ang pag ibig sa lupang tinubuan, sa pagkat ito ang tunay na pag ibig sa kapwa.”
At sa limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan ni Jacinto, binanggit sa isang talata, “Dito’y isa sa mga kaunaunahang utos ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubos na pagdadamayan ng isa’t isa.” Ang pangunahing aral ng Katipunan ay hindi ang makipagdigma lamang, kundi ang umibig.
Kaya naman pala pusong mamon tayong mga Pilipino pagdating sa pag-ibig, kahit sa preyambolo ng ating Saligang Batas 1987, nakatatak ang salitang “pag-ibig,” na sinasabing natatangi sa lahat ng mga konstiitusyon sa daigdig.
Kaya naman, sa mga nasa bahay lamang, walang date ngayong gabi kaya pinapanood niyo ako ngayon, ok lang yan! Mahalin na lang natin ang bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Razon’s, UP-Ayala Technohub, 5 February 2013)