XIAOTIME, 15 January 2013: PINAKAMARAMING TAO SA ISANG PAGTITIPON SA KASAYSAYAN
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 15 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Bahagi lamang ng limang milyong nabilang sa huling misa ng Santo Papa John Paul II sa Pilipinas noong January 15, 1995. Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.
15 January 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=IE9sAehDbXI
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Binabati ko ang aking organisasyon noong ako ay nasa kolehiyo pa, ang UP Lipunang Pangkasaysayan, na ngayon ay pinamumunuan ni Pat Torio, para sa aming dalawampu’t limang taon ng muling pagkakatatag noong January 13, 1988.
Dekada Sitenta pa lamang mayroon nang UP LIKAS at isa sa mga naging kasapi nito ay ang martir ng Batas Militar na si William Vincent “Billy” Begg. Nagpapasalamat din ako sa karangalan ibinigay nila sa akin bilang isa sa mga Natatanging Likasyan para sa kategoryang Pagpapalaganap ng Kasaysayan. Malaking karangalan at inspirasyon po ito. Mabuhay tayo, UP LIKAS!
Noong pista ng Nazareno, sinasabing tinatayang sampung milyong deboto ang nagtungo doon. Kailangang mag-ingat sa mga ganitong pagbibilang ng tao. May sistematiko kasing paraan ng pagbibilang nito. Anuman, taob pa rin ang ibang mga bansa kung paramihan ng tao sa isang pagtitipon ang pag-uusapan.
Nang mag-rally ang mga kabataang Tsino sa Tiananmen Square sa Beijing noong 1989, hindi man lang umabot ito ng milyon, kahit ang mga libing ni Mao Zedong at Chou En Lai, “tens of thousands” lang daw e China yun! Ang laki ng populasyon nun.
Kahit nang mabaril si Mahatma Gandhi, ama ng bansang India, isa sa pinakamaraming tao sa mundo, daan-daang libo lamang ang nakipaglibing.
Malaking trahedya sa mga Amerikano ang pagkamatay ni Pangulong John F. Kennedy ngunit ni hindi man lang umabot sa kalahating milyon ang lumabas upang makipaglibing.
Ngunit nang ilibing si Ninoy Aquino noong 1983, kahit na delikado ang panahon: 2 Milyon ang lumabas.
Noong EDSA Revolution: 2 Milyon ang nakibaka.
Nang ilibing si Tita Cory Aquino noong 2009: Tatlong daan libo ang nakipaglibing.
Isama mo pa ang pista ng Nazareno kung saan milyon ang lumalabas taon-taon! Imagine!
At nang dumating ang Santo Papa John Paul II para sa ika-sampung World Youth Day. Noong gabi ng January 14, 1995, isang milyong kabataan ang sumama sa Santo Papa sa Quirino Grandstand sa Luneta, nakipagbiruan pa at nakisayaw.

Gabi ng pakikisama ng mga kabataan sa Santo Papa, January 14, 1995 sa Quirino Grandstand. Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.
Kahit na tila nanghihina dahil sa Parkinson’s disease, inikot niya ng inikot ang kanyang baston. Ang daming tuwa ng mga tao.

Nakisayaw ang Santo Papa sa mga kabataan. Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.
At kinabukasan, 18 years ago ngayon araw, January 15, 1995, Linggo, sa huling misa ng papa sa Luneta. Isang kumpanyang Hapones na may teknolohiya para sa pagkuha ng larawan ng mga tao at pagbibilang ng mga ito, ang nagsabing limang milyong tao ang tumungo sa Luneta.

“The Largest Gathering in Human History.” Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.
Sabi ng opisyal na biographer ng Papa, George Weigel, ito ang “Largest Gathering in Human History.” Ni hindi makapunta ang Santo Papa sa grandstand kaya nagpatawag na ng helicopter, hindi kasi makadaan ang kotse niya sa mga kalsada ng Maynila.
Wow! Limang milyong sama-samang umawit ng “Tell The World of His Love” ni Katrina Marie Belamide na nagpapakita ng misyon ng bawat Kristiyano—“Search the world for those who have walked astray and lead them home.”
Kamangha-manghang eksena. Ang tawag ng peryodistang si Teddy Benigno dito ay “The Filipino Phenomenon.” Ikinakabit ko ito sa ating kaugalian natin ng pakikisama. Sa lahat ng Gawain natin, gusto natin hindi tayo nag-iisa. Ayun naman pala, ang lakas ng tendency natin na magkaisa tayo. Sana araw-araw nating makita ang pagkakaisa na ito. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, Lungsod Quezon, 10 January 2013)