XIAOTIME, 1 November 2012: ANG BANGANG MANUNGGUL

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 1 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang disenyo ng Bangang Manunggul. Kuha ni Xiao Chua.

1 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=KkzWed7pTpE&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Ipinagdiriwang natin ngayon ang pista ng mga patay na isinakristiyano at ginawang Todos Los Santos, All Saints Day.  Kumbaga, ang ating mga namatay na ninuno ay itinuturing na rin natin na mga santo na nasa langit kasama ng Panginoon.  Ngunit ano naman ang paniniwala ng ating mga ninuno ukol sa kabilang buhay?  Noong 1964, natagpuan sa Kuweba ng Manunggul, Tabon Cave Complex, Lipuun Point, Quezon, Palawan ang isang libingang banga ng mga sinaunang Pilipino na nabuhay noong tinatayang 710 B.C.  Katibayan ito ng ating paglilibing sa sekundaryang mga burial jar, o yung buto-buto na lamang ang nakalagay na katulad ng mga natagpuan noong 1991 sa kweba ng Maitum sa pagitan ng Timog Cotabato at Saranggani na ang itsura ng bawat isang mukha ay katangi-tangi at hindi magkakahalintulad.

Si Xiao sa harap ng isa sa mga banga na natagpuan sa Kweba ng Ayub na kamukha ni Dennis Rodman.

Ang Manunggul Jar ang tila pinakamatandang likhang sining sa Pilipinas!  Ayon kay Robert Fox ang banga sa kanyang disenyo ay “unrivalled in Southeast Asia; the work of an artist and master potter.”  Sinasalamin ng disenyo ang sinasabi sa ating mga oral traditions.  Dahil sa tayo ay isang martime culture, nakikita natin ang ating mga kaluluwa kapag namatay na sumasakay sa isang bangka at dumadaan sa dagat na may kasamang abay.  Ang fetal position ang makikita sa kaluluwa sapagkat sa ganito inaayos ang kanilang mga patay.  Kaya ang ibang representasyon din ng mga ninuno natin na namatay, o mga anito, ay nasa ganitong ayos, lalo na ang Bullol sa Ifugao.

Bullol sa Ifugao, pansinin ang pose niya sa pose ng kaluluwa sa bangang Manunggul… Amazing! Sa kagandahang loob ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Ang mga anito ay nagbabalik sa kalikasan, sa mga bundok, mga bato, mga puno, sa lupa, upang bantayan ang kanilang mga naiwan.  Tinatawag din silang mga nuno o ninuno.  Maging ang mga bangka na gawa sa kahoy ay may kaluluwa rin at ang ebidensya nito ay matatagpuan sa disenyo ng Bangang Manunggul.  Kaya naman malaki ang paggalang ng mga sinaunang Pilipino sa kalikasan bilang tahanan ng ating mga ninuno, nagtatabi-tabi po, hindi basta-basta pinuputol ang mga puno, at hindi winawasak ang kapaligiran.  Marami ang yumakap sa katolisismo hindi dahil madali silang nauto kundi dahil may mga elemento ang bagong paniniwala na nasa dati nang paniniwala, tulad ang mga santo, pinapahiran din ng panyo at dinadasalan tulad ng mga anito.  Hindi po ibig sabihin na kapag sinabing bumalik tayo sa diwa ng kultura ng ating mga ninuno ay maniwala tayo ulit sa anito o maglibing ulit tayo sa banga, ngunit gawin nating huwaran ang values ng sinaunang paniniwala sa kabilang buhay.  Na ang lahi natin ay nagpapahalaga sa kalinisan ng puri at sa pagiging makakalikasan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 25 October 2012)

Basahin ang papel ni Xiao ukol sa mga pamanang arkeyolohikal sa Pilipinas

Chua – Banga Bangka Bangkay (Sinaunang Pilipino)

Supplement:  Mga papel ni Dr. Bernadette Abrera ukol sa konsepto ng Kaluluwa at kaugnayan nito sa bangka sa mga Sinaunang Pilipino

Abrera – Bangka Kaluluwa at Katutubong Paniniwala

Abrera – The Soul Boat and the Boat-Soul