XIAO TIME, 1 May 2013: PAANO AT SAAN NAGSIMULA ANG “LABOR DAY”
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
1 May 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=YJGbe5zrcoU
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Ang Mayo Uno ay International Labor Day? Huh??? What’s that Pokemón??? Araw ba yan ng mga malapit nang manganak. Hindi po. Araw po ito ng paggawa—o pagkilala sa kontribusyon ng mga manggagawa sa pagpapatakbo ng ating lipunan. Paano ito nagsimula?
Noong mga 1800s, ang mga manggagawa sa Estados Unidos at Europa ay nagtatrabaho ng higit sampung oras at kung minsan ay umaabot pa ng labing-anim na oras! Imagine! Kaya naisip ni Robert Owen ng New Lanark, Britanya noong 1817, ang adhikain na dapat ay magkaroon ng mas maikling pagtatrabaho o ang eight-hour day, “Eight hours labour, Eight hours recreation, Eight hours rest.” Pinaniniwalaan na magiging mas produktibo, balanse at maganda ang buhay ng tao kung ipapatupad ito. Matagal ang naging pakikibaka ng mga manggagawa para matamo ang tinatamasa ng marami sa atin ngayon na eight-hour day.

Ang 8-hour day memorial sa Melbourne, Australia. Mula sa http://www.ww2incolor.com.
Sa kabila ng pagkakaroon na ng mga Australyano at New Zealander ng walong oras na araw noong Dekada 1840s at 1850s pa lamang, matatamo lamang ito ng karamihan sa daigdig sa kalagitnaan ng 20th Century, humigit kumulang 130 years pa ang lilipas. Ang itinuturing na unang Mayo Uno na araw ng paggawa ay isinagawa ng magmartsa sa Michigan Avenue, Chicago noong May 1, 1886, 127 years ago, ang 80,000 na tao sa pangunguna ng pamilya ni Albert Parsons, pinuno ng Chicago Knights of Labor.
Matapos nito, sa buong Estados Unidos, sinamahan sila ng 350,000 mga manggagawang nagwelga sa 1,200 pabrika. Dahil dito umikli ang oras ng paggawa ng marami sa mga manggagawa, ang iba binawasan ang sweldo, ang iba hindi. Matapos ang tatlong araw, pinaputukan ng mga pulis ang mga nagwewelga sa planta ng McCormick sa Chicago. Apat ang patay, maraming sugatan. Kinabukasan, May 3, 1886, bilang protesta sa ginawang ito ng pulis, muling nagmartsa ang mga tao sa Haymarket Square. Isang bomba ang sumabog at sinisi ng mga awtoridad ang mga Knights of Labor.

Mula sa Wikipedia: “Exhibit 129a from the Haymarket trial: Chemists testified that the bombs found in Lingg’s apartment, including this one, resembled the chemical signature of shrapnel from the Haymarket bomb.”

Ang Haymarket Incident sa Chicago. Mula sa Wikipedia: “This 1886 engraving was the most widely reproduced image of the Haymarket Affair. It inaccurately shows Fielden speaking, the bomb exploding, and the rioting beginning simultaneously.”
Humina ang organisasyon nila ngunit lumakas naman ang pandaigdigang paggunita sa Mayo Uno bilang Araw ng Paggawa. Bagama’t sa Estados Unidos, ginawang unang Lunes ng Setyembre ang Araw ng Paggawa upang mailayo sa pagdiriwang ng mga sosyalista at komunista, sa Pilipinas, sinunod ang pandaigdigang petsa ng Mayo Uno.

Ang mga haligi ng pandaigdigang Komunismo: Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin, Josef Stalin, Mao Zedong.
Nang maaresto nang dahil sa pangunguna ng welga laban sa MERALCO ang Ama ng Philippine Organized Union na si Don Isabelo de los Reyes na pinuno ng Union Obrera Democratica, pinalitan siya ni Dominador Gomez, ang lolo ni Richard Gomez, at inorganisa niya ang unang Mayo Uno sa Pilipinas noong 1903 nang mahigit isanlibong katao ang nagmartsa patungong Palasyo ng Malacañang. Naaresto rin si Gomez ngunit nagpapatuloy pa rin ang pakikibaka matapos ang higit isang siglo.
Nakalulungkot ito, ibig sabihin kakaunti pa lamang ang nagbabago sa kondisyon ng mga manggagawa. Laganap din ngayon ang union-busting. Sa mga manggagawa, patuloy sana tayong makibaka para sa ating karapatan ng mahinahon at maayos. At sa ilang mga kapitalista, bawas-bawasan ang kasakiman, hindi ninyo madadala ang inyong salapi sa kabilang buhay. Maging parehas po tayo. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 27 April 2013)

Si Ka Crispin Beltran sa Liwasang Bonifacio na nangunguna sa protesta para sa Araw ng Paggawa, 2003. Mula sa Filway’s Philippine Almanac 2012.

Ang walang hanggang paghingi ng pagtaas sa sahod ng mangagawa noong Araw ng Paggawa 2003. Mula sa Filway’s Philippine Almanac 2012.

“Mga mangagawa ng daigdig, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang inyong mga tanikala!” – Karl Marx