XIAOTIME, 31 December 2012: HIWAGA NI RIZAL, Huwag Matakot Sa Kinabukasan
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 31 December 2012, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang larawan ni Rizal bilang isang aktor sa teatro. Mula sa aklat na In Excelsis ni Felice Prudente Sta. Maria.
31 December 2012, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=GTQpYLFAl0I
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Hindi lang astig ang ating National Hero na si José Rizal, mahiwaga pa siya! Huh??? 129 years ago sa bukas sa Bagong Taon, January 1, 1883, isinulat niya sa kanyang diary na dalawang gabi na ang nakalipas, nagkaroon siya ng panaginip na nagbigay sa kanya ng damdamin o emosyon na siya ay nag-iisa sa kalungkutan. Muntik na raw siyang mamamatay. Na tila isa raw siyang aktor sa entablado sa isang eksena kung saan siya ay mamamatay. Nadama raw niya ang kanyang hininga at lakas ay unti-unting nawawala.

Si Rizal na ipinagluluksa ni Inang Bayan. Dalawa sa mga manikin sa Intramuros and Rizal Light and Sound Museum sa rekonstruksyon ng Beaterio de la Compania de Jesus (Beato), Calle Victoria, Intramuros, Maynila.
Hindi siya makakita at tila napaloob siya sa dilim ng kawalan, ng lumbay ng kamatayan. Nais niyang sumigaw dahil akala niya ay mamamatay na siya. Sa kanyang paggising, siya ay nanghina at hindi makahinga.
Ayon kay Ambeth Ocampo, tila isang psychic si Rizal, nakita niya ang kinabukasan. Kung nangyari ang panaginip dalawang gabi bago ang Bagong Taon ng 1883, ang petsa ng panaginip ay December 30, 1882, eksaktong 14 years ago bago siya mamatay! Hindi kaya nahulaan niya ang mismong naramdaman niya nang tamaan siya ng mga punglo sa harap ng napakaraming tao sa Luneta? Amazing!

“Fuego!” Detalye ng wall painting ni Carlos “Botong” Francisco para sa Sentenaryo ng Kapanganakan ni Rizal noong 1961. Nakalagak ngayon sa Dambanang Rizal sa Fort Santiago, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
May laro din siya na inimbento sa Dapitan at nagdisenyo pa siya ng trumpo para dito, ang Sibila Cumana, kung saan ikaw ay magtatanong sa isang manghuhula. Tila itinuturo sa atin ni Rizal na huwag matakot sa kinabukasan. May isa ring sanaysay si Rizal na isinulat noong 1889 hanggang 1890 na inilathala sa La Solidaridad kung saan hinulaan niya ang mangyayari sa loob ng one hundred years! Ang Filipinas Dentro de Cien Años. Sa sanaysay na ito, ilan sa mga senaryong hinulaan niya ay ito: Kung hindi magbabago ang pamamalakad ng mga Espanyol sa Pilipinas, magkakaroon na ng isang madugong himagsikan. Gayundin, magkakainteres sa Pilipinas ang isang bansa na noon ay hindi pa nagpapakita ng imperyalistang interes sa daigdig: Estados Unidos!

Pagdating ng Agila sa Pilipinas. Ang kolonyal na mentalidad lalo na ang lagi na lamang pag-asa sa Amerika ay isa sa ugat ng ating mga problema. Detalye ng mural na “Kasaysayan ng Maynila” ni Carlos “Botong” Francisco na ngayon ay nasa Tanggapan ng Alkalde, City Hall ng Maynila.
Ngunit, hiwaga ba at bolang kristal ang ginamit niya para mahulaan ito? Hindi po. Binuksan niya ang sansaysay sa pamamagitan ng mga katagang ito, “Upang mabatid ang tadhana ng isang bayan, lubhang kinakailangang buksan ang aklat na nagsasalaysay ng nakaraan nito.” Paano natin malalaman kung magkakaroon tayo ng magandang bukas? Kapag binalikan natin ang nakaraan, matututo tayo mula sa mga pagkakamali natin. Kapag binalikan natin ang nakaraan, maibabalik natin ang mga magagandang kaugaliang unti-unti nating nakakalimutan. Kapag binalikan natin ang nakaraan, malalaman natin ang ugat ng ating mga problema upang masolusyunan ito. Kapag binalikan natin ang nakaraan at nakita natin ang ating karanasan at katapangan, malalaman natin kung sino talaga tayo bilang mga Pilipino. Sa taong 2012 binigyan niyo po ng pagkakataon ang inyong lingkod at ang Telebisyon ng Bayan na araw-araw magbalik-tanaw sa nakaraan, mga salaysay na tama, totoo at tugma sa Pinoy. Dacal salamat pu! Sa bagong taon ng 2013, nawa’y samahan niyo pa kami sa nagpapatuloy nating pagsisikap na ipakita kung bakit kailangang ipagmalaki: AKO AY PILIPINO.

Nakikibakang Pinoy. Detalye ng mural na “Kasaysayan ng Maynila” ni Carlos “Botong” Francisco na ngayon ay nasa Tanggapan ng Alkalde, City Hall ng Maynila.
Maginhawang Bagong Taon po sa inyong lahat. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Sun Garden Hotel, Tarlac City, 27 December 2012)