XIAOTIME, 28 December 2012: ANG KABAYANIHAN NI DR. JOSÉ RIZAL
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 28 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang buong larawan ng pagbaril kay Rizal sa Luneta de Bagumbayan (Ngayon ay Rizal Park) noong December 30, 1896.
28 December 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=X1YG4ICvjPc
Para sa mas maraming larawan tingnan ang: https://xiaochua.wordpress.com/2012/12/25/the-last-days-of-jose-rizal-a-timeline-of-his-last-arrest-incarceration-execution-and-the-journey-of-his-remains/
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 100 years ago sa linggo, December 30, 1912, nang muling ilibing ang ating National Hero na si José Rizal. Ang National Historical Commission of the Philippines at kami sa Order of the Knights of Rizal ang mangunguna sa muling pagsasadula ng paglilibing kay Rizal sa Luneta sa madaling araw hanggang umaga ng Linggo, lumahok po tayo.
Gayundin, 116 years ago sa nasabi ring araw, December 30, 1896, nang barilin si Rizal. Para sa mga napatunayang taksil sa Espanya na katulad ni Rizal, sila ay binabaril nang nakatalikod, upang sa kanilang pagbagsak ay susubsob ang mukha nila sa lupa, isang kamatayang walang dangal. Ngunit, ayon sa kwento sa atin, upang maiwasan ito, bago tamaan ng bala, humarap si Rizal sa mga punglo at bumagsak. Ayon sa ilang historyador, mali ito. Huh??? Liwanagin natin. Tila mas maganda ang totoong mga nangyari. 6:30 ng umaga nang simulan ni Rizal at ng mga kasama ang paglakad patungo sa Luneta de Bagumbayan. Sabi ni Floro Quibuyen, na mas pinili ni Rizal ang lumakad kaysa sumakay sa karwahe dahil sa paglalakad ay nagbubuo ang drama. Sinuot din niya ang pinakamaganda niyang kasuotan at nagsumbrero pa. Kasama niya ang mga dating guro sa Ateneo na sina Padre Vilaclara at Padre March na kanya pang binibiro. Hindi sila tumatawa. Kasama si Padre Federico Faura na guro ni Rizal, ang dalawang Heswita na ito ay mamamatay lahat sa loob ng isang taon lamang. Habang naglalakad sa tabing dagat sinabi pa ni Rizal, “Kayganda ng umaga, sa mga umagang ganito, lumalakad ako noon dito kasama ang aking sinta.”
Pagdating niya sa lugar ng pagbabarilan, ilang metro mula sa kung nasaan ang monumento ngayon, kanyang hiniling sa kapitan na huwag siyang barilin ng nakatalikod sapagkat hindi siya isang taksil. Tumanggi ang kapitan sa hiling na ito, bagama’t hindi na siya pinaluhod at hindi na nilagyan ng piring tulad ng ginagawa sa ibang binibitay. Binilin na lang niya na barilin siya sa likod malapit sa puso. Isang doktor na Espanyol ang kumuha ng kanyang pulso. Normal ito. Hindi siya takot mamatay. Alas siyete tres ng umaga. Sumigaw ang kapitan, “Preparado.” Ikinasa ang mga baril ng walong indiong sundalo, sa likuran nila, walong Espanyol na babaril sa kanila kung hindi nila paputukan si Rizal. “Apunten,” itinutok ang mga baril at sa eksaktong tagpong ito, kinuha ang larawan na ito at makikita na relax na relax na nakatayo ang ating National Hero. Sumigaw siya ng “Consummatum est!” Tapos na ang kanyang misyon, ipinasa na niya sa bayan ang sulo. Binagsak ng kapitan ang kanyang espada at sumigaw ng “Fuego!” Pumutok ang mga baril. At si Rizal, na isang gymnast at may alam sa Physics, nang tamaan ng mga bala malapit sa likod malapit sa puso ay ginamit ang pwersa ng mga ito upang umikot at bumagsak ng nakatingin sa langit! Namatay ng may dangal. Sumigaw ang mga Espanyol, “Viva España! Muerte de los Traidores!” Patay na ang numero unong kalaban ng Imperyong Espanyol.

Detalye ng pabalat ng pansentenaryong edisyon ng THE FIRST FILIPINO ni Leon Ma. Guerrero na nagpapakita ng nakatumbang letrang “I” na kumatawan sa patay na Rizal na nag-alay ng dugo para sa pagbubuo ng bansa.
Ngunit sa kanyang pagkamatay, nabigyang buhay ang diwa at inspirasyon ng marami na lumaban sa mga mananakop. At nagwagi ang ating himagsikan laban sa Espanya matapos ang dalawang taon! Si Rizal ay marangal, ang mga Anak ng Bayan ay marangal, tayo ay mga Pilipino, tayo ay marangal. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(PTV, 19 December 2012)