XIAOTIME, 23 January 2013: SAYSAY NG REPUBLIKA NG MALOLOS
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 23 January 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
23 January 2013, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=ncw0CY8dqC0

Si Emilio Aguinaldo patungo sa kanyang inagurasyon bilang pangulo Unang Republika sa Malolos, 23 Enero 1899. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 114 years ago ngayong araw, January 23, 1899, matapos ang ratipikasyon ng isang konstitusyon na binalangkas ng Kongreso ng Malolos, pinasinayaan sa Simbahan ng Barasoain ang Republica Filipina, na mas kilala sa tawag na Republika ng Malolos.
Ang republikang ito ay itinatag upang patunayan sa mga dayuhan na umaakmang agawin ang tagumpay ng ating himagsikan na mayroon na tayong sariling estado na namumuno sa ating sarili. Kung ikukumpara kahit sa iba pang mga dakilang bansa sa Asya tulad ng Tsina at India, ang republikang ito ang itinuturing na Unang Konstitusyunal na Demokratikong Republika sa Asya sa kanluraning modelo dahil na rin sa unang paggalaw ng paghihimagsik ni Andres Bonifacio noong 1896. Wala na siya sa eksena nang magkaroon ng Republika. Si Emilio Aguinaldo na ang el presidente na sumumpa sa katungkulan noong araw na iyon at inatasan niya si Apolinario Mabini na maging pangulo ng gabinete at kalihim ng Ugnayang Panlabas.
Ang konstitusyon na niratipika at pangunahing inakda ni Felipe Calderon na kinopya sa mga konstitisyon ng Pransya, Belgium, Brazil, Mexico, Guatemala at Costa Rica.
Ipinaglaban naman ng ibang delegado ang kalayaan sa pananampalataya. Upang hindi magkaroon ng monopolyo ang iisang tao o grupo sa kapangyarihan at magkaroon ng checks and balances, nagkaroon din ng tatlong sangay ang pamahalaan—executive, legislative at judiciary.
Dahil nga panahon ito ng digmaan at himagsikan, may mga lugar sa Pilipinas na kinatawan ng mga taong hindi mana taga-roon ngunit kahit papaano nagkaroon ng semblance ng representasyon ng buong Pilipinas. Nagpadala pa ng diplomat ang pamahalaan ito sa Pransya at Amerika sa iba’t ibang bansa, si Felipe Agoncillo, na napagsarhan ng pinto sa Paris nang pinag-uusapan na ang pagbili ng Estados Unidos sa Pilipinas mula sa Espanya.

Sina Felipe Agincillo at Juan Luna bilang mga diplomat na Pilipino sa ibang bansa. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Ngunit bakit tinawag na Krisis ng Republika ng historian na si Teodoro Agoncillo ang mga pangyayari sa Malolos. Kung titingnan ang mga pulitikahan na nangyari sa loob ng republika, lalo na ang naging mga paninira kay Mabini, parang salamin din ito ng pulitika na umiiral sa mga pinuno natin hanggang ngayon. Kung titingnan ang mga larawan ng mga kasiyahan sa Malolos ayon kay Zeus Salazar, mapapansin na ang mga taga-Malolos ang bayan, ay nakamasid lamang sa paligid, nasa tagiliran lamang sila.

Ang parada ng pangulo sa pagpapasinaya ng Republika ng Malolos, January 23, 1899. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Sa larawan na ito sa loob ng simbahan ng Barasoain habang binubuksan ang Kongreso noong September 15, 1898, matagal nang may mga nakakapansin sa linyang nasa larawan, ngunit nang pakitaan ako ng mas malinaw na larawan ni Ian Alfonso, napansin namin na lubid ito na naghihiwalay sa mga kinatawan ng kongreso at ng mga manonood na mamamayan.

Ang larawan ng pagbubukas ng Kongreso ng Malolos noong September 15, 1898. Pansinin ang mahabang linya, ang tali. Mula kay Arnaldo Dumindin.
Kinagabihan, sa piging na ginanap, ang menu nila ay nasa Wikang Pranses. At taliwas sa pinakita ng isang pelikula na San Miguel Beer ang kanilang ininom na noon ay inumin ng mga mahihirap, nakalagay sa menu na champagne, cognac at iba pa ang kanilang tinungga.

Menu ng piging para sa pagbubukas ng Kongreso ng Malolos na nasa Wikang Pranses., September 15, 1898. Sosyal. Mula kay Dr. Ambeth R. Ocampo.
Pakana lahat ni Pedro Paterno ang kabonggahan na ito habang ang mga karaniwang tao ay naghihirap. Bagama’t kapuri-puri ang republika sa paggiit na may sarili na tayong pamahalaan na una pa sa mga nasakop na mga bansa sa Asya, kailangang tanggapin ang katotohanan na salamin din ito ng pagsisimula ng demokrasyang elit na umiiral sa atin hanggang ngayon. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 19 January 2013)