XIAO TIME, 1 April 2013: PINAKAMALAKING EXHIBIT UKOL SA KASAYSAYAN NG PILIPINAS SA EUROPA
by xiaochua
Broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
1 April 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=hhv5RZTyfcQ
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa ating Araw ng Kagitingan sa Pilipinas, April 9, 2013, isang mahalagang pangyayari ang magaganap sa Pransiya! Magbubukas ang pinakamalaking eksibit ukol sa Pilipinas sa Europa sa prestihiyosong Musée du Quai Branly sa Paris na pinamagatang Philippines: Archipel des échanges o Pilipinas: Kapuluan ng Palitan.

Ang karatula sa Quai Branly na nagbabandera ng ating kasaysayan. Mula sa fb ng Pambansang Museo ng Pilipinas.
Magtatagal ang eksibit hanggang sa July 14, 2013 na Pambansang Araw din ng Pransiya na gumugunita sa pagbagsak ng notoryus na Bastille noong 1789 na nagpasimula sa Himagsikang Pranses. Ang eksibit ay bunga rin ng magandang palitan na naganap sa pagitan nina Pangulong Noynoy Aquino at ng bumisitang Primer Ministro ng Pransya Jean-Marc Ayrault noong nakaraang Oktubre.

Oktubre 2012: Nakamasid si Pangulong Noynoy Aquino habang pumiprima si Primer Ministro ng Pransya Jean-Marc Ayrault sa guestbook ng Palasyo. Sa likuran nila ang “Pacto de Sangre” ni Juan Luna, na tumira rin sa Paris noong nabubuhay pa.

Si Pangulong Noynoy Aquino at ang bumisitang Primer Ministro ng Pransya Jean-Marc Ayrault, Oktubre 2012.
Ang bumuo ng eksibit ay sina Corazon Alvina, antropologo at dating direktor ng Pambansang Museo ng Pilipinas at si Constance de Monbrison na tagapangasiwa ng koleksyon na mula sa kapuluang Timog Silangang Asya sa Museong Quai Branly at nagpahiram ng mga ieeksibit ang Pambansang Museo ng Pilipinas, ang Bangko Sentral ng Pilipinas, ang Ayala Museum at ilang mga pribadong mga kolektor.
Hinati ang eksibit sa dalawang bahagi. Ang mga kayamanang kultural bago dumating ang mga Espanyol mula sa kabundukan o ilaya na nagpapakita ng pakikipagpalitan natin sa mga espiritu. Itatampok ang mga representasyon natin sa mga kaluluwa, mga anito at mga bullol sa eksibit na ito.

Lingling-o sa mga kabundukan ng Hilagang Pilipinas. Pinaniniwalaang sumasagisag sa isang usa o sa matris ng isang babae.
Itatampok din ang mga kayamanang kultural mula sa dalampasigan o ilawud na magpapakita ng iba’t ibang kayamanang kultural na bunga ng mayamang pakikipagpalitan ng kalakal ng mga Pilipino sa mga kapitbahay nito sa Asya—Ang impluwensyang Indian, Indones, Tsino, Arabo lalo na ang Islam ay maitatanghal.
Itatampok din sa eksibit ang mayaman nating kultura sa paggawa ng bulawan o gintong mga alahas at ang ating kultura ng paglilibing sa mga banga at mga kabaong hugis Bangka at makikitang nagpalitan din ang mga taga ilaya at ilawud at ang sining natin ay maikokonekta sa iisang ninuno nating mga Austronesians.
Ang Museo Quai Branly na nakapaligid sa isang hardin at binuksan noong 2006 ay nagtataglay ng 400,000 na mga museum objects at binibisita ng halos isa’t kalahating milyong tao taon-taon.
Kaya kung mapadpad kayo sa Paris sa mga susunod na mga araw at buwan, bisitahin natin ang Museo Quai Branly upang makita ang sarili nating kultura na tinitingala ng ibang bansa. At tayong mga hindi pinalad makapunta doon, nariyan ang National Museum at iba pang museo na naghihintay lang sa ating pansin.
Nakikilala na ng mga eksperto sa ibang bansa ang isang katotohanang marami sa ating mga kababayan ang hindi pa nila napapagtanto: Tayo ay Pilipino, mahusay, magaling. At dahil April Fool’s Day ngayon, kailangan kong sabihing, hindi ito joke. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 23 March 2013)