XIAOTIME, 27 December 2012: MGA PILIPINO, TAMAD NGA BA?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 27 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

"Rizal, The Reformist."  Obra-maerstra ni Martino A. Abellana.  Nasa Pambansang Sinupan ng Sining, Pambansang Museo ng Pilipinas.

“Rizal, The Reformist.” Obra-maestra ni Martino A. Abellana. Nasa Pambansang Sinupan ng Sining, Pambansang Museo ng Pilipinas.

27 December 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=V8-YkVJPoTY

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Tamad ba ang mga Pilipino?  Isa itong pauliti-ulit at maituturing na walang-hanggang tanong natin sa ating mga sarili bilang isang mamamayan at madalas na madalas ang sagot natin ay oo.  Minsan nang sinagot ng ating National Hero na si José Rizal ang tanong na ito nang isang Doctor Sancianco ang sumulat sa pahayagang Progreso de Filipinas at pinaratangan ang mga indio na kaya hindi umuunlad dahil sa kanilang katamaran.

Dalawang indiong sabungero.  Ang sabong ayon kay Rizal ay dala ng mga Espanyol sa Pilipinas.  Mula sa koleksyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Dalawang indiong sabungero. Ang sabong ayon kay Rizal ay dala ng mga Espanyol sa Pilipinas. Mula sa koleksyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Sa kanyang sanaysay na “Sobre La Indolencia de los Filipinos,” o “Ukol sa Katamaran ng mga Pilipino,” na inilathala sa La Solidaridad, hindi niya itinanggi na may tendensiya nga ang mga Pilipino na maging tamad, ngunit hindi ito dahil sa “maliit na pagmamahal sa hanapbuhay” kundi produkto ng ating konteksto bilang isang bayan.  Huh???  Pinoy tamad???  Sabi ni Rizal???  Liwanagin natin.  Ayon kay Rizal, ang ating kabihasnan at ang ating pakikipagkalakalan sa mga dayuhan bago dumating ang kolonyalismo ang nagpapakita na hindi natural sa Pinoy ang maging tamad.  Ngunit, dalawa ang pangunahing dahilan ng pagkatamad ng Pinoy.

Tao at kalabaw sa initan.  Mula sa koleksyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Tao at kalabaw sa initan. Mula sa koleksyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Tila isa siyang environmental determinist sa kanyang unang dahilan, sa isang tropikal at mainit na bansa, natural lamang na nais lagi magpahinga ng mga taong laging nagtatrabaho sa initan, at kung hindi gagawin ito, mawawala ang ating lahi.  Pangalawang dahilan, ang mismong sistema ng kolonyalismo ng dayuhang Espanyol.  Paano ka nga namang gaganahang magtrabaho kung hindi mo naman napapakinabangan ang mga kinikita mo.

Mga chicas na Kastila.  Mula sa philhistorypics.blogspot.com

Mga chicas na Kastila. Mula sa philhistorypics.blogspot.com

Gayundin, sino ang mas tamad?  Kung ang mga Espanyol noon sa Pilipinas ay makikitang nagsasara ng mga negosyo upang magsiesta sa hapon, nagpapasapatos sa ibang tao, at pinapayungan ng ibang tao?   Ayon kay Rizal, ang pagiging tamad ng Pilipino ay hindi ang dahilan ng bulok na sistema, kundi ito ang nagiging sanhi ng isang bulok na sistema na nang-aalipin.  Para kay Rizal, tulad ng isang maysakit na pasyente, kailangang salinan ng dugo upang mabigyan ng bagong buhay at bagong sigla ang lipunan!  Edukasyon ang kanyang solusyon.  Naging inspirasyon ang analysis na ito ni Rizal upang isulat ni Syed Hussein Alataz ng Malaysia sa kanyang pag-aaral ukol sa The Myth of the Lazy Native noong 1977 kung saan ipinakita na ipinalaganap talaga ng mga kolonyalista sa Timog Silangang Asya ang imaheng ito ng tamad na indio at isinaksak sa kokote natin upang manatili tayong hindi umaangat upang malampasan sila.

Syed Hussein Alataz bilang isang pulitiko.

Syed Hussein Alataz bilang isang pulitiko.

Sa ganang akin, ito ay isang “program” na ipinasok sa ating kamalayan at kaisipan ngunit hindi maaaring sisihin lamang natin ang mga dayuhan sapagkat tinanggap naman natin ito at naging tamad na nga rin tayo.  Mas magandang akuin at aminin natin na may pagkukulang tayo upang masabi nating wala sa ibang tao ang solusyon kundi ako mismo.  Na may magagawa tayo na itama ang ating mali.  Buhayin natin ang baging dugong Pilipino.  I-reprogram natin ang ating mga kaisipan at ang ating kasaysayan!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Lulan ng fx taxi, Quezon Ave., 19 December 2012)