XIAO TIME, 4 April 2013: PAPEL NI PIO VALENZUELA SA KATIPUNAN
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
4 April 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=ZrGe8PZX2TU
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 57 years ago sa Sabado, April 6, 1956, sumakabilang-buhay si Pio Valenzuela. Huh??? Who’s that Pokemón??? Kamakailan lamang, isang maikling malayang pelikula ang isinulat ng curator ng Museo Valenzuela na si Jonathan Balsamo at dinirehe ni John Matthew Baguinon, Pio Valenzuela: Bayani ng Bayan, Inspirasyon ng Kabataan.

Prop. Jonathan Capulas Balsamo, Curator ng Museo Valenzuela, habang pinaparangalan ng Supreme Commander ng International Order of the Knight of Rizal Sir Reghis Romero, KGCR noong Pebrero 2013 sa Lungsod ng Baguio para sa kanyang paglilingkod sa kapatiran sa unang taon pa lamang niya bilang kasapi.

Museo Valenzuela, halina’t bisitahin lalo’t ika-150 kaarawan ng kaibigan niyang si Andres Bonifacio, malapit lamang sa Simbahan ng Valenzuela.
Nagsisimula ang pelikula sa nakakatuwang eksena ng mga batang estudyanteng taga-Valenzuela na tinanong kung kilala ba nila si Pio Valenzuela at kung ano nagawa niya. Natapos ang eksena na nagbabalyahan ang mga bata dahil walang maisagot.
Hindi kilala ng mga kabataan, sa mga aklat din maraming kontrobersya ang mababasa ukol kay Pio. Liwanagin natin. Isinilang si Pio sa Polo, Bulacan, ngayo’y Lungsod ng Valenzuela, noong July 11, 1869. Estudyante siya ng medisina sa UST at 23 years old lamang nang noong Hulyo 1892, sumapi siya sa kakatatag pa lamang na Katipunan ni Andres Bonifacio.
Hindi pa siya doktor noon, ginawa na siyang manggagamot ng Katipunan. Naging bahagi ng camara secreta o ang tatlong pinakamataas na pinuno ng Katipunan hindi naglaon, si Bonifacio, Emilio Jacinto at si Pio. Siya ang nagmungkahi na magkaroon ng dyaryo ang Katipunan, ang Kalayaan na nakasulat sa Wikang Tagalog. Mula 300 kasapi, lomobo ang kasapian sa 30,000 kasapi dahil sa dyaryo.

Monumento ng Camara Negra o Camara Secreta: Jacinto, Bonifacio at Valenzuela, gawa ni Napoleon V. Abueva. Kuha ni Cari Noza.

Si Valenzuela bilang tagapaglathala ng Kaayaan kasama ang editor nito na si Emilio Jacinto. Nakasabit sa Museo Valenzuela.
Dahil edukado at doktor, siya ang pinagkatiwalaan ng Katipunan na kumausap sa kapwa niya doktor na si José Rizal na nakatapon noon sa Dapitan. Tumanggi si Rizal sa alok na maging pangulong pandangal ng lihim na samahan ngunit nagpayo na mag-armas muna at hingin ang tulong ng mga mayayaman bago mag-alsa.
Pagputok ng himagsikan noong August 1896, sumuko si Pio Valenzuela sa mga Espanyol kaya naman pinagdudahan ang kanyang pagkabayani. Ayon naman sa kanya, naramdaman niyang sinusundan na siya ng mga guardia civil at alam niyang kung hindi siya susuko at makipagkita pa rin sa mga kasama, maaaring mahuli rin ang mga ito.

Si Dr. Pio Valenzuela (may hawak na sumbrero) na inilalarawan na kasama sa Unang Sigaw ng Himagsikan sa Caloocan (Balintawak), Agosto 1896. Mula sa Tragedy of the Revolution.

Si Valenzuela habang sinusundan ng mga guardia civil sa pagputok ng himagsikan. Isang diorama na nasa Museo Valenzuela.
Habang nakapreso, ginawa siyang saksi laban kay Dr. Rizal at kanyang isinalaysay sa mga Espanyol na tutol na tutol ang national hero sa rebolusyon. Nalito ang mga historyador, ano ba talaga koya? Was Rizal for or against the revolution??? Ayon kay Floro Quibuyen, makikita na nais talagang iligtas ni Valenzuela si Rizal sa parusang kamatayan dahil sinabi niyang hindi nagpayo kundi kinondena ni Rizal ang himagsikan. Tatlong taong ipinatapon sa Espanya si Pio, at sa kanyang pagbalik, ikinulong ulit ng mga bagong mananakop na mga Amerikano dahil alam nilang maghihimagsik ang taong ito sa kanila. Nang ihalal na capitan municipal ng bayang sinilangan ng kanyang mga kababayan, napilitan na pakawalan si Pio upang manungkulan.
Dalawang beses din siyang naging Gobernador ng Bulacan. Kilalang matapat, imbes na yumaman sa pwesto, nagbenta pa ng kanyang mga lupa at tumangging magpasuhol sa mga maghu-jueteng. Naging matatag laban sa katiwalian. Namatay siya noong 1956 sa gulang na 87.

Ang paglibing ng bayan sa isang bayani. Mga dyaryo at larawan mula sa Koleksyon ng Museo Valenzuela.
Inilibing siyang bayani ng mga taga-Polo. Ngayong halalan, sana maghalal tayo ng mga taong katulad ni Pio Valenzuela na may pusong bayani at para sa bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 23 March 2013)