XIAOTIME, 2 January 2013: 2012 SA KASAYSAYAN, Pagbalik-tanaw sa alaala ni Comedy King Dolphy

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 2 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Hari ng Komedya, Dolphy

Hari ng Komedya, Dolphy

2 January 2013, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=HcxhDsc2hEA

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa loob ng tatlong araw magbabalik-tanaw tayo sa tatlo sa pinakamalalaking istorya ng taong 2012.  Isa sa mga pangyayaring ikinalungkot natin nitong nagdaang taon ay ang pagpanaw ni Rodolfo Vera Quizon, Mang Dolphy, noong July 10, 2012.

Si Xiao Chua habang nagpupugay sa harap ng kabaong ni Dolphy, 11 July 2012 sa Dolphy Theater, ABS-CBN, Quezon City.

Si Xiao Chua habang nagpupugay sa harap ng kabaong ni Dolphy, 11 July 2012 sa Dolphy Theater, ABS-CBN, Quezon City.

Ngunit bakit kaya pumila at nakiramay ang bayan sa pagyao ng isang komedyante lamang.  Hindi naman siya presidente o pulitiko.  May mga nagsasabi nga na hindi naman nararapat na parangalan si Dolphy ng pamalahaan na maging Pambansang Alagad ng Sining dahil aktor lamang siya na hindi naman lumikha ng mga orihinal na kwento o nagdirehe ng mga dakilang pelikula.

Ginawaran ng Pangulong Noynoy Aquino kay Dolphy ang Grand Collar of the Order of the Golden Heart noong 2010.

Ginawaran ng Pangulong Noynoy Aquino kay Dolphy ang Grand Collar of the Order of the Golden Heart noong 2010.

Mapapansin na marami sa ating mga National Artists for Film ay mga director ng pelikula dahil sila lamang ang talagang lumilikha.  Ilang araw matapos mamatay ni Dolphy, nag-usap kami ng historyador na si Zeus Salazar at nagtugma kami sa aming naisip.  Pumatok si Dolphy sa bayan sapagkat tila sinalamin niya ang template ng sinaunang bayani.  Ang sinaunang bayani, lalo na ang mga bagani o mga mandirigma, ay mga ordinaryong tao na nagbibigay ng serbisyo sa bayan, nagbibigay ng dangal at ginhawa, mababa ang loob at hindi hiwalay sa mga tao o sa bayan.  Kung titingnan ang kwento ng buhay ni Dolphy, siya ay isinilang sa Tondo noong 1928, sinilangan din nina Andres Bonifacio, Macario Sakay, Ka Amado V. Hernandez at iba pang mga bayani.

12 naranasan niyang maging maralita

Siya ay mula sa bayan at kasama ng bayan, naranasan niyang maging maralita, nagtinda sa sinehan, nag-ekstra-ekstra sa pelikula at nang maging mananayaw na entertainer sa Hongkong noong 1950s, naging bahagi ng maaagang phenomenon ng OFW, nagbibigay ng ginhawa sa bayan.

Si Dolphy habang nagsasayaw, isang OFW sa Hongkong noong Dekada 1950s.  Mula sa Dolphy:  Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Si Dolphy habang nagsasayaw, isang OFW sa Hongkong noong Dekada 1950s. Mula sa Dolphy: Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Kaya naman kahit sa kanyang kasikatan, hindi naging suplado sa tao.  Naging saksi rin siya sa kasaysayan ng bansa.  Tinedyer lamang siya noon nang pahirapan ng mga Hapones sa pagtatrabaho kahit payat at sakitin.

Dolphy, aktor sa radyo.  Mula sa Dolphy:  Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Dolphy, aktor sa radyo. Mula sa Dolphy: Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Naranasan ang magtanghal sa mga teatro, sa radio, sa pelikula at nakita ang pagsilang ng telebisyon.  Patuloy na nakibaka sa buhay sa kabila ng pagbabago-bago ng uso.

Si John Puruntong at ang kanyang pamilya sa John & Marsha.  Mula sa Dolphy:  Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Si John Puruntong at ang kanyang pamilya sa John & Marsha. Mula sa Dolphy: Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Ang kanyang mga palabas sa telebisyon bilang si John Puruntong at si Kevin Cosme na may bahay sa tabi ng riles ang siyang sumalamin sa buhay ng mga maralita—mahirap ngunit masaya at nagmamahalan ang pamilya.

Si Kevin at si Azon sa Home Along Da Riles.

Si Kevin at si Azon sa Home Along Da Riles.

Namatay man ang sitcom, hindi kinalimutan.  Tulad ng mga bayani sa epiko, hindi siya perpekto at nagkukulang rin bilang tao.  Ayon nga sa sosyologong si Randy David, “Natuto si Dolphy na magmasid at bumuo ng isang pilosopiya sa buhay na batay sa pag-ako ng pananagutan at kababaang-loob.  Sa rurok ng tagumpay hindi siya nag-ilusyon.  Sa sahig ng kabiguan, hindi siya naglupasay.  Hindi niya ikinubli ang kaniyang mga himutok at pag-iyak.  Tahimik at laging ma-respeto, naging likas para sa kanya ang magbigay ng kaligayahan at pagkalinga.  …Kung mauunawaan natin si Dolphy, mauunawaan din natin ang ating mga sarili.”

Laging turo ni Dolphy, pagmamahalan sa pamilya.  Mula sa Dolphy:  Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Laging turo ni Dolphy, pagmamahalan sa pamilya. Mula sa Dolphy: Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Sa ganang akin, ang hindi natin dapat kalimutan, na sa kabila ng kahirapan sa bayan, kapag kinailangan ng bituing titingalain na abot-kamay din at magbibigay ng ginhawa ng tuwa at luha, laging nariyan si Mang Dolphy.  Itinuturo ang pagmamahalan sa isa’t isa.  Siya ay higit pa sa isang National Artist.

Panchito at Dolphy.  Mula sa Dolphy:  Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Panchito at Dolphy. Mula sa Dolphy: Hindi Ko Ito Narating ng Mag-isa, sariling talambuhay ni Dolphy na inedit ni Bibeth Orteza.

Isa siyang bayani.  At kung Mang Dolphy ka sa iyong kapwa, ikaw rin ay isang bayani.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(McDo Philcoa, 28 December 2012)

Ang bagong restore na larawan ni Dolphy na obra-maestra ni Federico Alciaz.  Nakalagak ngayon sa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.  Pagmamay-ari ng Paseguruhan ng mga Naglilingkod sa Pamahalaan (GSIS), sa kagandahang loob ni Direktor Ryan Palad.