XIAOTIME, 29 January 2013: SULTAN KUDARAT, Isang Mandirigmang Magiting, Matalino, at Matapang
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 29 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Sultan Dipatwan Kudarat. Mula sa Mga Dakilang Pilipino ng National Historical Commission of the Philippines.
29 January 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=oO5wSqAH4MM
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 38 years ago ngayong buwan, January 1975, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand E. Marcos si Sultan Mohammed Dipatwan Kudarat bilang isang bayani, hindi lamang ng mga taga-Mindanao, kundi ng buong bansa.

Nasa disenyo ng selyong ito sa karangalan ni Sultan Kudarat ag disenyo ng dekorasyong ipinangalan sa kanya. Mula sa Mga Dakilang Pilipino ng National Historical Commission of the Philippines.
Kasabay nito, upang makilala ng buong bayan, naglabas ng selyo na nagtataglay ng kanyang imahe. Isang dekorasyon o gawad ang ipinangalan sa kanya ang Order of Kudarat. Isang probinsya din ang ipinangalan sa kanya at isang monumento sa kanyang karangalan ang ipinatayo sa puso ng Makati Central Business District.

Ang monumento para kay Sultan Kudarat sa harapan ng Kapitolyo ng Lalawigan na nakapangalan sa kanya.
Paano ba naging bayani si Sultan Kudarat. Si Kudarat ay isinilang noong 1580 at nang mamatay ang kanyang bayaning ama na si Sultan Buisan ng Maguindanao noong 1602, ang batang Kudarat ay hinirang na humalili sa kanya. Noong 1619, ganap siyang nanungkulan bilang sultan. Ang tawag sa kanyang ng mga Espanyol ay Cachil Corralat, at nakilala nila bilang isang mandirigmang magiting, matalino at matapang at kinilala siya bilang tunay na pinuno ng mga Muslim sa Maguindanao. Sa ilalim ni Kudarat, patuloy at malayang nakipagkalakalan ang mga Tsino at iba pang bansa sa kanila at patuloy na nakapangolekta ang mga magigiting na mandirigma niyang Lutao ng mga buwis. Ang kanyang hukbong may dalawang libong kawal ay naging matagumpay sa pakikidigma sa mga Espanyol.
Ngunit noong 1637, nakaranas siya ng pagkatalo sa Lamitan sa itinuturing na pinakamadugong labanan na namagitan sa mga Muslim at mga Espanyol sa Pilipinas. Nasugatan siya sa isa niyang bisig at nang mapagtanto na matatalo din sila sa laban na ito, nagpasya siyang lumikas. Ngunit hindi niya matagpuan ang kanyang mag-ina. Ang kanya palang asawa, kilik sa dibdib ang kanilang sanggol na anak ay tumalon sa bangin kaysa maging bihag ng Espanyol.

Ang pagtalon ng mag-ina ni Sultan Kudarat sa Lamitan upang hindi mabihag ng mga Espanyol. Mula sa The Diorama Experience ng Ayala Museum.
Sa kabutihang palad, ang mag-ina ni Kudarat ay sumabit sa isang puno at nakaligtas! Dalawang beses na ninais makipagkasundo ng mga Espanyol kay Kudarat dahil hindi talaga siya mahuli-huli. Ngunit dahil sa nakikita niyang pang-aabuso ng mga Espanyol, hindi niya tinupad ang mga kasunduan na ito at kinausap ang ibang mga datu na tumiwalag na sa mga Espanyol. Noong 1663, pansamantalang nilisan ng mga Espanyol ang pulo ng Mindanao dahil hindi tumigil sa paglaban si Kudarat. Namatay siya noong 1671 sa edad na 90 years old. Ang panahon ni Kudarat ang nagpakita sa atin na sa kabila ng pananakop ng mga Espanyol may mga pinili na hindi magpasakop, manatiling malaya at may dangal! Kailangan ng ating bansa ng mga pinunong katulad ni Sultan Kudarat, may political will at may dangal, upang pagkaisahin tayo itayo ang ating bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiaotime.
(Pizza Hut Technohub, 24 January 2013)
Salamat po sa artikulong ito. Ako po ay apo ni Sultan Kudarat at taos-puso po ang aking pasasalamat sa artikulong ito.
Ibabahagi ko po ito sa pahinang aking ginawa sa facebook alay sa aking lolo:
https://www.facebook.com/SultanMuhammadKudarat
Salamat po, dumami pa sana ang lahi niyo…