XIAOTIME, 31 October 2012: KALULUWA at ang Kahulugan ng ‘Halloween’
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment two days ago, 30 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
31 October 2012, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=jPcpBti9oPo&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Dalawang linggo na po ang nakalilipas nang aking talakayin ang tungkol sa ginto ng ating mga ninuno na nagpapakita na may kultura na ang mga sinaunang Pilipino bago dumating ang mga dayuhan. Pwede na nating sabihin sa sarili natin na kung “born with silver spoons” ang mga dayuhan, “eating in golden bowl” naman ang ating mga ninuno. Astig di ba?
Ngunit ang ginto ay hindi lamang bling-bling ng ating mga ninuno, ito rin anting-anting o proteksyon ng kaluluwa. Pinag-uusapan natin ang kaluluwa. Ngayong araw na ito, October 31, ipinagdiriwang natin ang Halloween. Nagmula ito sa salitang “All Hallow’s Evening,” ang kahulugan ng “hallow” ay saint.

Hallow–hindi walang laman as in “hallow blocks,” hindi rin “shallow” (korne) kundi banal, ala “hallowed be thy name.” Therefore “all hallows” ay “all saints.”
Bisperas din ito ng pista ng mga patay na ipinagdiriwang pa ng mga sinaunang Celtic bilang “Samhain” kung kalian pinaniniwalaan nilang bumabalik sa mga tahanan nila ang kaluluwa ng mga ninuno nila. Naglolokohan din sila ng mga pranks kaya may “trick or treat.” Ang mga sinaunang Pilipino rin ay mayroong paniniwala ukol sa kaluluwa. Para sa ating mga ninuno, ang tao ay binubuo ng dalawang bahagi—ang panlabas at panloob. Ang panlabas ay ang katawan habang ang panloob naman ay mayroon ding dalawang bahagi—ang life force na tinatawag na “ginhawa” na nakalulan sa bituka o sa atay, at ang “kaluluwa” na nakalulan sa utak na siyang nagbibigay ng buhay, pag-iisip at pagkukusa sa tao. Naniniwala sila na ang mga kaluluwa ay lumalabas ng katawan kahit buhay pa sa mga butas ng katawan ng tao at sa mga kamay at paa kaya pinoproteksyunan nila ito sa pagsusuot ng ginto. Ang paglabas ng kaluluwa ay nasasalamin sa bilin ng mga matatanda sa atin, huwag daw matutulog ng gutom at baka lumabas ang kaluluwa, maghanap ng pagkain at makulong sa kaldero.

Sa mga pintados ng Bisaya, ang kanilang tatoo ang kanilang anting-anting o proteksyon sa kaluluwa. Larawan mula sa Boxer Codex.
Naniniwala din sila na may alignment ang kaluluwa sa langit. Para sa ating mga ninuno magkakaroon lamang ng ginhawa na itinutumbas natin sa kumportableng buhay, magandang kalusugan o pakiramdam, kapayapaan ng isip, at pagkain, kung ang alignment na kaluluwa ng tao ay matuwid. Ibig sabihin mabuti ang kaluluwa nito o malinis ang kanyang kalooban. Hindi magkakaroon ng bisa ang ginhawa kung halang ang kaluluwa nito at maitim ang kanyang kalooban. Reflected pa rin ang paniniwala sa alignment ng kaluluwa kahit na Kristiyano na ang iba sa atin. Kapag binati ng isang taong malakas ang will-power o dungan ang isang bata, at sumama ang pakiramdam nito, pinaniniwalaan nating na-usog ang kaluluwa nito at kailangang ibalik sa ayos. Ano naman ang nangyayari sa kaluluwa kapag ito ay namatay? Ito ang tatalakayin natin bukas sa Araw ng mga Patay o sa ating Todos Los Santos Special. Ang liktao o artifak na katulad ng mga ginto at ng manunggul jar na may nakaukit na kaluluwang nakasakay sa Bangka, ay paalala lagi sa atin na ang ating mga ninuno ay may pagpapahalaga sa mabuting kaluluwa bago tayo tunay na guminhawa, umunlad at lumaya. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Yuchengco Hall, DLSU Manila, 25 October 2012)