XIAOTIME, 25 December 2012: PANUNULUYAN, Ang Kasaysayan ng Unang Pasko
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 25 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

“Ang Pagsilang ni Kristo.” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).
25 December 2012, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=Oq2aglzswNI
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapanganakan ng pinaniniwalaang tagapagligtas ng mga Kristiyano, ang ating mahal na Panginoong Hesukristo, na bilang anak ng Diyos ay inialay ang kanyang buhay, tulad ng isang tupa na isinakripisyo, ipinako sa krus.

“Ang Pagkapako ni Hesus sa Krus,” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).
At dahil doo’y napatawad ang ating mga kasalanan at nailigtas tayo mula sa panghabambuhay na kaparusahan sa infierno. Tinatawag ang araw na ito na Christmas sa wikang Ingles, na ang ibig sabihin ay misa ni Kristo, na maaaring tumukoy sa misa ng pagdiriwang sa araw ng kapanganakan ni Hesus, o yung tinatawag natin ngayon sa Pilipinas na Misa de Gallo, o misa ng mga manok.
Ang Pilipinong salitang “Pasko” naman ay nagmula sa “Pascua” ng mga Espanyol na pinantutukoy nila sa mga malalaking pistang hudyo lalo na yung “passover,” gayundin tumutukoy din ito sa misterio pascual o paschal mystery ng kapanganakan, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus.

“Si kristo sa Hardin ng Getsemani.” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).
Ang mga kwento sa Biblia ay tumukoy sa kwento ng pang-emperyong census na nagdala kay Jose at Maria ng Nazareth sa pook ng kanilang mga ninuno, ang Betlehem. Ngunit ang pinakalamapit na census na nakatala sa kasaysayan sa panahong iyon, ang Census ni Publius Sulpicius Quirinius, ay naganap noong 6 or 7 A.D.. Anuman, dahil ang buntis na si Maria ay manganganak na, nangailangan nang kwartong mapagsisilangan sa sanggol na inihula ng mga propeta. Ngunit walang bakanteng kwarto, naghanap nang naghanap hanggang magkaroon din ng sisilangan si Hesus, ang tanging silid na bakante, sa sabsaban ng mga tupa!
Ngunit, lingid sa ating kaalaman na parang bahay ang stable na ito, ang tradisyunal na sayt ng sinilangan ni Hesus ay isang kweba, na ngayon ay nasa ilalim ng Church of the Nativity sa Betlehem. Ang aking suot ngayon na kwintas ay nagtataglay ng isang maliit na bato na tinagpas mismo sa cave of the Nativity, isa sa pinakabanal na lugar sa sangkakristiyanuhan.

Ang bituin na may 14 na silahis na nagpapakita ng tradisyunal na pook na sinilangan ni Hesus sa Cave of the Nativity sa ilalim ng Church of the Nativity.

Nativity Stones Cross: Isang krus na dinesenyo ng alaherong si Paul Dmitri na nagpapakita ng bituin na may 14 na silahis na nagtataglay ng isang piraso ng mga batong kinuha ni Stanley Slotkin mula sa natatanging pagbaklas ng mga bato sa mismong kweba para gumawa ng bagong lagusan 1964, na pinahintulutan naman ng Alkalde ng Betlehem, Elias B. Bandak.
Kristiyano man tayo o hindi, alam nating may historical na Hesus na nabuhay at ipinako sa krus dahil binanggit siya ng Romanong Hudyo na historyador na si Josephus Flavius.
Sa Pilipinas, ang kwentong ito ng paghahanap ng matutuluyan ng mga magulang ni Hesus noong unang pasko ay isinasadula sa ilang mga bayan sa Pilipinas sa dulang tinatawag na Panunuluyan. Isang halimbawa nito ang panunuluyan ng maralitang tagalungsod na taun-taon isinasadula sa Metro Manila simula noong 1986.

Bahagi ng Panunuluyan ng Maralitang Tagalungsod noong 2011 sa Plaza Amado V. Hernandez sa Tondo. Itinataguyod ito ng Urban Poor Associates at ng Tri-Corps at sinimulan noong 1986 nina Dennis at Alice Murphy. Kuha ni Xiao Chua.
Para sa maralitang ito, at kahit sa mga rebolusyunaryo noong unang panahon ayon sa akda ni Reynaldo Ileto, Pasyon and Revolution, ang kwento ni Kristo ay inspirasyon sa ating mga Pilipino—na may matutuluyan rin ang mga walang tahanan, na sa kamatayan may pagkabuhay na mag-uli, at sa mga paghihirap at hilahil sa mundo ay laging may pag-asa ng tunay na kalayaan at kaginhawaan. Hindi ba’t ito rin ang ating kasaysayan?

“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Kristo.” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

Ang monumento para sa People Power 1986 sa may White Plains cor. EDSA, obra-maestra ni Eduardo Castrillo.
Anuman ang inyong pananampalataya, sumainyo ang kapayapaan at pag-asa. Maligaya at maginhawang Pasko po sa inyong lahat. God love you. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Andrew Hall, DLSU Maynila, 19 December 2012)