XIAO TIME, 8 May 2013: ELECTION RELATED VIOLENCE: MOISES PADILLA
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang imahe ni Ramon Magsaysay kalong-kalong ang bangkay ni Moises Padilla: “Ang bangkay sa aking mga bisig ay hindi katawan ni Moises Padilla kundi ang malamig na bangkay ng ating Inang Bayan.” Mula sa Video 48.
8 May 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=jAqTvRYwOC8
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa May 13, muli tayong maghahalal ng mga opisyales ng ating pamahalaan. Dahil sa konsepto natin ng demokrasya sa Pilipinas, ang Haring Bayan ni Andres Bonifacio, ang hari ay ang bayan, siya ang nagpapasya. Ngunit may mga pulitiko sa atin na akala mo kung sino kung umasta, naghahari-harian. Magbalik tanaw tayo sa halalan ng 1951, 62 years ago. Ang pangulo ng Pilipinas noon ay si Elpidio Quirino. Isa sa kanyang mga pangunahing kapartido ay si Gobernador Rafael Lacson ng Negros Occidental, kinatatakutang warlord na may sariling private army.

Gobernador Rafael Lacson ng Negros Occidental. Mula sa parusang kamatayan, binabaan ng Korte Suprema ang hatol sa kanya patungong reclusion perpetua. Ang iba pa ay binitay. Mula sa Time and Life Pictures.
Walang gustong kumalaban sa kanya. Ngunit sa isang maliit na bayan ng Magallon nangahas na lumaban sa isang bata ni Lacson ang isang dating gerilya na si Moises Padilla. Natalo siya sa halalan na iyon, ngunit sa kanyang pagtindig laban sa administrasyon ni Lacson alam niyang markado na siya. Sinabi niya sa kanyang ina anuman ang mangyari sa kanya, “Tell Magsaysay”—sabihan raw si Ramon Magsaysay, ang kalihim ng Tanggulang Pambansa na kapartido ni Quirino at ni Lacson. Ngunit ganun ang tiwala niya sa katapatan ni Magsaysay.
Isang araw matapos ang halalan, November 13, 1951, nawalang sukat si Padilla. Matapos ang tatlong araw, natagpuan ang minaltrato at nabubulok niyang katawan. Nagpadala ng telegrama ang nanay kay Magsaysay. Kinagabihan, walang pag-aatubiling sumakay ng eroplano ang kalihim kasama sina Chino Roces at Ninoy Aquino ng Manila Times patungong Negros kasama ang hukbong sandatahan ng Pilipinas.

Ang pagpapahirap kay Moises Padilla, na ginaganapan ni Leopoldo Salcedo sa The Moises Padilla Story, isang pelikula na ipinalabas noong 1961. Ang pumatay kay Padilla ay ginanapan ni Joseph Estrada. Para sa karagdagang impormasyon tingnan ang bahay-dagitab ng Video 48.

Isang composite na larawan nina Chino Roces at Ninoy Aquino noong kanilang panahon sa Manila Times. Mula sa aklat na Chino ni Vergel Santos.
Nakarating sila sa Magallon, tahimik, walang nangahas magturo sa kanilang kung nasaan ang bahay ni Moises Padilla. Hanggang makakita sila ng bahay na maliwanag at doon nga nakahimlay sa isang mesa ang malamig at duguang katawan ni Moises Padilla. Nang lapitan niya ang ina ni Padilla, nagpakilala siya, “I am Ramon Magsaysay.”
Umatungal ang babae, lumuhod kay Magsaysay at naglupasay, “My son is dead! My son is dead!” Himingi ng permiso si Magsaysay sa ina na sa kanyang pagbalik sa Maynila, dadalhin niya ang bangkay ni Padilla sa Maynila upang ma-autopsy. Pagbaba sa paliparan, kalong-kalong ni Magsaysay ang duguang katawan ni Padilla. Madalas niyang sabihin, “Ang bangkay sa aking mga bisig ay hindi katawan ni Moises Padilla kundi ang malamig na bangkay ng ating Inang Bayan.” Hiniling niya kay Pangulong Quirino na suspindihin ang kapartido nilang si Lacson. Sa kabila ng pagtutol ng mga kapartido, sinuspindi ni Quirino ang gobernador. Pinadis-armahan din ni Magsaysay ang tatlong libong mga bata ni Lacson. At kahit “amiable” naman ang gobernador at hindi naman siya ang may gawa mismo ng krimen, agad siyang kinasuhan, napatunayang maysala at nahatulan ng kamatayan kasama ang 22 iba pa kabilang na ang 3 alkalde at 3 hepe ng pulisya.
Doon sa isang kahalintulad na krimen na naganap mahigit tatlong taon na ang nakalilipas sa Maguindanao, kung saan 58 katao ang napatay, ganito rin kaya ang maging resolusyon at makamit kaya ng mga pamilya ang hustisya?

Election Related Violence: Ampatuan Massacre, 2009. Makakamit din kaya ang hustisya tulad ng ginawa ni Magsaysay para kay Moises Padilla?
Hindi natin pwedeng hintayin na mabuhay muli si Magsaysay. Maging tayo si Magsaysay at ipatupad natin ang pagbabago ng bayan sa ating pagboto. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 4 May 2013, mga datos mula sa mga sinulat ni Ramon Martinez at pakikipagkwentuhan sa apo ng Pangulong Ramon Magsaysay na si Sir Paco Magsaysay)
Kudos! Lahat tayo na nagmamahal sa Pilipinas ay dapat alalahanin and dugo’t pawis na ibinigay ng mga taong minahal ang Pilipinas nang higit pa sa kanilang buhay.
Sina Ramon Magsaysay, Moises Padilla, Jesse Robredo ay wala na. Panahon na para ihalal natin ang mga taong may pagmamalasakit at hindi gahaman.
Sa ngayon, isa sa mga nakikita kong ibinibigay ang lahat para isulong ang kapakanan ng ating bayan ay si Sec. Mar. Roxas. Araw-gabi inaatupag ang pagpapabangon ng Pilipinas. Kinakalaban ang mga taong naghaharian dito sa Negros. Naging matiwasay ang eleksiyon dito dahil napigil ang puwersa ng ilang “private armies” ng ilang pulitiko dito sa Negros.
Sa ngayon pa lang, kung saka-sakaling kakandidato si Mar, gusto kong maging isang volunteer, para kahit sa maliit na pamamaraan, I can make a difference, knowing that I’ve stood for what is right.
Salamat and the Philippines needs more people like you who wish to care.