CPR: Ang Iba’t Ibang Karera ni Carlos P. Romulo

by xiaochua

Heneral Carlos P. Romulo, ayudante-de-campo- ni Heneral Douglas MacArthur sa Australis, 1942.  Mula sa Great Lives:  Carlos Romulo.

Heneral Carlos P. Romulo, ayudante-de-campo- ni Heneral Douglas MacArthur sa Australis, 1942. Mula sa Great Lives: Carlos Romulo.

Isang pagpupugay ni Xiao Chua sa iba’t ibang kontribusyon at papel ng kaprobinsya niyang si Carlos P. Romulo sa kasaysayan ng Pilipinas para sa pagdidirwang ng kanyang ika-115 na kaarawan, 14 Enero 1898.

Kilala sa tawag na “Little Giant,” si Carlos P. Romulo ay may taas na kulang-kulang 5.4 lamang ngunit humawak ng matataas na posisyon hindi lamang sa bansa kundi sa pandaigdigang pulitika, sa panahon ng tinatawag na Cold War sa pagitan ng mga kakampi ang Estados Unidos at kakampi ng Unyong Sobyet.  Ngunit malayo pa ang lahat ng ito nang isilang siya sa Camiling, Tarlac noong 14 Enero 1898.  Ang kanyang ama na si Gregorio Romulo ay lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano ngunit pagkaraang sumuko at naging kaibigan ang isang Major Dalrymple na tumira sa kanilang tahanan.  Siya ang nagturo sa batang si Carlos na maglaro ng baseball at maglangoy.  Dahil dito ang pamilya Romulo ang unang mga Pilipino na nagsalita ng Ingles sa kanilang bayan.  Hindi naglaon, si Gregorio ay nahalal na presidente municipal ng Camiling at matapos nito ay naging Gobernador ng lalawigan ng Tarlac.

Si Goberandor at Gng. Gregorio Romulo, ang mga magulang ni Carlos:  Mula sa Great Lives:  Carlos Romulo.

Si Gobernador at Gng. Gregorio Romulo, ang mga magulang ni Carlos: Mula sa Great Lives: Carlos Romulo.

Naging estudyante ng hayskul sa Tarlac at Maynila at hinasa ang kanyang galing sa pagtatalumpati sa Ingles at nahumaling sa literaturang Ingles.  Nging cub reporter ng Manila Times at pumasok din sa Cablenews—American.  Pumasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1916 ngunit matapos lamang ang dalawang taon ay napili na isa sa maging mga pensionado na pag-aaralin sa Estados Unidos.  Nag-aral siya sa Columbia Univeristy sa New York at nakita ang hindi pagkakapantay-pantay sa Estados Unidos sa usapin ng lahi.  At dahil laging napagkakamalian siyang Tsino o Hapones, nagsagawa siya ng Pagdiriwang ng Araw ni Rizal upang maipakilala ang lahi natin doon.  Sa kanyang pagbabalik sa Maynila noong 1922, sabay-sabay siyang nagturo sa UP, kawaksing patnugot ng Philippines Herald, at pribadong kalihim ng Pangulo ng Senado Manuel L. Quezon.

Si Romulo kasama ang Pagulong Quezon.  Mula sa The Romulo Reader.

Si Romulo kasama ang Pagulong Quezon. Mula sa The Romulo Reader.

May panahong nagsulat din siya sa kalabang pahayagan, ang Tribune, ngunit pinakiusapan ni Quezon na bumalik sa Herald bilang tagapaglathala.  Naging katuwang ni Quezon ang mga pahayagan ni Romulo sa pagsusulong ng kanyang mga adhikain lalo na ang pagkakapasa ng Batas Tydings-McDuffie na nagbibigay ng sampung taong sariling panguluhan sa Pilipinas sa ilalim ng Amerika bilang isang Komonwelt bago mabigyan ng ganap na kasarinlan.  Naging Pangulo si Quezon ng Pamahalaang Komonwelt noong 1935 at ginawa niyang tagapayong militar si Hen. Douglas MacArthur.  Si Romulo rin ang isa sa mga kasaping tagapagtatag ng Boy Scouts of the Philippines.  Noong Setyembre 1941, naglakbay si Romulo sa mga kolonya ng Kanluran sa Asya at nakita niya kung paano naghihirap ang mga tao sa mga lugar na ito na nanaisin pa nilang masakop ng mga Hapones na lumalakas noon bilang Kapangyarihang Imperyalista.  Isinulat niya ito sa loob ng 45 artikulo na nalathala sa Amerika at naging dahilan ng pagkakagawad sa kanya ng Pulitzer Prize in Journalism noong 1942.  Ito ang unang pagkakataon na naibigay ito sa isang hindi Amerikano.  Sa pakiusap ni MacArthur ginawang opisyal ng Philippine Army si Romulo, at kinuha rin ng US Army bilang major in charge of press relations.  Sa pagsiklab ng digmaan, nagbigay ng mga brodkast para sa Voice of Freedom mula sa Corregidor at naging malaking tinik sa mga Hapones, nilagyan ng patong ang kanyang ulo.

Ang opisyal na biyograpia ni Carlos Romulo.

Ang opisyal na biyograpia ni Carlos Romulo.

Bago bumagsak ang Bataan sa mga Hapones noong 9 Abril 1942, nakatakas patungong Iloilo at Mindanao bago inilipad patungong Australia.  Doon, siya ay naging aide-de-camp ni Hen. MacArthur.  Nagtungo siya sa Estados Unidos at sinamahan si Pang. Quezon na hinirang siya na Kalihim ng Impormasyon.  Dalawang taon niyang inikot ang Estados Unidos upang magsalita sa ngalan ng mga sundalong Pilipino-Amerikano sa Pilipinas—“Remember Freedom.” Tinawag siyang “Mr. Philippines.”

Si Carlos P. Romulo habang nagtatalumpati noong Dekada 1940.  Mula sa The Romulo Reader.

Si Carlos P. Romulo habang nagtatalumpati noong Dekada 1940. Mula sa The Romulo Reader.

Nang mamatay si Quezon, ang bagong pangulo na si Sergio Osmeña ay hinirang siya na resident commissioner to the United States.  Sinamahan si MacArthur sa kanyang makasaysayang pagdaong sa Leyte upang bumalik sa Pilipinas noong 20 Oktubre 1944.

Si Heneral Carlos P. Romulo kasama ni Heneral Douglas MacArthur sa kanilang pagdaong sa Leyte, October 20, 1944.

Si Heneral Carlos P. Romulo kasama ni Heneral Douglas MacArthur sa kanilang pagdaong sa Leyte, October 20, 1944.

Matapos ang isang taon, si Romulo ang isa sa lumikha ng charter ng mga Nagkakaisang Bansa o United Nations (UN), at kasama sa mga lumagda nito sa kabila ng katotohanang hindi pa isang ganap na nagsasariling bansa ang Pilipinas.

Si Romulo habang pinipirmahan ang charter ng United Nations, October 20, 1945.  Mula sa The Romulo Reader.

Si Romulo habang pinipirmahan ang charter ng United Nations, October 20, 1945. Mula sa The Romulo Reader.

Noong 1949, nahalal si Romulo na Pangulo ng ika-apat na General Assembly ng UN.  Sa kanyang unang talumpati dito, kinailangan niyang umupo sa tatlong direktoryo ng telepono upang makila lamang.  Tinawag siyang “Mr. United Nations” dahil sa kanyang popularidad.  Noong Dekada 1950, tinanganan niya ang mga puwestong Kalihim ng Ugnayang Panlabas, Embahador ng Pilipinas sa Washington D.C., Tagapangulo ng UN Security Council.

Nagtatalumpating Romulo habang nakatuntong sa kutson.  Mula sa The Romulo Reader.

Nagtatalumpating Romulo habang nakatuntong sa kutson. Mula sa The Romulo Reader.

Nang matapos ang karerang diplomatiko, hindi hinayaang magretiro ni Pang. Diosdado Macapagal at hinirang na Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1962.

Si Romulo kasama ang ilang estudyante sa Quezon Hall bilang Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.  Mula sa National Geographic.

Si Romulo kasama ang ilang estudyante sa Quezon Hall bilang Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Mula sa National Geographic.

Ginawa siyang Kalihim ng Edukasyon at hindi naglaon ay muling nahirang na Kalihim ng Ugnayang Panlabas ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.  Naging Ministro ng Ugnayang Panlabas noong 1978 at nagplanong magretiro noong Disyembre 1982.

Karate Kid.  Bilang bahagi ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos.  Mula sa Great Lives:  Carlos Romulo.

Karate Kid. Bilang bahagi ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos. Mula sa Great Lives: Carlos Romulo.

Ngunit isang taon pa siyang pinilit na magsilbi sa kabila ng kanyang karamdaman.  Sa kanyang pagreretiro noong 14 Enero 1984, walong pangulo na ng Pilipinas ang kanyang napagsilbihan.  Sumakabilang buhay siya noong 15 Disyembre 1985 sa edad na 87 at hinimlay sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio.

Joaquin, Nick.  1979.  The Seven Ages of Romulo.  Metro Manila:  Filipinas Foundation, Inc.

Romulo, Carlos P.  1998.  The Romulo Reader.  Makati:  The Bookmark, Inc.

Ventura, Sylvia Mendez.  1995.  Carlos P. Romulo.  Makati:  Tahanan Books for Young Readers.

Wells, Evelyn.  1964.  Carlos P. Romulo:  Voice of Freedom.  New York:  Funk and Wagnalls Company, Inc.