XIAO CHUA: National Children’s Book Day 2013 Keynote Address on Bonifacio and Reading

by xiaochua

Nagsikap si Bonifacio na matuto sa sarili at naging palabasa.  Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Nagsikap si Bonifacio na matuto sa sarili at naging palabasa. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

 KUNG BAKIT PAGBASA ANG PAG-ASA NI MAY PAG-ASA:  

Ukol kay Andres Bonifacio at Pagbasa

Michael Charleston “Xiao” B. Chua

Historyador at guro ng kasaysayan, Pamantasang De La Salle Maynila

Keynote address para sa 30th National Children’s Book Day, 16 Hulyo 2013, Bulwagang Silangan, Cultural Center of the Philippines, CCP Complex, Lungsod ng Pasay.

Magandang umaga po sa ating lahat, at tulad ng lagi kong sinasambit sa aking pang-araw-araw na segment sa Telebisyon ng Bayan, “Makasaysayang araw po, iiiit’s Xiao Time!”

Ikinararangal ko po ang paanyaya ng Philippine Board on Books for Young People na maging susing tagapagsalita ng pambansang pagtitipon para sa National Children’s Book Day sa taong ito.  Ngunit ang karangalan ay may kaakibat na pangamba.  Pangamba sa sasabihin ng iba kung bakit ba ako ang naanyayahan.  Hindi naman ako manunulat ng aklat pambata.  Hindi naman ako sikat na personalidad.  Ang alam ko naaanyayahan sa karangalan na ito ay ang mga katulad nina Dr. Ambeth Ocampo na inilalathala ng Anvil, ang siyang dahilan kung bakit ako naging historyador.

Ang poster para sa ika-30 na National Children's Book Day na may temang "Basa, Mga Kapatid!"

Ang poster para sa ika-30 na National Children’s Book Day na may temang “Basa, Mga Kapatid!”

Ngunit ako man ay hindi masasabing propesyunal na manunulat as in manunulat, hindi pa nga matayog at ekspertong historyador, bilang guro at tagapagsalita, itinuturing ko ang sarili ko bilang isang abang kwentista, kwentista ng mga kasaysayan, salaysay na may saysay, para sa ating mga kababayan.  Matindi ang paniniwala ko na ang mga kasaysayan na ito ay hindi lamang inspirasyon upang patatagin ang ating karakter bilang tao, pinapaalala nito na iba-iba man ang ating kultura at karanasan, may iisa tayong pinagmulan at maaari tayong magbuklod muli bilang isang bansa at patatagin ang ating pagkakakilanlan, karakter bilang isang bansa.

Kaya sisimulan ko po ang aking talumpati sa isang kwento.

Minsan, habang binibisita ko ang aking dating paaralan, ang Tarlac First Baptist Church School, may isang batang Grade 4 akong naaninag, nakaputing polo at naka-gray na pantalon.  Nasa isa siyang sulok, nagbabasa.  Ito raw ang hilig niyang gawin ayon sa kanyang mga guro.  Maagang pumapasok, at bago dumating ang mga kaibigan at kalaro sa paaralan, mananahimik sa isang sulok at nagbubuklat ng aklat.  Kamang-mangha kako.  Kaya dahil orihinal na mga tsismoso raw kaming mga historyador, inusisa ko ang kanyang background.

Ang batang probinsyano pala ay nagmula sa isang simpleng pamilya.  Naging ordinaryong drayber at salesman ang kanyang ama habang ang kanyang ina naman ay isang butihing maybahay na tinutukan ang pag-aalaga sa kanilang magkakapatid.  Ngunit ang kanyang lola ay isang guro.  Naging paboritong apo siya ng lola na ito marahil sapagkat siya ang panganay, dinadala niya ang bata sa kanyang malayong paaralan sa kabukiran.  Kinukwentuhan niya ukol sa panahon ni Ramon Magsaysay o panahon ng Batas Militar.  Noong prep siya, may mga lumang pambatang ensiklopediya ng Disney sa kanyang paaralan at doon niya natutunan niya ang iba’t ibang itsura ng mga lungsod sa daigdig.

Nang matuto nang magbasa ng tama, sa pagbisita sa kanyang mga pinsan, ang mga libro nila ay kanyang bubuklatin.  Minsan napansin niyang naiinis sa kanya ang asawa ng kanyang tito dahil hindi nito isinasauli ng maayos ang mga libro, hindi niya kasi ihinaharap ang tagilirian ng aklat na may pamagat, mas madali nga namang isauli ito ng nakabaligtad.  Pero ang nakapukaw ng kanyang pansin ay isang aklat na berde ukol sa isang taong mahilig sa walis pero tamad maglinis, si “Tembong Mandarambong.”  Lumipad ang kanyang imahinasyon sa mga aklat pambata, nakain niya ang mga bituwin, nakita ang Bathala na likhain ang mundo at maisip ang ideya para sa araw at gabi, at naging kabarangay sa Santa Butsikik, ang baboy na ubod ng linis.  Isa pang aklat pambata doon sa bahay ng kanyang mga pinsan ay ang buhay ni Jose Rizal, at kung papaanong ang kanyang pagsulat ng aklat laban sa mga mapang-aping dayuhan ay nakapagpatibay sa kalooban ng isang bansa na lumaban.  Kaya sa tuwing bibisita sa kanyang paaralan ang mga nagbebenta ng Aklat Adarna, kanyang tsinetsek ang mga order ukol sa mga aklat pambatang ukol sa history at mga bayani.

At nabasa niya ang buhay ni Andres Bonifacio.  Sa mga sabi-sabi na kanyang naririnig, si Andres Bonifacio raw ay isang mahirap pa sa daga, isang walang pinag-aralan, bobo at busabos na bodegero na mapusok, mainitin ang ulo at walang ibang alam na gawin kundi maging bayolente.  Kaya sinasabi ng iba, mas gusto kong Pambansang Bayani si Rizal sapagkat siya ay para sa reporma sa mapayapang paraan, habang si Bonifacio naman ay marahas.

Pabalat ng Dalawang Bayani ng Bansa ng Adarna.  Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Pabalat ng Dalawang Bayani ng Bansa ng Adarna. Koleksyon ng Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

150 taon matapos na maisilang ang Supremo ng Katipunan, ang Ama ng Himagsikan, Code name: “Maypag-asa,” balot na balot pa rin ng mga miskonsepsyon ang batang Pilipino ukol kay Bonifacio.  At tulad ng kanyang pangalan, kailangang hubaran ang mga ito, Undress Bonifacio.  Ang mga monumentong ito sa iba’t ibang bayan sa Pilipinas na nagpapakita ng sigaw ng sigaw na Bonifacio na ay hawak na tabak at bandila, nakabihis magsasaka, camisa de chino na nakabukas sa dibdib at kakikitaan ng six-pack na kamukha ng kay Gardo Versoza (ay ka-undress-undress nga!) ang nagsemento sa ating isipan ng ganitong mito.

Ngunit ayon nga kay Dr. Ambeth Ocampo, lingid sa kaalaman ng marami, ang pinagbatayan ng mga monumentong ito ay ang bantayog na itinayo noong 1911 at dating nasa Balintawak na ngayon ay Clover Leaf, ay may inskripsyon na nakalagay “Sa alaala ng mga bayani ng 1896.”  Walang anumang banggit na ito si Andres Bonifacio. Ang monumento ay nagpapakita ng isang kasapi ng Katipunan, hindi ng pinuno nito.  Ngunit kumalat na ang mito ng bobong Supremo.  Ngayon ang dating estatwa sa Balintawak, nang idemolish ito para ipatayo na ang mahabang daan pahilaga, ay nailigtas ng mga taga-UP at ngayon ay nasa Vinzon’s Hall, habang ang pagkakamali ng marami ay inulit ng Pambansang Alagad ng Sining Billy Abueva nang ulitin niya sa bakal ang monumento ngunit nakalagay na ang pangalan ni Bonifacio.

Ang orihinal na Bantayog sa Balintawak, "Sa alaala ng mga Bayani ng 1896."  Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Ang orihinal na Bantayog sa Balintawak, “Sa alaala ng mga Bayani ng 1896.” Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Ito ang nag-iisa at kupas pang larawan ng Supremo, hindi siya mukhang macho.  Payat, sabi pa ng iba, “tubercular.”  Mukha rin siyang masungit LOL.  Pero noon kasi sa tagal ng pagkuha ng larawan, tumatagal ng minuto, hindi pinapangiti ang mga nililitrato.  Baka mangawit.

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan.  Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Tanging larawan, at kupas pa, ni Andres Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan. Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.

Akala ng mga tao, indiong-indio at ignoranteng busabos si Andres Bonifacio.  Walang masama dito pero gagamitin ito laban sa kanya nang mapulitika na siya sa huling bahagi ng kanyang buhay ngunit paksa ito ng isa pang lektura LOL.  Sa katotohanan, nang isilang 150 years ago si Andy noong November 30, 1863, hindi siya super hirap.  Ang kanyang ama ay naging tinyente mayor at sastre at ang kanyang ina naman ay kalahating Espanyol!  At siya ay nagkaroon ng pribadong tutor at nag-aral sa paaralan ni Guillermo Osmeña.  Maaaring naabot niya ang katumbas ngayon ng ikalawang taon sa hayskul noong wala pang K+12.

Ngunit halos magkasabay na mamatay ang kanyang mga magulang noong 14 na taong gulang siya kaya naging instant tatay at nanay sa lima pa niyang kapatid—Ciriaco, Procopio, Espridiona, Troadio at Maxima.  Doon nagsimula ang kanyang “very hard” na buhay.  Alam niyo nang lahat ang raket niya na gumawa at magbenta ng mga baston at abaniko, pinapakinis ito sa tulong ng mga kapatid hanggang sa ang mga ito ay naging napakakinis!  Naging mabenta ang mga ito sa harapan ng simbahan kaya kahit na namasukan na bilang clerk-messenger sa Ingles na Fleming and Co., at hindi naglaon ay bodeguero naman sa Alemang Fressel and Co., ipinagpatuloy niya ang raket niyang ito hanggang bago maghimagsikan na siyang tumustos sa pangangailangan nilang magkakapatid.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan.  Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Si Andres habang nagbebenta ng baston at abaniko sa patio ng simbahan. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Ang magkakapatid na Bonifacio.  Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Ang magkakapatid na Bonifacio. Mula sa Adarna Publishing House, Inc.

Natuto siya sa sariling sikap na magbasa sa Espanyol at naging bihasa sa Wikang Tagalog.  May kwento ang isang nagngangalang Doña Elvira Prysler na naging bodegero raw niya si Ka Andres sa kanyang pagawaan ng mosaic tiles.  Naaalala niya, sa tuwing kumakain ito ng tanghalian, lagi itong may kaharap na bukas na libro!  “Very hard” si Koya, nagbabasa habang kumakain???  May mga tala rin na nang salakayin ng mga guardia civil ang Fressel, mayroong mga nasamsam na aklat sa kanyang tanggapan.  Maliban sa Bibliya at mga nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo at mga edisyong Espanyol ng mga aklat ukol sa naging mga buhay ng mga pangulo ng Estados Unidos ng America, Rebolusyong Pranses, mga nobela ni Alexandre Dumas, Les Misérables ni Victor Hugo, isang napakakapal na nobela na ngayon ay kinakanta na lang, at take note, ang napakahirap basahin na aklat na The Ruins of Palmyra:  Meditations on the Revolution of the Empire na nagpapakita na himagsikan ang sagot sa pang-aapi sa lipunan.  Pinasadahan din daw niya ang mga aklat ukol sa batas at medisina.

Kamangha-mangha, isang manggagawa na nakapagbasa sa panahon na ang mga aklat na tulad noon ay hindi madalas matanganan ng mga indio.

Dito natin nakuha ang mga pangkalahatang kaalaman natin na palabasa talaga si Andres Bonifacio.  Ngunit, dito rin napulot ng ibang historyador ang kanilang ideya na ginaya lamang ni Ka Andres ang mga ideya ng Himagsikang Pranses at ang kanluraning modelo.  Na wala siyang pinag-iba sa mga ideya ni Rizal.  Kung susundin ang lohikang ito, ang pinaka-bottomline nito ay utang na naman natin sa mga Kanluranin ang ating ideya na makalaya at kung hindi nakarating ang kanilang mga ideya dito ay malamang hindi tayo naging bansa.

Kaya sinasabi ng aking mentor at ama sa disiplina na si Dr. Zeus A. Salazar, isang tunay na maka-Bonifacio, na kailangang matingnan kung posible ba na nabasa si Ka Andres ang mga akdang ito?  Kailangang itsek kung kalian isinalin ang Les Miserables sa Espanyol at kung may record nga na dumating ang mga kopya nito sa Pilipinas.  Gusto niyang igiit na sa pakikipamuhay lamang sa bayan kumuha ng ideya si Bonifacio, ang kaalaman sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas na ngayon ay natutunan lamang ng mga may mataas na pinag-aralan, ang mga konsepto ng Inang Bayan, mga anting-anting, ng pakikipagsandugo na nagpapakita na hindi lamang citizenship ang pagiging bahagi ng bansa tulad ng inadhika ng kanluran, kundi ng pag-iibigan bilang magkakapatid o magkakabayan ng mga Anak ng Bayan.

Ngunit marahil, nang tanungin ko si Prop. Mary Jane Rodriguez-Tatel ukol dito, ayon sa kanya, hindi na masyadong mahalaga kung totoo o hindi ang kwentong ito na nagbasa si Bonifacio ng mga aklat na kanluranin.  Kung mito man ito, mahalaga na maintindihan bakit kailangan itong likhain?  At bakit ito kumalat?  Hindi ba’t kahit halos apat na daang taon tayong nasa ilalim ng kolonyalismo at marami pa rin sa ating mga kababayan ang mahirap, mahalaga sa ating mga Pilipino ang edukasyon?  Na mahalaga sa atin ang pagbasa?  Na dito nakasandig ang pag-asa ng napakaraming tao?  Kaya ikinatutuwa natin isalaysay ang mga kwento ng ating mga bayani bilang palabasa at pala-aral na tila katumbas na nito ang kabayanihan.

Ngunit alam naman natin talaga na hindi lamang sa mga kanluraning aklat kumuha ng inspirasyon si Andres Bonifacio.  Ayon kay Reynaldo Ileto, ilan sa mga ideya ni Ka Andres ay hinango sa Pasyong Mahal ng Ating Panginoong Hesukristo.  Na lingid sa kaalaman ng napakarami, aktor at direktor sa Teatro Porvenir si Ka Andres kasama nina Aurelio Tolentino at Macario Sakay (na hindi pa long hair noon), at ang kanyang paboritong karakter ay si Bernardo Carpio—isang prinsipe mula sa kwentong Espanyol na kanyang inangkin upang maging isang Tagalog, na nakagapos sa pagitan ng dalawang bundok at naghihintay ng kanyang paglaya upang palayain niya ang mga Tagalog sa pagkaapi.

Pabalat ng isang komiks ukol kay Bernardo Carpio.  Mula sa Merriam and Webster Book Store.

Pabalat ng isang komiks ukol kay Bernardo Carpio. Mula sa Merriam and Webster Book Store.

At ang pag-aangkin nito ay dadalhin niya hanggang sa kanyang pag-imagine o paghiraya sa papel niya sa kasaysayan.  Biyernes Santo ng 1895, pinangunahan niya ang mga Katipunero sa pagtungo sa mga kweba ng Bundok Tapusi sa Montalban.  Nagpulong sila sa kweba ng Pamitinan at Kweba ng Makarok.  Sa huling yungib kanilang sinulat sa uling, “Naparito ang mga Anak ng Bayan, Hinahanap ang Kalayaan.  Mabuhay ang Kalayaan!”  Ang tila kambal na bundok sa Montalban ang mitikal na lugar ng pinaggapusan kay Bernardo Carpio na tila sinasabi, kami si Bernardo Carpio, ang mga anak ng bayan ang magliligtas sa bayan, handa kaming magsakripisyo ng buhay tulad kay Kristo sa Pasyon.

Ang bundok kung saan pinaniniwalaang nagapos ang Haring Bernardo Carpio, Tapusi, Montalban (Rodriguez, Rizal), ay isang real ni Bonifacio (Mula sa Kasaysayan:  The Story of the Filipino People)

Ang bundok kung saan pinaniniwalaang nagapos ang Haring Bernardo Carpio, Tapusi, Montalban (Rodriguez, Rizal), ay isang real ni Bonifacio (Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People)

Dito makikitang hindi bobo kundi tunay na magaling si Andres Bonifacio.  Sapagkat kung mapusok siya, paano niyang napanatiling lihim ang kanyang samahan ng matagal?  Kung hindi siya magaling paano kumalat bilang pambansang samahan ang Katipunan?  Ibinalik niya ang mga elemento ng sinaunang bayan tulad ng sandugo sa ritwal ng Katipunan, magkakapatid tayo sa iisang Inang Bayan, anak tayo ng bayan.  Na walang tunay na kalayaan kung walang ginhawa, na natatamo lamang kung malinis ang kaooban, makatwiran, may dangal at puri.  Ayon kay Dr. Milagros Guerrero, bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, para sa kanya ang Tagalog ay lahat ng nangagkakaisang Anak ng Bayan na pawang mga taga-ilog.  Haringbayan?  Ang hari ay hindi mga pinuno, kundi ang bayan. 

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan.  Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan. Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Letterhead ni Andres Bonifacio, dokumento na nagtatalaga kay Emilio Jacinto bilang Pinunong Hukbo ng Hilaga ng Maynila (Mula sa Koleksyon ni Emmanuel Encarnacion).

Letterhead ni Andres Bonifacio, dokumento na nagtatalaga kay Emilio Jacinto bilang Pinunong Hukbo ng Hilaga ng Maynila (Mula sa Koleksyon ni Emmanuel Encarnacion).

Kaya naman ito ang dahilan kung bakit naging epektibo ang samahan, dahil kinausap nila ang bayan sa mga dalumat o konsepto na naiintindihan nila.  Kaya naman, nang pumutok ang himagsikan, nahalal siya ng Kataas-taasang Sanggunian ng KKK na unang pangulo ng unang pambansang revolutionary government, mas nauna pa sa pagkapangulo ni Hen. Emilio Aguinaldo.

Sa wanted poster sa isang Kastilang pahayagan noong Pebrero 1897, kinilala mismo ng mga kalaban ang unang panguluhan ni Andres Bonifacio sa Pamahalaang Rebolusyunaryo.  Mula sa Studio 5 Publishing, Inc.

Sa wanted poster sa isang Kastilang pahayagan noong Pebrero 1897, kinilala mismo ng mga kalaban ang unang panguluhan ni Andres Bonifacio sa Pamahalaang Rebolusyunaryo. Mula sa Studio 5 Publishing, Inc.

Actually, guilty tayo, tayo na narito sa silid na ito, na karamihan pa rin sa mga binabasa natin ay mga aklat na Ingles at aklat na isinulat ng mga dayuhan na kung minsan natitisod natin sa Book Sale, ngunit hindi naman natin hinahayaan ang pagbabasa at pagsusulat sa ating pambansang wika.  Parang si Bonifacio, nagbasa ng mga aklat mula sa kanluran ngunit siguro kung may Aklat Adarna na noon ukol sa mga kwentong bayan, alamat, epiko at mito ng iba’t ibang mga etnolinggwistikong grupo ng tao sa Pilipinas, malamang nagbasa rin ng gayon si Bonifacio.

Kaya sana, sa mga kabataan natin, kung mahilig tayo kay Batman, Superman o Spiderman, dapat kilala rin natin si Darna, Captain Barbel, at Bernardo Carpio.  Sa mga akademiko, kung binabasa natin at madalas banggitin si Foucault, Mead, Levi Strauss, o Chomsky, dapat naa-apreciate rin natin sina Zeus Salazar, Virgilio Enriquez, Virgilio Almario, Domeng Landicho, Vim Nadera at marami pang iba.

May pagka-weirdo nga marahil si Bonifacio, at ito ay dahil sa kanyang mga binasang aklat.  Sapagkat sa panahon na ni hindi maisip ng ordinaryong indio na maaari palang maipanganak ang kanyang mga anak na sila ang hari sa sariling lupain, bagama’t nakaugat sa sinaunang bayan ang mga konsepto ni Bonifacio, kumuha siya ng modelo sa kanluran na MAAARI PALANG MANGYARI na mapaalis ang dayuhan at magkaroon ng kalayaan tulad ng ginawa ng mga Amerikano noong 1774, at ng mga Pranses noong 1889.  Sa panahon na pinanananatili tayong mangmang ng mga dayuhan, pagbasa ang naging pag-asa ni Maypag-asa. Dahil dito lumawak ang kanyang kaisipan at pananaw na kaya nating makalaya at masabi nating KAYA KONG MAABOT ANG AKING MGA MITHIIN.

Tulad ng bata sa aking pambungad na kwento.  Noong Grade 5 siya, nagpabili siya sa kanyang nanay ng Rizal Without The Overcoat ni Ambeth Ocampo sa National Bookstore sa nasunog na Ever Gotesco Grand Central.  Naks, Laking National.  Nakita niya, ang cool pala ng kanyang favorite subject.  Kaya doon niya naisip na masaya palang maghanap ng kasaysayan.  Hindi man niya nakilala si Ambeth ng personal, binasa niya ang mga sanaysay niya na tila pinapakinggan niya ang istilo niya ng pagkukuwento, at dahil lang sa salita, parang naging guro na rin niya sa eskwelahan si Ambeth.  Libo-libo ang mambabasa na katulad ng batang ito, nararamdaman nila na personal nilang kakilala ang mga binabasa nilang awtor.  Na parang kakwentuhan lang nila sila.

Dahil iba ang mundong kanyang ginalawan, mas malawak kaysa ibang batang nasa paligid niya, itinuring siyang weirdo ng kanyang mga kaklase dahil may mga nalalaman siyang hindi nila maintindihan o hindi nila alam.  Dahil rin sa naging kaibigan niya ang mga aklat, may mga panahon na inaapi siya ng kanyang mga kalaro at kaklase, tinawag na baduy dahil mas inuuna pa ang pag-aaral ng kasaysayan maysa pagbili ng mga usong damit at sapatos.  Mayroon ding panahon na pinagtulungan siya at tinawag na “mama’s boy” sa isang diskusyon sa klase, hindi raw siya magiging matagumpay at hindi aalis sa saya ng kanyang nanay.  Ngunit kahit siya ay sugatan sa panlalait, naisip niya ang mga bayani sa kanyang mga aklat pambata at nalaman niyang kaya niyang malampasan ang lahat at maabot ang kanyang mga mithiin, tulad ni Bonifacio.

Ang batang ito ay sa alaala na lamang mahihiraya.  Sapagkat lumaki na siya at patuloy na inaabot ang kanyang mga pangarap.  Tulad ng mga awtor na kanyang binasa, ninais niyang maging kwentista.  Kaya nagturo siya sa klasrum, sumulat ng mga artikulo, naging lakbay-guro sa mga lakbay aral, lumabas sa telebisyon at host sa mga coverage ng Araw ng Kalayaan at iba pang pambansang okasyon na nagkukuwento tungkol sa kabayanihan ng ating lahi.

Si "Michael" noong Grade 4.

Si “Michael” noong Grade 4.

Kamangha-mangha ang naging epekto ng pagbabasa sa probinsyanong batang ito.  Kayo, ang mga manunulat, taga-drowing at tagapaglathala ng mga aklat ang nagdala sa kanya sa inyong harapan dito sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, bilang inyong tagapagsalita.

Masaya ako sa aking propesyon, wala po akong kasing saya sa pagkukuwento at pagsusulat ng kasaysayan.  Nagpapakumbaba po ako sa inyong harapan, salamat at naging bahagi kayo ng aking buhay at nakasama ko kayo sa aking paglalakbay tungo sa pagtupad ng aking mga pangarap hindi man ninyo ako kilala.  Naging kaagapay po kayo ng aking mga magulang ko sa pagpapalaki sa akin.  Produkto niyo po akong lahat.  Salamat po!

Si Xiao habang binibigkas ang kanyang susing talumpati para sa National Children's Book Day 2013 sa Bulawagang Silangan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 16 Hulyo 2013.  Kuha ni Michael Jude C. Tumamac, PBBY Larry Alcala Prize 2013 awardee.

Si Xiao habang binibigkas ang kanyang susing talumpati para sa National Children’s Book Day 2013 sa Bulawagang Silangan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 16 Hulyo 2013. Kuha ni Michael Jude C. Tumamac, PBBY Larry Alcala Prize 2013 awardee.

Minsan akong nagpa-autograph ng kopya ko ng “Dalawang Bayani ng Bansa” kay Sir Rene Villanueva, tagapaglikha ng Batibot at haligi ng literaturang pambata sa Pilipinas.  Kilala na niya ako dahil lagi akong nagpapapirma sa kanya ng mga aklat pambata na humubog ng aking pagkatao.  Kaya sinabi niya sa akin, “Kayo namang mga historyador, magsulat naman kayo para sa mga bata!”  Dalawang linggo matapos ito, sumakabilang-buhay na si Sir Rene.

Ang kopya ng "Dalawang Bayani ng Bansa" na nilagdaan ni Rene Villanueva para kay Xiao Chua.  Mula sa koleksyon ng sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Ang kopya ng “Dalawang Bayani ng Bansa” na nilagdaan ni Rene Villanueva para kay Xiao Chua. Mula sa koleksyon ng sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

Balang araw, sana matupad ko rin ang kanyang huling habilin.  Magsusulat ako o magiging konsultant ng mga aklat pambata sa kasaysayan.  Para naman makasama ninyo ako.  Nais ko po kayong samahan na lumikha ng mga bagong Bonifacio na may pag-asa sa ating bayan, at kikilos para guminhawa ang bayan.  Mga kapatid, ang pagbasa ang nagbibigay pag-asa sa tao.  Mahalaga po ang ginagawa ninyong lahat dito.   Sa ginagawa niyo, ipinagpapatuloy ninyo ang hindi natuloy na hiraya at pag-asa sa atin ng Ama ng Sambayanang Pilipino.

Kaya sama-sama po nating isigaw, “Basa mga kapatid!”

Para kay Mari Clare, 15 July 2013

Bantayog ni Andres Bnifacio sa Liwasang Bonifacio.  Obra maestra ng Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal Guillermo Tolentino.  Kuha ni Xiao Chua.

Bantayog ni Andres Bonifacio sa Liwasang Bonifacio. Obra maestra ng Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal Guillermo Tolentino. Kuha ni Xiao Chua.