IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

XIAOTIME, 1 November 2012: ANG BANGANG MANUNGGUL

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 1 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang disenyo ng Bangang Manunggul. Kuha ni Xiao Chua.

1 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=KkzWed7pTpE&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Ipinagdiriwang natin ngayon ang pista ng mga patay na isinakristiyano at ginawang Todos Los Santos, All Saints Day.  Kumbaga, ang ating mga namatay na ninuno ay itinuturing na rin natin na mga santo na nasa langit kasama ng Panginoon.  Ngunit ano naman ang paniniwala ng ating mga ninuno ukol sa kabilang buhay?  Noong 1964, natagpuan sa Kuweba ng Manunggul, Tabon Cave Complex, Lipuun Point, Quezon, Palawan ang isang libingang banga ng mga sinaunang Pilipino na nabuhay noong tinatayang 710 B.C.  Katibayan ito ng ating paglilibing sa sekundaryang mga burial jar, o yung buto-buto na lamang ang nakalagay na katulad ng mga natagpuan noong 1991 sa kweba ng Maitum sa pagitan ng Timog Cotabato at Saranggani na ang itsura ng bawat isang mukha ay katangi-tangi at hindi magkakahalintulad.

Si Xiao sa harap ng isa sa mga banga na natagpuan sa Kweba ng Ayub na kamukha ni Dennis Rodman.

Ang Manunggul Jar ang tila pinakamatandang likhang sining sa Pilipinas!  Ayon kay Robert Fox ang banga sa kanyang disenyo ay “unrivalled in Southeast Asia; the work of an artist and master potter.”  Sinasalamin ng disenyo ang sinasabi sa ating mga oral traditions.  Dahil sa tayo ay isang martime culture, nakikita natin ang ating mga kaluluwa kapag namatay na sumasakay sa isang bangka at dumadaan sa dagat na may kasamang abay.  Ang fetal position ang makikita sa kaluluwa sapagkat sa ganito inaayos ang kanilang mga patay.  Kaya ang ibang representasyon din ng mga ninuno natin na namatay, o mga anito, ay nasa ganitong ayos, lalo na ang Bullol sa Ifugao.

Bullol sa Ifugao, pansinin ang pose niya sa pose ng kaluluwa sa bangang Manunggul… Amazing! Sa kagandahang loob ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Ang mga anito ay nagbabalik sa kalikasan, sa mga bundok, mga bato, mga puno, sa lupa, upang bantayan ang kanilang mga naiwan.  Tinatawag din silang mga nuno o ninuno.  Maging ang mga bangka na gawa sa kahoy ay may kaluluwa rin at ang ebidensya nito ay matatagpuan sa disenyo ng Bangang Manunggul.  Kaya naman malaki ang paggalang ng mga sinaunang Pilipino sa kalikasan bilang tahanan ng ating mga ninuno, nagtatabi-tabi po, hindi basta-basta pinuputol ang mga puno, at hindi winawasak ang kapaligiran.  Marami ang yumakap sa katolisismo hindi dahil madali silang nauto kundi dahil may mga elemento ang bagong paniniwala na nasa dati nang paniniwala, tulad ang mga santo, pinapahiran din ng panyo at dinadasalan tulad ng mga anito.  Hindi po ibig sabihin na kapag sinabing bumalik tayo sa diwa ng kultura ng ating mga ninuno ay maniwala tayo ulit sa anito o maglibing ulit tayo sa banga, ngunit gawin nating huwaran ang values ng sinaunang paniniwala sa kabilang buhay.  Na ang lahi natin ay nagpapahalaga sa kalinisan ng puri at sa pagiging makakalikasan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 25 October 2012)

Basahin ang papel ni Xiao ukol sa mga pamanang arkeyolohikal sa Pilipinas

Chua – Banga Bangka Bangkay (Sinaunang Pilipino)

Supplement:  Mga papel ni Dr. Bernadette Abrera ukol sa konsepto ng Kaluluwa at kaugnayan nito sa bangka sa mga Sinaunang Pilipino

Abrera – Bangka Kaluluwa at Katutubong Paniniwala

Abrera – The Soul Boat and the Boat-Soul

XIAOTIME, 31 October 2012: KALULUWA at ang Kahulugan ng ‘Halloween’

Broadcast of Xiaotime news segment two days ago, 30 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Diagram ng tambalan sa panloob: kaluluwa sa utak at ginhawa sa atay. Mula sa blog ni Sophia Marco.

31 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=jPcpBti9oPo&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Dalawang linggo na po ang nakalilipas nang aking talakayin ang tungkol sa ginto ng ating mga ninuno na nagpapakita na may kultura na ang mga sinaunang Pilipino bago dumating ang mga dayuhan.  Pwede na nating sabihin sa sarili natin na kung “born with silver spoons” ang mga dayuhan, “eating in golden bowl” naman ang ating mga ninuno.  Astig di ba?

Gintong mangkok ng ating mga ninuno na nakadisplay sa Ayala Museum.

Ngunit ang ginto ay hindi lamang bling-bling ng ating mga ninuno, ito rin anting-anting o proteksyon ng kaluluwa.  Pinag-uusapan natin ang kaluluwa.  Ngayong araw na ito, October 31, ipinagdiriwang natin ang Halloween.  Nagmula ito sa salitang “All Hallow’s Evening,” ang kahulugan ng “hallow” ay saint.

Hallow–hindi walang laman as in “hallow blocks,” hindi rin “shallow” (korne) kundi banal, ala “hallowed be thy name.” Therefore “all hallows” ay “all saints.”

Bisperas din ito ng pista ng mga patay na ipinagdiriwang pa ng mga sinaunang Celtic bilang “Samhain” kung kalian pinaniniwalaan nilang bumabalik sa mga tahanan nila ang kaluluwa ng mga ninuno nila.  Naglolokohan din sila ng mga pranks kaya may “trick or treat.”  Ang mga sinaunang Pilipino rin ay mayroong paniniwala ukol sa kaluluwa.  Para sa ating mga ninuno, ang tao ay binubuo ng dalawang bahagi—ang panlabas at panloob.  Ang panlabas ay ang katawan habang ang panloob naman ay mayroon ding dalawang bahagi—ang life force na tinatawag na “ginhawa” na nakalulan sa bituka o sa atay, at ang “kaluluwa” na nakalulan sa utak na siyang nagbibigay ng buhay, pag-iisip at pagkukusa sa tao.  Naniniwala sila na ang mga kaluluwa ay lumalabas ng katawan kahit buhay pa sa mga butas ng katawan ng tao at sa mga kamay at paa kaya pinoproteksyunan nila ito sa pagsusuot ng ginto.  Ang paglabas ng kaluluwa ay nasasalamin sa bilin ng mga matatanda sa atin, huwag daw matutulog ng gutom at baka lumabas ang kaluluwa, maghanap ng pagkain at makulong sa kaldero.

Sa mga pintados ng Bisaya, ang kanilang tatoo ang kanilang anting-anting o proteksyon sa kaluluwa. Larawan mula sa Boxer Codex.

Naniniwala din sila na may alignment ang kaluluwa sa langit.  Para sa ating mga ninuno magkakaroon lamang ng ginhawa na itinutumbas natin sa kumportableng buhay, magandang kalusugan o pakiramdam, kapayapaan ng isip, at pagkain, kung ang alignment na kaluluwa ng tao ay matuwid.  Ibig sabihin mabuti ang kaluluwa nito o malinis ang kanyang kalooban.  Hindi magkakaroon ng bisa ang ginhawa kung halang ang kaluluwa nito at maitim ang kanyang kalooban.  Reflected pa rin ang paniniwala sa alignment ng kaluluwa kahit na Kristiyano na ang iba sa atin.  Kapag binati ng isang taong malakas ang will-power o dungan ang isang bata, at sumama ang pakiramdam nito, pinaniniwalaan nating na-usog ang kaluluwa nito at kailangang ibalik sa ayos.  Ano naman ang nangyayari sa kaluluwa kapag ito ay namatay?   Ito ang tatalakayin natin bukas sa Araw ng mga Patay o sa ating Todos Los Santos Special.  Ang liktao o artifak na katulad ng mga ginto at ng manunggul jar na may nakaukit na kaluluwang nakasakay sa Bangka, ay paalala lagi sa atin na ang ating mga ninuno ay may pagpapahalaga sa mabuting kaluluwa bago tayo tunay na guminhawa, umunlad at lumaya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Yuchengco Hall, DLSU Manila, 25 October 2012)