PAGGAMOT SA GITNA NG PAGGAHASA: Ang mga Pagamutan Bilang Pook ng Brutalidad at Kabayanihan Noong Labanan Para sa Liberasyon ng Maynila (3 Pebrero – 3 Marso 1945)

by xiaochua

Ang artikulong ito, ang ikatlong refereed publication ni Xiao Chua, ay nailathala sa Daluyan:  Journal ng Wikang Filipino, Blg. 1-2 (2009), 39-57.  Muling inilalathala sa websayt na ito bilang paggunita sa ika-68 anibersaryo ng Battle for the Liberation of Manila, kung saan ang Maynila ang naging ikalawang pinakagumuhong “Allied” na lungsod sa daigdig (Maraming mga Axis na lungsod ang mas nasira at iilan lamang talaga ang mga Allied na lungsod ang nasira, pinakanasira ang Warsaw, Poland).  Maaaring mai-download ang buong papel dito mismo: Chua – Kawaning Medikal 1945

Malate, Philippine Women's University at Remedios Circle matapos ang liberasyon.  Sa kabila ng pagkawasak, paggahasa at kamatayan na ito, patuloy na nagsilbi ang ating mga bayaning doktor.  Mula sa koleksyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Malate, Philippine Women’s University at Remedios Circle matapos ang liberasyon. Sa kabila ng pagkawasak, paggahasa at kamatayan na ito, patuloy na nagsilbi ang ating mga bayaning doktor. Mula sa koleksyon ni Dr. Luis Camara Dery.

Mula sa introduksyon nina

Apolonio B. Chua at Galileo Zafra, Mga Patnugot ng Daluyan 2009

Kapuri-puri rin ang tagumpay ng pananaliksik sa wikang Filipino sa larang ng kasaysayan, partikular sa kasaysayan ng Filipinas.  Laman sa kasalukuyang isyu ang dalawang dagdag sa marami-rami na ring talaksan ng mga pananaliksik sa larang na ito sa wikang Filipino.  …napagtuonan ang dalumat ng karahasan at kabayanihan sa pagsasalaysay ni Michael Charleston B. Chua sa artikulong Paggamot sa Gitna ng Paggahasa:  Ang mga Pagamutan Bilang Pook ng Brutalidad at Kabayanihan Noong Labanan Para sa Liberasyon ng Maynila (3 Pebrero – 3 Marso 1945).  Naging tuon dito ang mga ospital, ang karahasan at kabayanihang umagos sa mga espasyong ito sa panahong tukoy sa pag-aaral. Lalong kumikinang ang disiplina ng kasaysayan at ang dalawang ambag na artikulo sa kasalukuyang isyu at konteksto ng muling pagsusuri at pagtatasa sa umiiral na sistema ng pag-aaral ng kasaysayan (ng Filipinas) sa kasalukuyan, lalo na sa antas tersiyaryo.  Sa pagdami ng pananaliksik sa kasaysayan ng Filipinas na nasusulat sa wikang Filipino, at hindi rin dahop ang mga nangaunang isyu ng Daluyan sa mga nailathala na, masasabing lalong nagiging higit na handa, kundi man, handang-handa na ang naturang disiplina na ituro ang kaalaman sa wikang Filipino.  Nabubuksan ang katunayan ng pagiging sulong na puwersa ng wika ng istoryador.  Nasa kaniya ang hamon, at kung panghahawakan pa niyang lalo ang pananaliksik at pagtuturo sa naturang disiplina sa wikang Filipino, ibayong pag-ungos ito.  Marahil, mayayanig ang ibang disiplina sa agham panlipunan na hindi pa ganon kasulong sa pagtataguyod ng pananaliksik sa kanilang disiplina sa wikang Filipino (vii-viii).

Abstract:

Hospitals were set afire after the patients had been strapped to their beds. The corpses of males were mutilated, females of all ages were raped before they were slain, and babies’ eyes were gouged out and smeared on walls like jelly.”

–Donald L. Miller

Mahigit kalahating dantaon na ang nakararaan, nabibigla pa rin tayo sa tuwing ating naririnig ang mga kuwento ng brutalidad na tulad ng naisalarawan ni Miller. Mga karanasang tila mga multong ninais kalimutan subalit patuloy na gumigitla sa atin.  Sa inyong nabasa, maging ang mga maysakit at ang mga pagamutan ay hindi pinatawad ng karahasan na isinagawa ng mga natatalong Hukbong Hapones sa labanan para sa “Liberasyon” ng mga Amerikano sa Maynila.

Sa tuwing pinag-uusapan ang mga digmaan sa kasaysayan, ating tinitingnan ang pagkilos ng mga kawal, ang mga pinuno, ang mga tagumpay at mga kabiguan sa labanan.  Nakakaligtaan na sa likod ng mga nakatalang mga pangyayaring ito sa mga digmaan, ay ang iba’t ibang walang pangalang mga tao na naging biktima ng karahasan, o di kaya’y nagsisilbi sa mga digmaan bilang mga kawaning propesyonal.

Bibigyang-pansin natin ngayon ang mga instalasyong medikal noong Liberasyon ng Maynila.  Kabilang sa mga minasaker ng Hukbong Hapones ang mga pasyente at kawani ng mga pagamutan.  Nadamay rin sa artillery shelling na isinagawa ng mga Amerikano ang mga ospital.  Nanganib ang mga gusaling ito sa karahasan subalit ang mga doktor at nars ay patuloy na nanilbihan sa mga pasyente, hindi ininda ang panganib na dulot ng labanan.  Nang kinailangan sila ng pagkakataon, sinunod nila ang tawag ng panahon, ilan sa kanila’y naging mga martir.  Ito ang kanilang kuwento.

Mula sa Warsaw of Asia:  The Rape of Manila.

Mula sa Warsaw of Asia: The Rape of Manila.

Mrs. Agerica at Dr. Antonio Gisbert.  Mula kay Jose Ma. Bonifacio M. Escoda.

Mrs. Agerica at Dr. Antonio Gisbert. Mula kay Jose Ma. Bonifacio M. Escoda.

Dr. Antonio G. Sison.  Larawan kinunan ni Xiao Chua mula sa Philippine General Hospital.

Dr. Antonio G. Sison. Larawan kinunan ni Xiao Chua mula sa Philippine General Hospital.

Honorato "Rety" Quisumbing.  Larawan kinunan ni Xiao Chua mula sa De La Salle University Manila.

Honorato “Rety” Quisumbing. Larawan kinunan ni Xiao Chua mula sa De La Salle University Manila.

Unang pagkikita ni Xiao Chua at Dr. Conrado Dayrit sa Nawawalang Paraiso, Tayabas, Quezon, August 19, 2005.

Unang pagkikita ni Xiao Chua at Dr. Conrado Dayrit sa Nawawalang Paraiso, Tayabas, Quezon, August 19, 2005.

Panayam ni Xiao Chua kay Dr. Conrado Dayrit para sa papel na ito.  Unilab, Mandaluyong City, March 15. 2006.

Panayam ni Xiao Chua kay Dr. Conrado Dayrit para sa papel na ito. Unilab, Mandaluyong City, March 15. 2006.

Pag-aalay

Ang papel na ito ay iniaalay kay Dr. Ricardo Trota José, guro, tagapayo, at pinakamahusay na nabubuhay na historyador ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Filipinas, na inspirasyon ko upang maging isang mabuting historyador at guro; at sa aking mga estudyante sa Kasaysayan 1 sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa loob ng tatlong taon (2005-2008), at KasPil 1 at KasPil 2 sa Unibersidad ng De La Salle Maynila (Simula 2008), mga nakasabay sa paglalayag sa Balanghay Pangkasaysaysan (BANGKA).  Nawa’y ang bagong henerasyong kanilang kinabibilangan ay hindi na magdanas ng lubhang kahayupan ng tao na tulad ng nangyari sa panahon ng digmaan.  Ang susi ng kinabukasan ay nasa kanila.