IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

XIAOTIME, 15 January 2013: PINAKAMARAMING TAO SA ISANG PAGTITIPON SA KASAYSAYAN

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 15 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Bahagi lamang ng limang milyong nabilang sa huling misa ng Santo Papa John Paul II sa Pilipinas noong January 15, 1995.  Mula sa  John Paul II We Love You:  Papal Visit 1995 Manila.

Bahagi lamang ng limang milyong nabilang sa huling misa ng Santo Papa John Paul II sa Pilipinas noong January 15, 1995. Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.

15 January 2013, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=IE9sAehDbXI

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang aking organisasyon noong ako ay nasa kolehiyo pa, ang UP Lipunang Pangkasaysayan, na ngayon ay pinamumunuan ni Pat Torio, para sa aming dalawampu’t limang taon ng muling pagkakatatag noong January 13, 1988.

William Vincent "Bill" Begg

William Vincent “Bill” Begg

Dekada Sitenta pa lamang mayroon nang UP LIKAS at isa sa mga naging kasapi nito ay ang martir ng Batas Militar na si William Vincent “Billy” Begg.  Nagpapasalamat din ako sa karangalan ibinigay nila sa akin bilang isa sa mga Natatanging Likasyan para sa kategoryang Pagpapalaganap ng Kasaysayan.   Malaking karangalan at inspirasyon po ito.  Mabuhay tayo, UP LIKAS!

Ang UP Lipunang Pangkasaysayan sa kanyang ika-25 taon, January 12, 2013.

Ang UP Lipunang Pangkasaysayan sa kanyang ika-25 taon, January 12, 2013.

Noong pista ng Nazareno, sinasabing tinatayang sampung milyong deboto ang nagtungo doon.  Kailangang mag-ingat sa mga ganitong pagbibilang ng tao.  May sistematiko kasing paraan ng pagbibilang nito.  Anuman, taob pa rin ang ibang mga bansa kung paramihan ng tao sa isang pagtitipon ang pag-uusapan.

Ang Tagsibol ng 1989 sa Tiananmen Square sa Beijing.

Ang Tagsibol ng 1989 sa Tiananmen Square sa Beijing.

Nang mag-rally ang mga kabataang Tsino sa Tiananmen Square sa Beijing noong 1989, hindi man lang umabot ito ng milyon, kahit ang mga libing ni Mao Zedong at Chou En Lai, “tens of thousands” lang daw e China yun!  Ang laki ng populasyon nun.

Funebre para kay Mao Zedong sa Tiananmen Square.

Funebre para kay Mao Zedong sa Tiananmen Square.

Kahit nang mabaril si Mahatma Gandhi, ama ng bansang India, isa sa pinakamaraming tao sa mundo, daan-daang libo lamang ang nakipaglibing.

Libing ni Mahatma Gandhi sa India.

Libing ni Mahatma Gandhi sa India.

Malaking trahedya sa mga Amerikano ang pagkamatay ni Pangulong John F. Kennedy ngunit ni hindi man lang umabot sa kalahating milyon ang lumabas upang makipaglibing.

Ang libing ni John F. Kennedy sa Washington D.C., 1963.

Ang libing ni John F. Kennedy sa Washington D.C., 1963.

Ngunit nang ilibing si Ninoy Aquino noong 1983, kahit na delikado ang panahon:  2 Milyon ang lumabas.

Libing ni Ninoy Aquino, August 31, 1983.  Courtesy of the Ninoy and Cory Aquino Foundation.

Libing ni Ninoy Aquino, August 31, 1983. Courtesy of the Ninoy and Cory Aquino Foundation.

Noong EDSA Revolution:  2 Milyon ang nakibaka.

People Power sa EDSA, February 1986.

People Power sa EDSA, February 1986.

Nang ilibing si Tita Cory Aquino noong 2009:  Tatlong daan libo ang nakipaglibing.

Libing ni Cory Aquino, August 5, 2009.

Libing ni Cory Aquino, August 5, 2009.

Isama mo pa ang pista ng Nazareno kung saan milyon ang lumalabas taon-taon!  Imagine!

Ang pista ng Nazareno, January 9, 2013.

Ang pista ng Nazareno, January 9, 2013.

At nang dumating ang Santo Papa John Paul II para sa ika-sampung World Youth Day.  Noong gabi ng January 14, 1995, isang milyong kabataan ang sumama sa Santo Papa sa Quirino Grandstand sa Luneta, nakipagbiruan pa at nakisayaw.

Gabi ng pakikisama ng mga kabataan sa Santo Papa, January 14, 1995 sa Quirino Grandstand.  Mula sa  John Paul II We Love You:  Papal Visit 1995 Manila.

Gabi ng pakikisama ng mga kabataan sa Santo Papa, January 14, 1995 sa Quirino Grandstand. Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.

Kahit na tila nanghihina dahil sa Parkinson’s disease, inikot niya ng inikot ang kanyang baston.  Ang daming tuwa ng mga tao.

Nakisayaw ang Santo Papa sa mga kabataan.  Mula sa  John Paul II We Love You:  Papal Visit 1995 Manila.

Nakisayaw ang Santo Papa sa mga kabataan. Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.

At kinabukasan, 18 years ago ngayon araw, January 15, 1995, Linggo, sa huling misa ng papa sa Luneta.  Isang kumpanyang Hapones na may teknolohiya para sa pagkuha ng larawan ng mga tao at pagbibilang ng mga ito, ang nagsabing limang milyong tao ang tumungo sa Luneta.

"The Largest Gathering in Human History.  Mula sa  John Paul II We Love You:  Papal Visit 1995 Manila.

“The Largest Gathering in Human History.” Mula sa John Paul II We Love You: Papal Visit 1995 Manila.

Sabi ng opisyal na biographer ng Papa, George Weigel, ito ang “Largest Gathering in Human History.”  Ni hindi makapunta ang Santo Papa sa grandstand kaya nagpatawag na ng helicopter, hindi kasi makadaan ang kotse niya sa mga kalsada ng Maynila.

Ang Santo Papa habang pababa ng helikopter para sa kanyang misa sa Quirino Grandstand.

Ang Santo Papa habang pababa ng helikopter para sa kanyang misa sa Quirino Grandstand.

Wow!  Limang milyong sama-samang umawit ng “Tell The World of His Love” ni Katrina Marie Belamide na nagpapakita ng misyon ng bawat Kristiyano—“Search the world for those who have walked astray and lead them home.”

Mga delegado ng Pilipinas sa X World Youth Day.  Mula sa The Manila Phenomenon:  World Youth Day '95.

Mga delegado ng Pilipinas sa X World Youth Day. Mula sa The Manila Phenomenon: World Youth Day ’95.

Kamangha-manghang eksena.  Ang tawag ng peryodistang si Teddy Benigno dito ay “The Filipino Phenomenon.”  Ikinakabit ko ito sa ating kaugalian natin ng pakikisama.  Sa lahat ng Gawain natin, gusto natin hindi tayo nag-iisa.  Ayun naman pala, ang lakas ng tendency natin na magkaisa tayo.  Sana araw-araw nating makita ang pagkakaisa na ito.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, Lungsod Quezon, 10 January 2013)

CPR: Ang Iba’t Ibang Karera ni Carlos P. Romulo

Heneral Carlos P. Romulo, ayudante-de-campo- ni Heneral Douglas MacArthur sa Australis, 1942.  Mula sa Great Lives:  Carlos Romulo.

Heneral Carlos P. Romulo, ayudante-de-campo- ni Heneral Douglas MacArthur sa Australis, 1942. Mula sa Great Lives: Carlos Romulo.

Isang pagpupugay ni Xiao Chua sa iba’t ibang kontribusyon at papel ng kaprobinsya niyang si Carlos P. Romulo sa kasaysayan ng Pilipinas para sa pagdidirwang ng kanyang ika-115 na kaarawan, 14 Enero 1898.

Kilala sa tawag na “Little Giant,” si Carlos P. Romulo ay may taas na kulang-kulang 5.4 lamang ngunit humawak ng matataas na posisyon hindi lamang sa bansa kundi sa pandaigdigang pulitika, sa panahon ng tinatawag na Cold War sa pagitan ng mga kakampi ang Estados Unidos at kakampi ng Unyong Sobyet.  Ngunit malayo pa ang lahat ng ito nang isilang siya sa Camiling, Tarlac noong 14 Enero 1898.  Ang kanyang ama na si Gregorio Romulo ay lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano ngunit pagkaraang sumuko at naging kaibigan ang isang Major Dalrymple na tumira sa kanilang tahanan.  Siya ang nagturo sa batang si Carlos na maglaro ng baseball at maglangoy.  Dahil dito ang pamilya Romulo ang unang mga Pilipino na nagsalita ng Ingles sa kanilang bayan.  Hindi naglaon, si Gregorio ay nahalal na presidente municipal ng Camiling at matapos nito ay naging Gobernador ng lalawigan ng Tarlac.

Si Goberandor at Gng. Gregorio Romulo, ang mga magulang ni Carlos:  Mula sa Great Lives:  Carlos Romulo.

Si Gobernador at Gng. Gregorio Romulo, ang mga magulang ni Carlos: Mula sa Great Lives: Carlos Romulo.

Naging estudyante ng hayskul sa Tarlac at Maynila at hinasa ang kanyang galing sa pagtatalumpati sa Ingles at nahumaling sa literaturang Ingles.  Nging cub reporter ng Manila Times at pumasok din sa Cablenews—American.  Pumasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1916 ngunit matapos lamang ang dalawang taon ay napili na isa sa maging mga pensionado na pag-aaralin sa Estados Unidos.  Nag-aral siya sa Columbia Univeristy sa New York at nakita ang hindi pagkakapantay-pantay sa Estados Unidos sa usapin ng lahi.  At dahil laging napagkakamalian siyang Tsino o Hapones, nagsagawa siya ng Pagdiriwang ng Araw ni Rizal upang maipakilala ang lahi natin doon.  Sa kanyang pagbabalik sa Maynila noong 1922, sabay-sabay siyang nagturo sa UP, kawaksing patnugot ng Philippines Herald, at pribadong kalihim ng Pangulo ng Senado Manuel L. Quezon.

Si Romulo kasama ang Pagulong Quezon.  Mula sa The Romulo Reader.

Si Romulo kasama ang Pagulong Quezon. Mula sa The Romulo Reader.

May panahong nagsulat din siya sa kalabang pahayagan, ang Tribune, ngunit pinakiusapan ni Quezon na bumalik sa Herald bilang tagapaglathala.  Naging katuwang ni Quezon ang mga pahayagan ni Romulo sa pagsusulong ng kanyang mga adhikain lalo na ang pagkakapasa ng Batas Tydings-McDuffie na nagbibigay ng sampung taong sariling panguluhan sa Pilipinas sa ilalim ng Amerika bilang isang Komonwelt bago mabigyan ng ganap na kasarinlan.  Naging Pangulo si Quezon ng Pamahalaang Komonwelt noong 1935 at ginawa niyang tagapayong militar si Hen. Douglas MacArthur.  Si Romulo rin ang isa sa mga kasaping tagapagtatag ng Boy Scouts of the Philippines.  Noong Setyembre 1941, naglakbay si Romulo sa mga kolonya ng Kanluran sa Asya at nakita niya kung paano naghihirap ang mga tao sa mga lugar na ito na nanaisin pa nilang masakop ng mga Hapones na lumalakas noon bilang Kapangyarihang Imperyalista.  Isinulat niya ito sa loob ng 45 artikulo na nalathala sa Amerika at naging dahilan ng pagkakagawad sa kanya ng Pulitzer Prize in Journalism noong 1942.  Ito ang unang pagkakataon na naibigay ito sa isang hindi Amerikano.  Sa pakiusap ni MacArthur ginawang opisyal ng Philippine Army si Romulo, at kinuha rin ng US Army bilang major in charge of press relations.  Sa pagsiklab ng digmaan, nagbigay ng mga brodkast para sa Voice of Freedom mula sa Corregidor at naging malaking tinik sa mga Hapones, nilagyan ng patong ang kanyang ulo.

Ang opisyal na biyograpia ni Carlos Romulo.

Ang opisyal na biyograpia ni Carlos Romulo.

Bago bumagsak ang Bataan sa mga Hapones noong 9 Abril 1942, nakatakas patungong Iloilo at Mindanao bago inilipad patungong Australia.  Doon, siya ay naging aide-de-camp ni Hen. MacArthur.  Nagtungo siya sa Estados Unidos at sinamahan si Pang. Quezon na hinirang siya na Kalihim ng Impormasyon.  Dalawang taon niyang inikot ang Estados Unidos upang magsalita sa ngalan ng mga sundalong Pilipino-Amerikano sa Pilipinas—“Remember Freedom.” Tinawag siyang “Mr. Philippines.”

Si Carlos P. Romulo habang nagtatalumpati noong Dekada 1940.  Mula sa The Romulo Reader.

Si Carlos P. Romulo habang nagtatalumpati noong Dekada 1940. Mula sa The Romulo Reader.

Nang mamatay si Quezon, ang bagong pangulo na si Sergio Osmeña ay hinirang siya na resident commissioner to the United States.  Sinamahan si MacArthur sa kanyang makasaysayang pagdaong sa Leyte upang bumalik sa Pilipinas noong 20 Oktubre 1944.

Si Heneral Carlos P. Romulo kasama ni Heneral Douglas MacArthur sa kanilang pagdaong sa Leyte, October 20, 1944.

Si Heneral Carlos P. Romulo kasama ni Heneral Douglas MacArthur sa kanilang pagdaong sa Leyte, October 20, 1944.

Matapos ang isang taon, si Romulo ang isa sa lumikha ng charter ng mga Nagkakaisang Bansa o United Nations (UN), at kasama sa mga lumagda nito sa kabila ng katotohanang hindi pa isang ganap na nagsasariling bansa ang Pilipinas.

Si Romulo habang pinipirmahan ang charter ng United Nations, October 20, 1945.  Mula sa The Romulo Reader.

Si Romulo habang pinipirmahan ang charter ng United Nations, October 20, 1945. Mula sa The Romulo Reader.

Noong 1949, nahalal si Romulo na Pangulo ng ika-apat na General Assembly ng UN.  Sa kanyang unang talumpati dito, kinailangan niyang umupo sa tatlong direktoryo ng telepono upang makila lamang.  Tinawag siyang “Mr. United Nations” dahil sa kanyang popularidad.  Noong Dekada 1950, tinanganan niya ang mga puwestong Kalihim ng Ugnayang Panlabas, Embahador ng Pilipinas sa Washington D.C., Tagapangulo ng UN Security Council.

Nagtatalumpating Romulo habang nakatuntong sa kutson.  Mula sa The Romulo Reader.

Nagtatalumpating Romulo habang nakatuntong sa kutson. Mula sa The Romulo Reader.

Nang matapos ang karerang diplomatiko, hindi hinayaang magretiro ni Pang. Diosdado Macapagal at hinirang na Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1962.

Si Romulo kasama ang ilang estudyante sa Quezon Hall bilang Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.  Mula sa National Geographic.

Si Romulo kasama ang ilang estudyante sa Quezon Hall bilang Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Mula sa National Geographic.

Ginawa siyang Kalihim ng Edukasyon at hindi naglaon ay muling nahirang na Kalihim ng Ugnayang Panlabas ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.  Naging Ministro ng Ugnayang Panlabas noong 1978 at nagplanong magretiro noong Disyembre 1982.

Karate Kid.  Bilang bahagi ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos.  Mula sa Great Lives:  Carlos Romulo.

Karate Kid. Bilang bahagi ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos. Mula sa Great Lives: Carlos Romulo.

Ngunit isang taon pa siyang pinilit na magsilbi sa kabila ng kanyang karamdaman.  Sa kanyang pagreretiro noong 14 Enero 1984, walong pangulo na ng Pilipinas ang kanyang napagsilbihan.  Sumakabilang buhay siya noong 15 Disyembre 1985 sa edad na 87 at hinimlay sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio.

Joaquin, Nick.  1979.  The Seven Ages of Romulo.  Metro Manila:  Filipinas Foundation, Inc.

Romulo, Carlos P.  1998.  The Romulo Reader.  Makati:  The Bookmark, Inc.

Ventura, Sylvia Mendez.  1995.  Carlos P. Romulo.  Makati:  Tahanan Books for Young Readers.

Wells, Evelyn.  1964.  Carlos P. Romulo:  Voice of Freedom.  New York:  Funk and Wagnalls Company, Inc.