XIAO TIME, 23 July 2013: ANG TUNAY NA DEKALOGO NI APOLINARIO MABINI
by xiaochua
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Larawan ni Apolinario Mabini, arestado sa loob ng Intramuros. Mula sa Dambanang Pangkasaysayang Mabini sa Tanauan, Batangas.
23 July 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=kXNhR2tLcEw
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 149 years ago, July 23, 1864, isinilang si Apolinario Mabini, “Ang Dakilang Lumpo,” sa Baryo Talaga, Tanauan, Batangas. Sa maraming pagkakataon, ang alam lamang natin sa kanya ay siya ay lumpo siya at hindi kung bakit siya dakila. Dahil sa kanyang utak, patuloy na kinonsulta nina Andres Bonifacio, Paciano Rizal at Emilio Aguinaldo.

Ang replica ng kubo na sinilangan ni Apolinario Mabini sa Tanauan Batangas, July 23, 1863. Kuha ni Xiao Chua.

Isang obra maestra na nagpapakita sa unang pagkikita nina Mabini at Heneral Aguinaldo, nakasabit sa Dambanang Pangkasaysayang Mabini sa Tanauan, Batangas
Bago siya naging tagapayo ng Unang Konstitusyunal na Demokratikong Republika sa Asya, ang Republika ng Malolos, sa kanyang kubo sa Los Baños, Mayo ng 1898, sinulat niya ang El Verdadero Decalogo—o ang tunay na sampung utos.

Isa sa pinakamahalagang akda ni Mabini ang “El Verdadero Dekalogo.” Ang tunay na sampung kautusan. Mula sa Apolinario Mabini Revolutionary ni Cesar Adib Majul.
Ito ang kanyang habilin sa ating bayan—Una. Ibigin mo ang Diyos at ang iyong puri ng lalo sa lahat ng bagay …ang paghahangad ng puri ang siya lamang makapipigil sa iyo sa pagbubulaan at makapipigil na huwag kang suminsay sa daan ng katuwiran at laging magtaglay ng kasipagan. Ikalawa. Sambahin mo ang Dios sa kaparaang lalong minamarapat ng iyong bait at kalooban o konsyensya….
Ikatlo. Dagdagan mong pilit ang talos ng isip at katutubong alam na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng pag-aaral, at magsumakit ka ng ubos lakas sa gawang kinahihiligan ng iyong loob, …upang matipon sayo ang lalong maraming kagalingan at sa ganitong paraa’y makatulong ka sa ikasusulong ng lahat…. Ika apat. Ibigin mo ang iyong Inang bayan ikalawa sa Dios at sa iyong puri at higit sa iyong sarili, sa pagka’t siya ang nakaisaisang Paraisong pinaglagyan sa iyo ng Diyos sa buhay na ito…. Ikalima. Pagpilitan mo ang kalayaan ng iyong bayan bago ang iyong sarili, …sapagkat kung malaya siya at lalaya rin ikaw at ang iyong kamag-anakan. Ikaanim. Pagpilitan mo ang kasarinlan ng iyong bayan, sa pagka’t ikaw lamang ang tunay na makapagmamasakit sa kanyang ikasusulong at ikatatanghal…. Ikapito. Huwag mong kilalanin sa loob ng iyong bayan ang kapangyarihan ng sino mang tao na hindi inilagay ninyong magkakababayan, …ang taong ituro at ihalal ng mga konsyensya ng sangkabayanan ang siya lamang makapagtataglay ng tunay na kapangyarihan.
Ikawalo. Ihanap mong pilit ang iyong bayan ng Republica, yaon baga ang lahat na namamahala ay palagay ng bayan, at huwag isipin kailan man ang Monarkiya, ang pagkakaroon baga ng hari; sa pagka’t ang hari ay walang binibigyan ng kamahalan kundi isa o ilang angkan lamang….

Ang tila monarkiya sa Pilipinas: Ang mga Marcos sa kanilang pamamayagpag bilang mga hari at reyna ng bansa. Mula kay Carmen Navarro Pedrosa.
Ikasiyam. Ibigin mo ang kapwa mo tao kaparis ng pag-ibig mo sa iyong sarili, sa pagka’t siya’y binigyan ng Diyos, at ikaw ay ganon din naman, ng katungkulang tulungan ka at huwag niyang gawin sa iyo ang di niya ibig na gawin mo sa kaniya; nguni’t kapag ang kapwa mo tao ay nagkukulang dito …at pinagtatangkaang lipulin ang iyong buhay at kalayaan at pag-aari, ay dapat mo namang ibuwal at lipulin siya.
Ikasampu. Palalaluin ng kaunti sa loob mo ang iyong kababayan sa iyong kapwa tao; aariin mong palagi siya na parang isang katoto, kapatid kaya o kasama man lamang, palibhasa’y iisa ang inyong kapalaran, iisa din ang inyong tuwa at kapighatian….

Ang EDSA ay larawan ng magandang katauhan natin bilang mga Pilipino–damayan, malasakit, mapagmahal sa kapayapaan. Mula sa Bayan Ko!
Kung pakikinggan lang natin ang ating mga bayani, baka maging mas maunlad ang ating Inang Bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 13 July 2013)
THANK YOU FOR THIS…. ???
Welcome???
Saludo po ako sa inyong pagsa-Filipino at pagsalin sa popular na porma ng mga arak sa kasaysayan. Mabuhay kayo.
Naku, salamat po subalit ito po ay saling opisyal ng pamahalaan noong panahon mismo ni Mabini. Bagama’t salamat sapagkat ang kasaysayan ay dapat talaga na nasa wikang Filipino.