IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: himagsikan

XIAOTIME, 17 December 2012: DECEMBER 15 MANIFESTO NI RIZAL, Mga Kwestiyon sa Kanyang Pagiging National Hero

Broadcast of Xiaotime news segment last Monday, 17 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pangalawang saknong ng huling tula ni Rizal ang magbibigay ng kasagutan sa kung ano ang kanyang tunay na tindig ukol sa himagsikan.

Ang pangalawang saknong ng huling tula ni Rizal ang magbibigay ng kasagutan sa kung ano ang kanyang tunay na tindig ukol sa himagsikan.

17 December 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=8FHGGOnUmFc

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa December 30, ating gugunitain ang 116th anniversary ng kabayanihan ni Gat Dr. José Rizal, itinuturing na National Hero ng Pilipinas.  Lingid sa kaalaman ng marami, walang batas na nagpoproklama kay Rizal bilang National Hero, tinanggap ito ng bayan.

Renato Constantino.  Mula sa Bantayog ng mga Bayani

Renato Constantino. Mula sa Bantayog ng mga Bayani

Ngunit, para kay Renato Constantino, bagama’t hindi makakaila na nag-ambag si Rizal ng kanyang buhay para sa bayan, hindi raw dapat maging National Hero si Rizal.  Isa sa dahilan nito ayon sa kanyang essay na Veneration Without Understanding na may salin sa Pilipino na Bulag na Pagdakila, si Rizal habang nakakulong noong December 15, 1896, 116 years ago noong Sabado, ay sumulat ng pahayag para sa ilang Pilipino na itinatakwil ang himagsikan, ang himagsikan ni Andres Bonifacio na niloob at ninais na ng bayan.  Ginamit raw ang kanyang pangalan nang hindi niya nalalaman at gumamit ng mga sumusunod na salita upang batikusin ang himagsikan: mapanlilang, imposible, absurd, mapanira, walang saysay, katawa-tawa, barbaro, nakawawalang-dangal, at kriminal.  Sa madaling salita, ang himagsikan para kay Rizal ay isang malaking kalokohan.  Sa ibang mga bansa, ang kanilang pinakasikat na mga bayani ay mga namuno at sumama sa himagsikan ng kani-kanilang mga bayan.  Kaya kailangang pag-isipan kung kinakailangan pang itanghal na pangunahing bayani ng bayan si Rizal.

Pabalat ng A Nation Aborted:  Rizal, American hegemony and Philippine Nationalism ni Floro Quibuyen.  Mula sa Ateneo Press

Pabalat ng A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony and Philippine Nationalism ni Floro Quibuyen. Mula sa Ateneo Press

Ngunit, ayon pagsusuri ni Floro Quibuyen sa kanyang aklat na “A Nation Aborted,” hindi totoong lubos na hindi sumang-ayon si Rizal sa himagsikan, kung ito ay kinakailangan.  Paano raw nangyari na nagpayo pa siya sa Katipunerong si Dr. Pio Valenzuela na maging handa muna, humingi ng tulong sa mga mayayaman para dumami ang armas at ang chance na manalo?  Paano raw na nangyari na kung talagang tutol siya sa himagsikan, hindi niya pinagalitan ang kanyang mga kapatid na bahagi ng Katipunan tulad nina Paciano, Trinidad at Josefa na naging unang pangulo ng sangay pangkababaihan ng Katipunan?  Paano raw nangyari na ang kanyang huling pag-ibig na si Josephine Bracken ay sumama pa kina Andres Bonifacio sa Cavite, naging Katipunera, at nakapatay pa ng isang Espanyol kung alam niyang lubos na hindi sumang-ayon si Rizal.  Si Josephine pa ang nagbigay ng huling tula ni Rizal sa Supremo Bonifacio upang maisalin ito sa unang pagkakataon sa Tagalog at maipamudmod sa mga rebolusyunaryo.  At sa kanyang huling tula na ito, sa ikalawang saknong, pinuri na niya ang mga rebolusyunaryo na nasa larangan ng labanan na iniaalay ang kanilang buhay ng walang duda at walang kalungkutan at hindi alintana kung saan at paano mamatay kung ito ang kahilingan ng bayan at tahanan.  Samakatuwid, hindi lubos na itinakwil ni Rizal ang himagsikan, ambivalent siya o nag-alinlangan ukol dito.  Nais lamang niya na maging huling opsyon ito, kung kinakailangan lamang at dapat may laban kung gagawin ito.  At sa kanyang huling pahayag, na lubos nating pinahahalagahan natin, sumang-ayon na rin siya rito.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(On the bus, 13 December 2012)

XIAOTIME, 13 December 2012: EMILIO JACINTO, Ang Tunay na Utak ng Himagsikan

Broadcast of Xiaotime news segment last Thuesday, 13 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Postcard boy:  Emilio Jacinto

Postcard boy: Emilio Jacinto

13 December 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=Nt_XoWnzxGA

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang episode na ito sa alaala sa namayapang asawa ng aking tita, si Wilmar “Tito Willie” Cadaing na ka-birthday ng bayaning aking tatalakayin sa araw na ito.  Isa pang batang bayani ang ating tatalakayin ngayon araw na ito.  137 years ago sa Sabado, December 15, 1875, ipinanganak sa Trozo, Maynila ang isa sa ating pambansang bayani na si Emilio Jacinto.  Kung si Rizal ang tinatawag kong first emo, puwede kayang si Jacinto ang second emo dahil parehong one sided ang hati ng kanilang buhok, haha, biro lang.

Monumento ni Jacinto malapit sa City Hall ng Maynila sa likod ng Bantayog ni Bonifacio.  Kuha ni Xiao Chua.

Monumento ni Jacinto malapit sa City Hall ng Maynila sa likod ng Bantayog ni Bonifacio. Kuha ni Xiao Chua.

Bata pa lamang siya, natutunan na niyang mangastila, ngunit hindi hadlang ito upang makalimutan niyang hasain ang husay niya sa Wikang Tagalog.  Sa hirap ng buhay, binibili lamang siya ng mga segunda manong damit na hindi natubos sa prendahan, naging tampulan ng tukso si Jacinto.  Sa kabila nito, nakakuha ng magandang edukasyon, sa pribadong paaralan siya nagtapos ng elementarya at nagtapos ng Batsiller en Artes sa Colegio de San Juan de Letran.  Nag-aabogasya siya sa UST nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896.  Kailangan niyang tumigil.

Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, detalye ng monumentong nilikha ni Guillermo Tolentino sa Caloocan.

Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, detalye ng monumentong nilikha ni Guillermo Tolentino sa Caloocan.

Noon kasing 1894, 19 years old pa lamang siya, sumapi siya sa Katipunan at kinuha ang alyas na “Pingkian” na ang kahulugan ay “talaban” halimbawa sa mga bolo.  Napansin siya ng Supremo Andres Bonifacio at ginawang pinakamalapit niyang tagapayo at naupo sa mga posisyong kalihim, piskal, patnugot at naging heneral.

Emilio Jacinto at ang Kartilya, detalye ng bas relief sa Bantayog ng mga Bayani sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.

Emilio Jacinto at ang Kartilya, detalye ng bas relief sa Bantayog ng mga Bayani sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.

Minsan, gumawa silang dalawa ni Bonifacio ng magiging saligang batas ng Katipunan, ngunit nakita ni Bonifacio na mas maganda ang kay Jacinto kaya nagparaya siya kaya ang sa nakababatang Jacinto ang naging opisyal na aral na ginamit sa Katipunan, ang Kartilya.  Na nagpapakita sa atin na sa saligang batas ng Katipunan, mabuting kalooban ang pag-ibig ang kinakailangan upang guminhawa ang bayan, na siyang tunay na kalayaan.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan.  Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan. Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Naging editor ng Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan na sa isang edisyon lamang nito, dumami ang miyembro ng Katipunan mula 300 hanggang 3,000 na kasapi!  Gumamit sila ng mga konsepto at wika na naiintindihan ng bayan kaya sila naging epektibo.

Si Jacinto nagpupunit ng sedula, detalye ng monumento para sa Unang Sigaw ng Himagsikan sa Lungsod Quezon.

Si Jacinto nagpupunit ng sedula, detalye ng monumento para sa Unang Sigaw ng Himagsikan sa Lungsod Quezon.

Sa isang sanaysay dito isinulat ni Jacinto kung saan nagpakita ang isang magandang babae sa isang batang umiiyak, tinanong ng bata kung sino ang babae.   Ang sagot, “Nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat.  Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”  Tama nga naman, tunay lang magiging malaya ang mga tao kung hindi silang nag-aaswangan.  Sa alyas na Dimas-Ilaw, sinulat niya ang mga sanaysay na “Liwanag at Dilim” at ang tulang “A La Patria.”

Si Bonifacio at Jacinto habang nangunguna sa Labanan sa Polvorin, San Juan del Monte.  Likhang Sining ng BayaniArt.

Si Bonifacio at Jacinto habang nangunguna sa Labanan sa Polvorin, San Juan del Monte. Likhang Sining ng BayaniArt.

Sa pagsiklab ng himagsikan, si Bonifacio at Jacinto ang namuno sa pagsalakay ng Katipunan sa Polvorin, San Juan del Monte, at matapos nito ay si Jacinto rin ang nagpanggap na Tsino sa isang barko upang itakas si Rizal.  Tumanggi ang national hero.

Si Emilio Jacinto sa labanan, likhang sining ni Florante “Boy” Beltran Caedo na itinayo noong Sentenaryo ng kapanganakan ni Jacinto.  Dito rin nakalibing ang mga labi ni Jacinto sa Himalayang Pilipino sa Lungsod Quezon.

Si Emilio Jacinto sa labanan, likhang sining ni Florante “Boy” Beltran Caedo na itinayo noong Sentenaryo ng kapanganakan ni Jacinto. Dito rin nakalibing ang mga labi ni Jacinto sa Himalayang Pilipino sa Lungsod Quezon.

Pebrero 1898, pinatay na ang kanyang mahal na Bonifacio, nagpatuloy siya sa paglaban sa Maimpis, Magdalena, Laguna.  Nasugatan siya sa hita at nahuli.  Sa kumbento ng Magdalena walang-awa siyang ibinagsak malapit sa hagdan.  Pinaniniwalaang ang mga bakas ng kanyang dugo ay narito pa rin sa mga sahig nito.  Nilinlang niya ang mga Espanyol at nakatakas.

Sahig ng kumbento ng Magdalena kung saan makikita raw ang mga bakas ng dugo ni Emilio Jacinto.  Kuha ni Xiao Chua.

Sahig ng kumbento ng Magdalena kung saan makikita raw ang mga bakas ng dugo ni Emilio Jacinto. Kuha ni Xiao Chua.

Namatay siya sa sakit na malaria sa edad na 23 noong April 6, 1899 sa Santa Cruz, Laguna.  Mukhang nag-iwan pa ng buntis na kabiyak sa puso na si Catalina de Jesus.  Sabi ng ilan, si Apolinario Mabini raw ang Utak ng Himagsikan habang si Jacinto ay Utak lamang ng Katipunan.  Sabi ng asawa ng Supremo, Gregoria de Jesus, paano nangyari yaon e 1898 pa lamang sasali si Mabini sa Himagsikan?  Kaya naman, kailangan talagang kilalanin si Emilio Jacinto bilang Utak ng Himagsikan na nagbigay ng saysay at moralidad sa magiging unang konstistusyunal na demokrasya sa Asya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(DLSU Manila Library, 5 December 2012)

Ang tanging larawan ni Emilio Jacinto ay ang recuerdo de patay na ito na kinunan nang mamatay ang bayani.  Ang buntis na babae na nakatingin sa kanyang mukha ay si Catalina de Jesus.  Mula kay Dr. Ambeth Ocampo.

Ang tanging larawan ni Emilio Jacinto ay ang recuerdo de patay na ito na kinunan nang mamatay ang bayani. Ang buntis na babae na nakatingin sa kanyang mukha ay si Catalina de Jesus. Mula kay Dr. Ambeth Ocampo.

XIAOTIME, 10 December 2012: TREATY OF PARIS, Nang Ipagbenta ang Pilipinas sa US

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 10 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pag-uusap para sa kapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Espanya sa Paris noong 1898.

Ang pag-uusap para sa kapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Espanya sa Paris noong 1898.

10 December 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=8SRRsToc8gc

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Nais kong magpaalam sa aking mga estudyante sa DLSU Manila ngayong ikalawang termino ng taong akademiko 2012-2013, salamat sa ating samahan at magkita-kita tayo sa kampus, sana batiin niyo pa rin ako.  114 years ago ngayong araw, December 10, 1898, nang pirmahan ng Estados Unidos at ng Espanya ang Treaty of Paris na nagtatapos ng Spanish-American War.  Huh?  E ano naman sa atin ito???  Liwanagin natin.

Pagsasalarawan ng pagsabog ng USS Maine sa pantalan ng Havana, Cuba.

Pagsasalarawan ng pagsabog ng USS Maine sa pantalan ng Havana, Cuba.

Noong February 15, 1898 , sumabog ang USS Maine, isang barkong Amerikano na nasa pantalan ng Havana, Cuba.  Sinisi ang mga submarinong Espanyol sa paglubog nito bagama’t matapos ang 100 years kanilang natuklasan na sunog sa coal bunker ng mismong barko ang dahilan ng paglubog nito.  Anuman, nagamit ang insidente upang magdeklara ang Estados Unidos ng Estado ng Pakikidigma sa mga Amerikano.

Detalye ng mural ukol sa kasaysayan ng Pilipinas sa bukana ng ikalawang palapag ng Palma Hall (AS 2nd floor lobby) na nagpapakita ng pakikipag-usap ni Hen. Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano.

Detalye ng mural ukol sa kasaysayan ng Pilipinas sa bukana ng ikalawang palapag ng Palma Hall (AS 2nd floor lobby) na nagpapakita ng pakikipag-usap ni Hen. Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano.

Sa kontekstong ito, nakipag-usap sa Singapore si Heneral Emilio Aguinaldo kay Consul E. Spencer Pratt at Consul Rounceville Wildman upang tulungan ang mga Pilipino na makamit ang kasarinlan mula sa Espanya.  Ayon kay Aguinaldo, sinabi raw sa kanya na aalagaan ng mga Amerikano ang Pilipinas at pananatilihin ang kasarinlan nito tulad ng ginawa nila sa Cuba.  Samantalang sa mga aklat ng mga Amerikano, makikita nila na wala naming dokumentasyon na nagpapatunay ng mga sinabi ni Pratt.  Kumbaga, para sa kanila dapat hindi lamang ito verbal para maging opisyal habang sapat na sa ating mga Asyano ang palabra de honor at kung minsan insult pang magpasulat.  Pinadala ng Amerika si George Dewey upang pataubin ang pwersang pandagat ng mga Espanyol at nabansagang “Hero of Manila” habang sa buong Pilipinas, ang mga bayan ay pinapalaya na ng mga Anak ng Bayan.

George Dewey, larawan na nasa National Portrait Gallery ng Estados Unidos

George Dewey, larawan na nasa National Portrait Gallery ng Estados Unidos

Paglalarawan sa Battle of Manila Bay na pinagwagian ni Dewey laban sa armadang Espanyol, May 1, 1898.

Paglalarawan sa Battle of Manila Bay na pinagwagian ni Dewey laban sa armadang Espanyol, May 1, 1898.

Sa napipintong pagkapanalo ng ating himagsikan, isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista sa pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas na nilagdaan noong June 12, 1898 na ang ating bansa ay, “…under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America.”

Proklamasyon ng Pagsasarili sa Kawit, Cavite, June 12, 1898.

Proklamasyon ng Kasarinlan sa Kawit, Cavite, June 12, 1898.

Naku sa Proklamasyon pala natin ng Independensya, itinali na natin ang sarili natin sa kanila, kaya nariyan pa rin ang impluwensya nila.  Sa pag-asa sa isang salita ng isang dakilang bansa ipinahayag natin ang ating kasarinlan.  Ngunit, pasikreto palang nakikipag-usap ang mga Amerikano at ang mga Espanyol.  Noong August 13, 1898, ginanap ang Mock Battle of Manila kung saan nakuha ng mga Amerikano ang Maynila mula sa mga Espanyol.

Nang makuha ng mga Amerikano ang Fort San Antonio Abad sa Ermita mula sa mga Espanyol matapos ang pekeng labanan sa Maynila, August 13, 1898.

Nang makuha ng mga Amerikano ang Fort San Antonio Abad sa Ermita mula sa mga Espanyol matapos ang pekeng labanan sa Maynila, August 13, 1898.

Mock sapagkat peke pala ito.  Niluto na ito upang matalo ang mga Espanyol ng may dangal.  Nagsimulang magpulong ang dalawang imperyo sa mga suite rooms ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas sa Paris, Pransiya noong October 1, 1898.

Huling araw ng pulong para sa pagbubuo ng Tratado ng Paris, December 10, 1898.

Huling araw ng pulong para sa pagbubuo ng Tratado ng Paris, December 10, 1898.

Tulad ng isang sariling estado, ipinadala ng Kongreso ng Malolos ang matalinong abogado na si Felipe Agoncillo upang katawanin ang Pilipinas, pinagsarhan lamang siya ng pintuan at hindi pinansin ng dalawang panig sa Paris.

11 Felipe Agoncillo

Nilagdaan ang tratado noong December 10, 1898 at napagkasunduan na ibigay ang Cuba, Puerto Rico, Guam at Pilipinas sa Estados Unidos.  Ang Pilipinas nakuha sa halagang $ 20 Million.  Hindi raw pagbebenta ito, bayad lamang ito sa mga nagastos ng Espanya upang “paunlarin” ang mga lugar na ito.  Nang ang maling balita na ang mga Pilipino ang unang nagpaputok sa pagsisimula ng Philippine-American War noong February 2, 1899, after two days, ang hating Kongreso ng Estados Unidos ay bumoto sa ratipikasyon ng tratado,  sa botong 57 to 27, isang boto lamang ang sobra upang sumapat sa 1/3 vote na kinakailangan sa ratipikasyon.

17 “special relations” sa Estados Unidos

Naging legal sa pananaw ng Amerikano ang kanilang pananakop sa atin.  At dito nagsimula ang isang siglo na nating “special relations” sa Estados Unidos, kung saan, tulad sa pananalita ni Renato Perdon, tayo ay naging Brown Americans of Asia.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Makati City, 6 December 2012)

XIAOTIME, 30 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Unang Pangulo ng Pambansang Pamahalaan

Broadcast of Xiaotime news segment today, 30 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanging larawan ng Supremo Andres Bonifacio na nagpapatunay na 1) Hindi niya kamukha si Gardo Versoza 2) Nag-amerikana siya at hindi lang kamisa chino (empleyado kasi siya sa internasyunal na mga kumpanya sa Maynila noon). Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo at PDI.

30 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=RHmS4O2uFbE

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  149 years ago ngayong araw, November 30, 1863, isinilang si Andres Bonifacio, batang Tondo, Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at pambansang bayani.  Sa susunod na taon, 2013, ipagdiriwang na natin ang Boni@150.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Sabi nila, si Bonifacio raw ay walang pinag-aralan, mapusok at isang bobong bodegero.  Liwanagin natin.  Hindi totoong ipinanganak na super hirap si Andy, may tutor nga raw siya noong bata pa siya.  Ang ina niya ay isang mestisang Espanyol.  Ngunit nang mamatay ang kanyang mga magulang noong kanyang kabataan, bilang panganay kailangan niyang buhayin ang kanyang limang kapatid.  Doon siya nagsikap.  Nagbenta ng mga baston at pamaypay na abaniko at naging raket niya ito hanggang 1896!!!

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Natuto sa sariling sikap na magbasa sa Espanyol at naging bihasa sa Wikang Tagalog, nagbasa ng ukol sa Rebolusyong Pranses, mga pangulo ng America, Les Miserables ni Victor Hugo at ang mga nobela ni Rizal.  Nakumpiska ang mga aklat sa kanyang opisina noong rebolusyon.

Nagsikap na matuto sa sarili at naging palabasa. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Naging empleyado ng dalawang international companies sa Maynila, ang Fleming and Co. at ang Fressel and Co. bilang bodegero o clerk, hindi po kargador, na messenger rin, na marahil naging dahilan na madali niyang naipalaganap ang Katipunan.  Hindi alam ng marami na isa siyang aktor sa teatro na may sariling theatre company, ang Teatro Porvenir.  Ang paborito niyang karakter ay si Bernardo Carpio, ang mitikal na Haring Tagalog na nakagapos sa pagitan ng dalawang bundok na kapag lumaya ay iligtas ang mga Tagalog mula sa mga Espanyol.

Popular na representasyon kay Bernardo Carpio, pinipigil magsalpukan ang dalawang bundok. Guhit ni Ricky Serrano Mula sa Merrian Webster & Bookstore.

Noong July 3, 1892, sumali sa La Liga Filipina ni Rizal na nag-aadhika ng pagkakaisa ng mga Pilipino bilang isang katawan.  Pero after three days inaresto si Rizal at itinapon sa Dapitan.  Kinabukasan, itinatag ni Bonifacio ang Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK.  Ngunit hindi siya agad naging Supremo.  Siya lamang ang ikatlo sa mga umupo sa pwestong ito.  Biyernes Santo ng 1895, pinangunahan niya ang mga Katipunero sa pagtungo sa mga kweba ng Bundok Tapusi sa Montalban.

Bundok Tapusi, Montalban. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Sinulat nila sa mga pader, “Naparito ang mga Anak ng Bayan, Hinahanap ang Kalayaan.  Mabuhay ang Kalayaan!” na tila idinedeklara na ang ating kalayaan.  Ang tila kambal na bundok sa Montalban ang mitikal na lugar ng pinaggapusan kay Bernardo Carpio na tila sinasabi, kami si Bernardo Carpio, ang mga anak ng bayan ang magliligtas sa bayan, handa kaming magsakripisyo ng buhay tulad kay Kristo. Kung mapusok siya, paano niyang napanatiling lihim ang kanyang samahan ng matagal?  Kung hindi siya magaling paano kumulat bilang pambansang samahan ang Katipunan?  Ibinalik niya ang mga elemento ng sinaunang bayan tulad ng sandugo sa ritwal ng Katipunan, magkakapatid tayo sa iisang Inang Bayan, anak tayo ng bayan.  Na walang tunay na kalayaan kung walang ginhawa na natatamo lamang kung malinis ang kaooban, makatwiran, may dangal at puri.

Sanduguan sa Katipunan,. Detalye ng mural na “History of Manila” ni Carlos V. Francisco.  Nakalagak sa City Hall ng Maynila.

Nang pumutok ang himagsikan, nahalal siya ng Kataas-taasang Sanggunian ng KKK na unang pangulo ng unang pambansang revolutionary government, mas nauna pa doon sa kay Hen. Emilio Aguinaldo.  Bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, ang Tagalog ay lahat ng nangagkakaisang Anak ng Bayan na pawang mga taga-ilog, ang hari ay hindi mga pinuno, kundi ang bayan.

Sa wanted poster sa isang Kastilang pahayagan noong Pebrero 1897, kinilala mismo ng mga kalaban ang unang panguluhan ni Andres Bonifacio sa Pamahalaang Rebolusyunaryo. Mula sa Studio 5 Publishing, Inc.

Sa kanyang pagkamatay noong 1897, naudlot ang konsepto niyang ito.  Hindi pa tapos ang laban, kailangan natin itong ipagpatuloy!  Sa pagkakaroon ng malinaw na konsepto ng bansa na nag-uugat sa mga konsepto at kalooban ng bayan, si Bonifacio ay dapat kilalanin bilang Ama ng Sambayanang Pilipino.  Mabuhay ang Supremo!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(On the taxi and at PTV, 22 November 2012)

XIAOTIME, 29 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Supremo Bilang Pinunong Militar

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 29 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isang hinirayang paglalarawan sa Supremo ng Katipunan, Andres Bonifacio bilang Pinunong Militar na binihisan ng rayadillo. Bilang isang aktor sa teatro, kung ang kanyang mga heneral ay may uniporme, ang kanyang bihis ay pihadong mahalaga para sa kanya. Mula sa Tragedy of the Revolution ni Adrian Cristobal at ng Studio 5 Publishing.

29 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=xG63WzrxUrI

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Bukas ang 149th birth anniversary ng Supremo ng Katipunan, Ama ng Himagsikang Pilipino at ang ating Pambansang Bayani na si Andres Bonifacio.  Ngunit hanggang ngayon, ang Supremo ay nababalot pa rin sa maraming mito.  Kaya kailangang hubaran ang mga ito—Undress Bonifacio!  Ang sabi-sabi si Bonifacio ay bobo at walang istratehiyang militar!  Lahat ng labanan niya ay natalo.  Huh???  Liwanagin natin.  Naging matagumpay ang Cavite sa pagputok ng himagsikan noong 1896 dahil sa mga trintsera na pinlano ni Edilberto Evangelista na nag-aral ng inhinyeriya sa Brussels, Belgium.

Ang inhinyerong nagtapos sa Belgium, Edilberto Evangelista. Larawan mula kay Dr. Isagani Medina.

Ngunit matapos ang ilang buwan, nang bumalik ang mga pwersang Espanyol mula sa digmaan sa Mindanao, dumami na ang mga Espanyol at unti-unti nang bumagsak ang mga bayan sa Cavite.  Ayon kay Zeus Salazar, ang digmaang trintsera na nagmula sa Kanluran ay kabisado ng mga Espanyol, magastos, hindi madaling maiwanan, madaling mapaligiran, at kapaki-pakinabang sa mga Espanyol kapag kanilang nakukuha.

Ang mga trintsera ng Cavite na itinayo ni edilberto Evangelista habang epektibong ginagamit… ng mga Amerikano. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Iba ang istratehiyang ipinatupad ni Bonifacio na sinunod ng maraming heneral sa buong Pilipinas.  Hinugot niya ito sa “Ilihan” ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol, ang pinag-aatrasan ng bayan sa mga burol o kabundukan upang maging ligtas sa sakuna o makibaka sa mga kalaban.  Tinawag niya itong “real” na ang ibig sabihin ay kampo o “komunidad na may tanggulan malapit sa bayan.”

Isa sa mga pinagrealan ni Bonifacio ay ang Bundok Tapusi sa Montalban, Rizal. Kung saan ang maalamat na si Bernardo Carpio ay nakagapos at malapit nang makawala upang palayain ang ating bayan. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Unang naisip ni Bonifacio sa kanyang paglalakbay sa Montalban at natatag sa Balara, Krus na Ligas, Marikina, Makiling, Banahaw, atbp.  Lumaganap din sa mga kabundukan ng Tayabas, Morong, Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija.  Gamit nito ang mga natural na anyo sa kalikasan tulad ng mga kakahuyan, mga bato, mga kweba at mga bundok.  Dahil pakikidigmang mas angkop sa Pilipino:  Hindi magastos, madaling iwanan at balikan kapag hinabol sila roon marami sila lulusutan, hindi mapakikinabangan ng mga Espanyol at pahihirapan sila dahil wala silang kasanayan.  Matapos ang mga pagsalakay sa Pinaglabanan, kahit na maraming nasawing mga Katipunero, hindi sila naubos at nalipol.  Hindi rin sila nahabol ng mga Espanyol.  Dahil naka-atras sila sa mga “real.”  Ang pinagtuunan ng pansin ay ang Cavite na mas kaya nilang pataubin.  At nang tuluyang bumagsak ang mga trintsera sa Cavite at tuluyang matalo si Aguinaldo, ang sumalo sa kanya ay ang mga “real” na ipinatayo ng “walang taktikang-militar” na si Bonifacio hanggang sa mapadpad siya sa  “real” ng Biyak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan!  Kung saan nagkaroon sila ng bentahe na makipagkasundo sa mga Espanyol, linlangin sila at kalaunan ituloy ang Revolucion habang ang himagsikan ay ipinagpatuloy ng mga anak ng bayan.  Ayon kay John Ray Ramos ng Security Matters magazine may pagkakaiba ang taktika na mas limitado at ispesipiko habang ang istratehiya ay mas malawang pakikidigma.  Samakatuwid sina Aguinaldo ay nasa lebel ng taktika noong 1896 habang hawak ni Bonifacio ang istratehiya ng Katipunan.  Samakutuwid, hindi totoong walang istratehiyang militar si Bonifacio.  Mas katutubo nga lamang ito.  Kung tutuusin, ginagamit pa rin ito ng NPA at mga Mandirigmang Moro.  Ayon kay Milagros Guerrero, dahil sa pagtatakda ng istratehiya ng himagsikan bilang may command responsibility, lahat ng mga pagkatalo at pagkapanalo ng himagsikan ay dapat ding ibigay kay Bonifacio.  Ang sinasabi ng ilang historyador na natalo si Bonifacio sa lahat ng kanyang laban ay katawa-tawa.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Yellow Cab DLSU Taft, 22 November 2012)

Zeus Salazar

Milagros Guerrero

John Ray Ramos

XIAOTIME, 28 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 28 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Pagsalakay ni Andres Bonifacio sa Pinaglabanan sa madaling araw ng August 30, 1896. Kung gayon, paano siya nakatulog at hindi nakapaghudyat kung naroon nga sila sa San Juan? Mula sa “History of Manila,” mural ni Carlos V. Francisco, na nasa City Hall ng Maynila.

28 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=htU6w3sfqv8

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong November 26, 2008, idinaos ng UP Lipunang Pangkasaysayan o UP LIKAS ang isang sampaksaan na nagnanais maghubad ng mga mito ukol kay Andres Bonifacio sa tulong ng mga eksperto ukol sa bayani tulad nina Milagros Guerrero, Zeus Salazar, Luis Camara Dery at Gary Bonifacio.  Tinawag ang lektyur na Undress Bonifacio.  Sa tradisyon ng UP LIKAS, tatlong araw mula ngayon hanggang sa 149th birth anniversary ni Bonifacio sa Biyernes tatalakayin natin ang ilang isyung bumabalot sa misteryosong Supremo.  May mga sabi-sabi, walang istratehiyang militar si Bonifacio, at siya ang dahilan ng pagkapalpak ng pagsalakay ng Katipunan sa Intramuros noong August 29-30, 1896.  Liwanagin natin.  Noong August 24:  Nagpulong ang Kataas-taasang Sanggunian ng KKK, itinatag nila ang Rebolusyunaryong Pamahalaan at hinalal si Bonifacio bilang unang pangulo ng Unang Pambansang Pamahalaan sa Pilipinas at napagkasunduan na ganapin na ang pagsalakay sa Maynila sa hatinggabi ng  August 29-30.  Ang plano:  Palibutan ang sentro ng Kapangyarihang Espanyol sa Asya, ang Intramuros, Maynila habang abala ang pwersa nila sa Mindanao!

Lumang mapa ng Intramuros, ang Kastilang lungsod ng Maynila.

Sa pagtagpas ng ulo ng dragon, babagsak ang buong imperyo.  Sasalakay sa tatlong direksyon, mula sa Marikina sa silangan, Gitnang Luzon sa hilaga, Cavite mula sa timog at sa loob mismo ng Intramuros, 500 pwersang Pilipino sa pangunguna ng ilang opisyal na mestizong Espanyol.  Sa umaga ng pag-aalsa, nabisto ang pwersang ito at ipinatapon sa Mindanao.  Sa madaling-araw ng pag-aalsa, nagkaroon ng pag-atake sa paligid ng Intramuros lalo na sa Sampaloc, Sta. Ana, Pandacan, Makati, San Juan at Pasig, kasama ng Laguna … pero hindi umatake ang Cavite!  Ayon kay Hen. Aguinaldo, namuti daw ang kanilang mga mata sa kakahintay ng napagkasunduang hudyat.  Iba-iba ang mga bersyon:  pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis.  Kumalat ang balitang nakatulog daw si Bonifacio!  O di kaya’y nakipagkwentuhan at hindi namalayan na alas-cuatro na!  Ngunit bakit may sinasabing hudyat kung pinag-usapan nga na hatinggabi ang pagsalakay.  Ang pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis, ay makikita kaya mula sa malayong pampang ng Cavite?  Ok, granting makita nga ang mga ito, doon pa lang ba susugod pa-Maynila ang mga pinuno ng Cavite?  Edi pagdating nila doon tapos na ang labanan?

Pabalat ng aklat ni Dr. Zeus A. Salazar ukol sa pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila.

Tanong ni Zeus A. Salazar sa kanyang pananaliksik ukol sa insidente:  umuwi na lamang ba sila dahil ayon sa mga French Consular Reports ay umuulan sa Maynila noong gabing iyon? O hindi kaya ayaw lamang sumama o kumilala sa awtoridad ng Supremo ang mga pinuno ng Cavite sa kabila ng pagiging pangulo nito ng pamahalaang rebolusyunaryo at ng Haring Bayan?  Ang mga kasagutan ay ay tila mahihinuha sa madugong pagwawakas ng Supremo sa kanilang kamay noong 1897.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Gokongwei Hall, DLSU Manila, 22 November 2012)