XIAO TIME, 16 May 2013: ANG PAPEL NG PHILIPPINE HISTORICAL ASSOCIATION SA PAGLILIPAT NG ARAW NG KASARINLAN PATUNGONG HUNYO 12
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

WINNER! Itinaas ni Pangulong Diosdado Macapagal ang kamay ng pangulo ng unang republika na si Emilio Aguinaldo na noon ay mahigit 90 taong gulang na! Mula sa Aguinaldo Shrine: Home of Independence.
16 May 2013, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=cMAfMj8DjGY
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Noong July 4, 1946, kinilala ng pamahalaan ng Estados Unidos ng Amerika ang kasarilan ng mga Pilipino at isinuko ang lahat ng kontrol sa mga kapuluan. Mula noon hanggang 1961, ang Kasarinlan ng Republika ng Pilipinas ay ipinagdiriwang sa araw na July 4, na Independence Day rin ng mga Amerikano.

Ang pagbaba ng bandila ng Amerika at ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa flagpole sa harapan ng Monumento ni Rizal (natatakpan ng entablado) noong July 4, 1946. Mula sa gov.ph.

Ang pabalat ng sipi ng souvenir program para sa paggawad ng Kasarinlan ng Pilipinas mula sa Amerika, July 4, 1946

Ang paglagda ng mga Founding Fathers ng Amerika sa Proklamasyon ng Kasarinlan ng Estados Unidos, obra maestra ni Jonathan Trumbull, nakasabit sa silid na nagtataglay ng mahalagang dokumento na ito sa Kongreso ng Estados Unidos).
Napansin ng marami na kapag July 4 ang pagdiriwang ng Independence Day, ang mga dapat na importanteng bisita natin ay naroon sa pagdiriwang ng mga Amerikano, kumbaga, nang-a-outsihine ang peg. Nagpapakita rin ang Independence Day na July 4 na nakatali pa rin tayo sa interes ng mga Amerikano. Napansin rin na sa deklarasyon na ginawa ni Pangulong Truman, ginamit lamang ang salitang “recognize the independence” at hindi naman “grants independence.”
Tulad ng sinabi ni Heneral Emilio Aguinaldo, “Ibinalik o isinauli lamang ng mga Amerikano ang Kalayaang inagaw sa atin noong taong 1899.” Tomoh! Oo nga naman. Nang pagwawagian na ng mga Anak ng Bayan ang himagsikang Pilipino laban sa mga Espanyol, ipinroklama ni Heneral Emilio Aguinaldo ang independencia ng Pilipinas noong June 12, 1898.
Nakita ng ilang mga historyador ang kahalagahan ng June 12 bilang Araw ng Kasarinlan na TAYO ang nagproklama at hindi lamang ibinigay ng ibang tao sa atin. Isang retiradong propesor ng Kasaysayan ng UP at dating mambabatas mula sa Romblon na si Propesor Gabriel F. Fabella ang nanguna sa kampanya na ilipat ang Independence Day mula July 4 patungong June 12. Isa siya sa mga tagapagtatag ng aming organisasyon, ang Philippine Historical Asscociation o PHA. Ang Board of Governors ng kapisanang ito, sa pangunguna ng pangulo nito na si Esteban de Ocampo, ang naglabas noong March 24, 1960 ng isang malakas na resolusyon na humihiling sa Pangulo ng Pilipinas, ang honorary president ng PHA na iproklama ang June 12 ng bawat taon bilang “Independence Day.”
Nagbigay ng buong suporta ang matandang Aguinaldo. Actually, matagal na ring gusto ito ni Macapagal bagong pulitiko pa lamang siya, ngunit nakakita siya ng oportunidad nang hindi aprubahan ng Kongreso ng Amerika ang karagdagang 73 Million Dollars na war payment para sa mga Pilipino noong May 9, 1962. Bakit ang mga nakalaban natin na Hapones todo-todo ang pagtulong nila, tayong kakampi wala. Tsk. Galit ang mga Pilipino. Kinansela ni Macapagal ang kanyang nakatakdang state visit sa Amerika at matapos lamang ang tatlong araw, 51 years ago, May 12, 1962, inilabas ng Pangulo ang Proclamation no. 28 na nagtatakda na gawing public holiday ang June 12 bilang Independence Day.

Unang pagdiriwang ng June 12 Independence Day sa Kawit, Cavite noong 1962: Ang matandang Aguinaldo kasama si Pangulong Diosdado Macapagal. Mula sa gov.ph.
Sa unang pagdiriwang na iyon, itinaas pa ni Macapagal ang kamay ang Pangulo ng Unang Republika na si Aguinaldo. Sinundan ito ng batas na isinulong ni Congressman Ramon Mitra, Sr. ng Mountain Province na tuluyan nang naglilipat ng Independence Day na pinirmahan ni Macapagal noong August 4, 1964. Simbolikal nating sinabi sa mga Amerikano sa paglilipat ng Independence Day na hindi na tayo aasa sa Amerika. Kailan kaya ito magiging lubos na katotohanan? Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 11 May 2013)