XIAOTIME, 13 February 2013: ANO NGA BA ANG ANG KAHULUGAN NG ASH WEDNESDAY AT ANG KAUGNAYAN NITO SA KATUTUBONG PANINIWALA
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 13 February 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ash Wedensday sa Baclaran. Mula sa http://flickr.com/photos/johnhanscom/.
13 February 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=A4Bzz25m-MU
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Ngayon po ay Ash Wednesday, ang simula ng kuwaresma. Na nagpapaalala sa atin na sa abo tayo ay nagmula at sa abo rin magbabalik (Genesis 3:9).
Nakakatuwang malaman na ang mga abo na ginagamit ng pari sa ating noo sa araw na ito ay nanggaling sa mga palaspas na binasbasan noong Domingo de Ramos o Palm Sunday noong nakaraang taon! Kailangang banggitin na ang ating mga palaspas ay hindi lamang paggunita sa maluwalhating pagpasok ni Hesus sa Herusalem kundi anting-anting ito laban sa masama at sa kidlat!
Diyan natin makikita na ang Katolisismo na pamana sa ating ng mga Espanyol ay humahalo sa dati na nating pananampalatayang bayan. Ang tawag sa sinkretismo o paghahalo na ito ay Folk Catholicism. Isa pang manipestasyon ng pagpapatuloy at pananatili ng pananampalatayang bayan sa kabila ng Katolisismo ay ang mga Rizalista. Huh? Pagsamba kay Rizal? Weird!!!

Ang Samahang Sagrada Familia ng Calamba, Laguna sa pangunguna ni Nanay Gloria Bibat. Kuha ni Dennis Villegas.
Pero sa totoo lang, hindi dapat sila tawaging weird o sa negatibong tawag na kulto. Sapagkat ayon sa ilang iskolar, lalong-lalo na sina Floro Quibuyen, Prospero Covar, Zeus Salazar at Nilo Ocampo, pinakikita ng mga Rizalista ang nagpapatuloy na diwa ng katutubong pananampalataya—ang pagsasamahan batay sa kapatiran, paniniwala sa kaluluwa o anito, mga anting-anting, paniniwala sa mga banal na tinig, ginagamit ang mga kweba at pagsamba sa kabundukan sa paniniwalang ang kalikasan ay tahanan ng mga anito at iba pang paniniwala na nag-uugat sa kwentong bayan.
Sa pagdating ng mga Espanyol, inangkin ng ilan sa mga samahan na namundok ang Katolisismo habang ipinagpapatuloy ang mga dating gawi. Nang mamatay si Dr. José Rizal, dahil sa kanyang tindig laban sa mga Espanyol, tila ginawa siyang anito ng mga samahan, isang anito na hindi namatay kundi nabubuhay, isang Kristong Tagalog!
Isa pang diwa ng pananampalatayang bayan na nagpapatuloy sa mga samahan at kapatiran ay ang pagkakaroon ng mga pinunong babae. Tandaan natin na sa Katolisismo, hindi maaaring maging mga pari o obispo ang mga babae. Ngunit tulad ng sabay na paglabas ng lalaki at babae sa kawayan sa ating mga mito ng pinagmulan, may semblance ng pagkakapantay-pantay sa kasarian.
Kaya may mga babaylan o katalonan, kaya ang mga manang ay astig na mga babae, kaya uso dito ang mga ander na lalaki, kaya mayroon tayong mga Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Trinidad Tecson, Tarhata Kiram at Cory Aquino. Bukas titindig ang isang bilyong kababaihan sa daigdig to strike, dance, rise.

Si Xiao Chua at si Nanay Isabel Suarez, ang “Suprema” ng Suprema de la Iglesia del Ciudad Mystica de Dios.

Reyna Yolanda Manalo, Pinuno ng Celyo Rizal, Incorporada, ang pampbansang pederasyon ng mga Rizalista.
Ang mga pinunong Rizalista na nagtataglay ng diwa ng babaylan na aking nakilala ay sina Nanay Isabel Suarez ng Suprema de la Iglesia del Ciudad Mystica de Dios at si Reyna Yolanda Manalo ng Celyo Rizal, Incorporada, ang Pambansang Pederasyon ng mga Rizalista. Napagkaisa ni Reyna Yolanda ang mga hiwa-hiwalay na grupo sa pagpapakita na ang mga tingting ay walang magiging silbi kung hindi magsasama-sama bilang isang walis. Siya ang nanguna sa pagtatanghal ng pinakamalaking bandilang tao at mapang tao ng Pilipinas tuwing kaarawan ni Rizal. Nakita ko mismo ang reyna habang itinatanghal ang kanyang pakikipag-usap sa mga kaluluwa, at kanyang sinabi ang mensahe ng espiritu, “Ang panginoong Diyos, ang Inang Bayan, at si José Rizal ay iisa!” Malalim ang mensaheng ito na may malaking katotohanan, sa Rizalista napag-isa ang sinaunang bayan, ang katolisismo at ang pagmamahal sa bayan ni Rizal.

Si Xiao Chua at si Reyna Yolanda noong ika-150 kaarawan ni Jose Rizal sa Calamba, Laguna, June 19, 2011.
Happy 60th Birthday Reyna Yolanda sa linggo, February 17! Sana maisapuso namin ang halimbawa ninyong mga Rizalista—na kung tunay naming mahal ang Panginoon, mahal din namin si Inang Pilipinas. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Leong Hall, ADMU, 8 January 2013)
Mabuhay tayong lahat na mga kapatirang sumsampalataya sa ating mahal nating Amang Dr. Jose Rizal na siyang Kristong buhay sa kapanahunan ngayon na siyang nakatakdang darating na pangalawang Kristo na siyang maghahari sa buong sanglibutan sa takdang panahon.Hindi na magtatagal ang ating pahihintay si Amang Dr. Jose Rizal ay babalik na muli dito sa lupa upang kanya ng wakasan ang paghahari ng kasamaan dito sa lupa at manumbalik na muli ang katahimikan at pagmamahal sa ating mahal na panginoon.