XIAOTIME, 4 February 2013: ANG UNANG PUTOK NG PHILIPPINE AMERICAN-WAR
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 4 February 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Priate William Grayson habang minimonstra kung paano niyo estupidong binaril ang isang sundalong Pilipinong wala namang sinagawa sa kanya. Mula kay Arnaldo Dumindin.
4 February 2013, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=WWQm7EySsNk
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 114 years ago ngayong araw, February 4, 1899, nagsimula ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Noon tinawag itong insureksyon ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano. Ngunit kung tatanggapin natin ito, sinasabi natin na nasa ilalim na nga tayo noon ng mga Amerikano. Pinalitan ito ng mga historyador na Pilipino ng “Philippine-American War” sapagkat ang Estados Unidos noon ay nakikipaglaban na sa isang republika, ang republika ng mga Pilipino sa Malolos.
Noong mga panahon na iyon, nakita na ng mga Pilipino ang interes ng mga Amerikano na sakupin ang Pilipinas sa kabila ng pagtulong nila sa atin upang magapi ang mga Espanyol. Hindi sila pinapasok ng mga Amerikano sa Maynila at pinagsarhan pa ang ating mga diplomat ng pinto sa Paris sa mga usapan para sa pagbili ng America sa Pilipinas mula sa Espanya.

Hindi pinapasok ang mga kawal na Pilipino sa Intramuros nang makuha ito ng mga Amerikano. Mula sa Ayala Museum: The Diorama Experience.
Nilagdaan ang tratado noong December 10, 1898. Subalit, hindi pa agad ito epektibo, ito ay kailangan munang aprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos. Mainit ang mga naging debate. Para kina William Jennings Bryan at mga Democrats, mga anti-imperialist sila. Hindi dapat kunin ang Pilipinas.
Ngunit ang mga Republicans naman ang mga pro-imperialist, kailangan nila tayong masakop upang ituro sa atin ang demokrasya at pamamahala, to Christianize and civilize our little brown brothers. Ito ang tinatawag nilang white man’s burden—obligasyon ng puti na gawin ito sa mga iba ang kulay. Nais nila tayong sakupin nang may mabuting hangarin—benevolent assimilation. Tsk, mga sentimental imperialists. Noong gabi ng February 4, 1899, isang Amerikanong may dugong Ingles na si Private William Grayson ay nakakita ng isang Pilipinong naglalakad malapit sa tinatawag na Blockhouse 7.
Ayon sa kanya, “I yelled ‘Halt!’ and made it pretty loud, for I was accustomed to challenging the officer of the guard in approved military style. I challenged him with another loud ‘halt!’ Then he shouted ‘halto!’ to me. Well, I thought the best thing to do was to shoot him. He dropped. If I didn’t kill him, I guess he died of fright.”
May pagka-estupido rin itong Amerikanong ito, paano titigil ang Pinoy kung sa Ingles niya sinabi ang kanyang warning. Si Corporal Anastacio Felix ng 4th Company, Batalyong Morong ang unang tinamaan ng bala. Nagkabarilan na ang mga pwersang Pilipino na nagmula sa direksyon San Juan del Monte at ang mga Amerikano.
Nga pala, hindi ito nangyari sa Tulay ng San Juan tulad ng matagal na nating alam kundi sa may bandang Sta. Mesa na nga kung saan matatagpuan ang Blockhouse 7, sa Kalye Silencio pagitan ng Sociego sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinabukasan, sa tulay ng San Juan at iba pang mga lugar sa Maynila at mga kalapit na lugar, tumindi na ang bakbakan. Ang daming namatay. At dahil pinakalat ng mga Amerikano na tayong mga Pilipino ang unang nagpaputok ng baril, ayun, lumakas ang suporta para sa pagsakop ng Pilipinas at noong February 6, 1899, naratipika ang Tratado ng Paris sa Kongreso ng Estados Unidos at naging legal sa mga Amerikano ang pananakop nila ng Pilipinas. Ito ang medyo nakakabwisit na pagsisimula ng ating pakikidigma sa mga Amerikano, isang digmaan na kumitil ng tinatayang 200,000 mga Pilipino.

Mga nakangiting Amerkano, February 5, 1899. Nakapose na mga Amerikano sa tabi ng mga namatay na mga Pinoy. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Matatapos ang digmaan hindi pa sa pagkahuli kay Heneral Aguinaldo noong 1901 kundi sa huling laban ng mga Moro at Amerikano sa Bud Bagsak noong 1913. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiaotime.
(Andrew Bldg, DLSU Manila, 28 January 2013)