XIAOTIME, 18 January 2013: KALAYAAN, Ang Dyaryo ng Katipunan
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 18 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
18 January 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=r8M3nHro2lo
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 29 years ago bukas, January 19, 1984, isinilang si Tarlac City si Michael Charleston B. Chua, huh??? Who’s that Pokémon??? Ako pala yun??? So happy birthday to me?
Sa mga taong hanggang ngayon wala pang New Year’s resolution na babaguhin sa taong 2013, may suggestion ako. Ano pa kayang pinakamagandang batis ng aral para sa pagbabago kundi ang ipinamana sa atin ng ating mga bayani? 116 years ago ngayong araw, January 18, 1896, sinimulang ilathala ng rebolusyunaryong kilusan ni Andres Bonifacio, ang Katipunan, ang pahayagang Kalayaan. 2,000 kopya ang inilabas at nagtagal ang pag-imprenta hanggang Marso! Imagine! Ito ang una at huling labas nito sa pamamatnugot ni 20 years old pa lamang noon na si Emilio Jacinto. Si Pio Valenzuela na isa sa tatlong pangunahing pinuno ng Katipunan ang nagmungkahi na upang linlangin ang mga Espanyol: Kunwari si Marcelo H. del Pilar ang editor at kunwari sa Yokohama, Japan ito inimprenta. Ngunit sa totoo lang, nilathala lamang ito sa imprenta sa Maynila nina Candido Iban and Francisco del Castillo, na kanilang binili sa panalo nila sa loterya sa Australia. Nakalagay sa dyaryong Kalayaan ang ilang mga artikulo na isinulat mismo nina Valenzuela na nagtago sa pangalang Madlang-Away at Jacinto na nagtago sa pangalang Dimas-Ilaw. Maging ang mga sulatin at tula ni Andres Bonifacio sa pangalang Agap-ito Bagumbayan. Mula 300 kasapi, sinasabing lumaki ang kasapian ng Katipunan hanggang 30,000 na kasapi dahil sa lamang sa nag-iisang labas ng dyaryong ito.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan. Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.
Ang editor nito na si Emilio Jacinto ang siya ring sumulat ng 13 batas ng Katipunan, ang Kartilya. Mamili na kayo nang pwedeng i-New Year’s resolution:
(I) Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi man damong makamandag.
(IV) Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.
(VI) Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.
(VII) Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.
(IX) Ang taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
(XI) Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan.
(XII) Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.
Ayon kay Jacinto, kapag daw tinupad ang mga aral na ito, sisikat raw ang araw ng kalayaan sa atin na nangagkakaisang magkakalahi at magkakapatid at sasabugan tayo ng matamis na ligayang walang katapusan. Ang mga ginugol raw nilang buhay, pagod at tiniis na hirap ay labis nang matutumbasan. Ang Kartilya pala ang best new year’s resolution natin. Hindi lang tayo nagbabago, tinutumbasan pa natin ang sakripisyo ng ating mga bayani. Sa kabila ng ating mga kahinaan, huwag tayong magpapigil na paggawa ng mabuti para sa bayan at sa ating kapwa, para sa Katipunan ito ang tunay na pagmamahal sa Diyos. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Fairlane Subd., Tarlac City; at McDo Philcoa, 28 December 2012)
Hi Kuya Xiao! Mayroon po ba kayong pinost tungkol sa Mock Battle of Manila? Thanks :))
http://www.youtube.com/watch?v=CkLd9HWD228 ito kuya