UNDRESS BONIFACIO, Part I: Ang Supremo Bilang Pinunong Militar

by xiaochua

Isang hinirayang larawan ng Supremo ng Katipunan na nakauniporme ng rebolusyon. Bilang isang aktor sa teatro, malamang sa malamang alam niya ang importansya at pangangailangan ng pagsusuot ng uniporme sa harap ng kanyang mga unipormadong heneral (Mula sa Tragedy of the Revolution).



UNDRESS BONIFACIO: 

Paghubad sa Kamisa ng Mito ng Bobong Supremo[1]

Isang dokumentaryo ni Xiao Chua

Watch:  http://www.youtube.com/watch?v=5gdBTMRKaAY

150 taon makalipas ang kanyang kapanganakan, ang Supremo ng Katipunan ay nababalutan ng ilang mga mito.  Kaya kailangan hubarin ang mga ito.

Part I:  Ang Supremo Bilang Pinunong Militar

  1. Agosto 29-30, 1896:  Ang Pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila

Ang sabi-sabi, ang bayaning si Andres Bonifacio ay bobo AT WALANG ISTRATEHIYANG MILITAR!

Ngunit ayon kay DR. ZEUS A. SALAZAR, MERON!

24 Agosto 1896:  Nagpulong ang Kataas-taasang Sanggunian ng KKK, itinatag nila ang Rebolusyunaryong Pamahalaan.

Hinalal ang Supremo Andres Bonifacio bilang UNANG PANGULO ng Unang Pambansang Pamahalaan sa Pilipinas at napagkasunduan na ganapin na ang pagsalakay sa Maynila sa HATINGGABI ng 29-30 Agosto.

Ang plano:  PALIBUTAN ANG INTRAMUROS (MANILA)

ITO AY HABANG KARAMIHAN NG PWERSANG ESPANYOL AY ABALA PA SA PAKIKIPAG-BAKBAKAN SA MGA MUSLIM SA MINDANAO

KAPAG NAKUHA ANG SENTRO, ANG ULO NG DRAGON, MAGWAWAKAS ANG IMPERYONG ESPANYOL SA ASYA!

Sasalakay mula sa tatlong direksyon:

  • FROM THE EAST:  San Mateo, Marikina, pababa ng camino real na nagdaraan sa San Juan at papasok ng Sampaloc
  • FROM THE NORTH:  Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija papasok ng Caloocan at Balintawak tungong Tondo at Binondo
  • FROM THE SOUTH:  Cavite at ilang bahagi ng Pasig

At mula sa LOOB ng INTRAMUROS!  Tinatayang 500 pwersang Pilipino sa pangunguna ng ilang opisyal na mestiso sa ilalim ng mga Espanyol.

25-26 Agosto:  Ilan sa mga unang sagupaan ng mga KKK at ang mga Espanyol sa Pasong Tamo (Tandang Sora), Caloocan at Malabon NANALO ANG MGA KATIPUNERO.

29 Agosto, umaga:  NABISTO ang 500 sundalong PILIPINO sa loob ng INTRAMUROS!  Ipinatapon sila sa Mindanao!

Sa gabi at madaling araw na napag-usapan 29-30 AGOSTO 1896.  Nagkaroon ng pag-atake sa buong lalawigan ng Maynila lalo na sa Sampaloc, Sta. Ana, Pandacan, Makati, San Juan at Pasig, kasama ng Laguna…

HINDI UMATAKE ANG CAVITE

Ayon kay Hen. Emilio Aguinaldo, namuti daw ang kanilang mga mata SA KAKAHINTAY NG NAPAGKASUNDUANG HUDYAT.  Iba-iba ang bersyon ng hudyat:  pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis.

KUMALAT ANG MGA TSISMIS KUNG BAKIT HINDI NAGANAP ANG NAPAGKASUNDUANG HUDYAT: nakatulog daw si Bonifacio, o nakipagkwentuhan daw sa kasama at hindi namalayan na 4:00 ng umaga na!

NGUNIT BAKIT MAY SINASABING HUDYAT KUNG MAY ORAS NA NAPAG-USAPAN?

Hatinggabi ng 29-30 Agosto:  ang pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, at pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis, AY MAKIKITA KAYA MULA SA MALAYONG MGA PAMPANG NG CAVITE?

At kahit makikita nga ang pagpatay ng ilaw sa Bagumbayan, pagpapalipad ng lobo, pagpapasabog ng kanyon o pagpapaputok ng kwitis AY DOON PA LAMANG BA SUSUGOD PA-MAYNILA ANG MGA PINUNO NG CAVITE?

Edi pagdating nila doon tapos na ang labanan?

Tanong ni Zeus A. Salazar:

  • Umuwi na lamang ba sila dahil ayon sa mga French Consular Reports ay umuulan sa Maynila noong gabing iyon?
  • Hindi kaya ayaw lamang sumama o kumilala sa awtoridad ng Supremo ang mga pinuno ng Cavite?

SAPAGKAT MAY SARILING TRIP ANG MGA ELIT SA CAVITE

  1. ‘Real’ ni Bonifacio Bilang Teknikang Militar sa Kasaysayan ng Pilipinas

Si Edilberto Evangelista, isang matalinong inhinyerong nagtapos ng pag-aaral SA BRUSSELS, BELGIUM, ang nagplano ng mga TRENCHES sa mga bayan sa CAVITE.

Sa mga unang labanan, dahil kakaunti lamang ang mga Espanyol, SUNOD-SUNOD ANG TAGUMPAY NG HIMAGSIKAN SA CAVITE!

Ngunit nang dumating ang reinforcement ng mga Espanyol UNTI-UNTING BUMAGSAK ANG MGA BAYAN SA CAVITE.

Bakit?

DAHIL KABISADO NG MGA ESPANYOL ANG KANLURANING PAKIKIDIGMANG TRINTSERA:  magastos, hindi madaling maiwanan, madaling mapaligiran, at kapaki-pakinabang sa mga Espanyol kapag nakukuha.

Mga trintsera sa Kabite na ginawa ni Edilberto Evangelista, nagamit ng mga Amerikano para labanan ang mga rebolusyunaryo sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano (Mula sa Kasaysayan: the Story of the Filipino People)

Ayon sa DR. ZEUS A. SALAZAR, may istratehiyang militar na sinimulan si ANDRES BONIFACIO na sinunod ng maraming heneral sa buong Pilipinas

MULA SA ISTRATEHIYA NG MGA NINUNONG PILIPINO “ILIHAN.”

Ilihan—pag-atras ng bayan sa mga burol o kabundukan upang maging ligtas sa sakuna o makibaka sa mga kalaban.  Ginamit ng mga unang naghimagsik sa mga Espanyol.

Itinatag ni Bonifacio ang mga “REAL”.  Kataga itong Espanyol para sa kampo.  Sa gamit ng Katipunan:  “Komunidad na may tanggulan malapit sa bayan”

Unang naisip ni Bonifacio sa kanyang paglalakbay sa Bundok Tapusi (Montalban, Rizal), at natatag sa Balara at Krus na Ligas, Masuyod (Marikina), Kakaron de Sile, Puray, Kamansi, Minuyan, Makiling, Banahaw, atbp.  Lumaganap din sa mga kabundukan ng Tayabas, Morong (Rizal), Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija.

Ang bundok kung saan pinaniniwalaang nagapos ang Haring Bernardo Carpio, Tapusi, Montalban (Rodriguez, Rizal), ay isang real ni Bonifacio (Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People)

Gamit ng “real” ang mga natural na anyo sa kalikasan tulad ng mga kakahuyan, mga bato, mga kweba at mga bundok.  Dahil pakikidigmang mas angkop sa Pilipino:  Hindi ito kailangang gastusan, madaling iwanan at balikan kapag hinabol sila roon marami sila lulusutan, hindi mapakikinabangan ng mga Espanyol at pahihirapan sila dahil wala silang kasanayan.

Matapos ang mga pagsalakay sa Pinaglabanan,  Kahit na natalo ang mga Katipunero.  Hindi sila naubos at nalipol.  Hindi rin sila nahabol ng mga Espanyol.  Dahil naka-atras sila sa mga “real.”  Ang pinagtuunan ng pansin ay ang Cavite na mas kaya nilang pataubin.

At nang tuluyang bumagsak ang mga trintsera sa Cavite at tuluyang matalo si Aguinaldo ang sumalo kay Aguinaldo ay ang mga “real” na ipinatayo ng “walang taktikang-militar” na si Bonifacio hanggang sa mapadpad siya sa  “real” ng BIYAK-NA-BATO sa San Miguel, Bulacan!  Kung saan nagkaroon sila ng bentahe na MAKIPAGKASUNDO SA MGA ESPANYOL, linlangin sila at kalaunan ituloy ang Revolucion habang ang HIMAGSIKAN ay IPINAGPATULOY ng mga ANAK NG BAYAN.

Ayon kay JOHN RAY RAMOS, nagtapos ng BA Kasaysayan sa UP Diliman at tagapagsaliksik para sa Sandatahang Lakas (AFP), may pagkakaiba ang TAKTIKA at ISTRATEHIYA:

Ang TAKTIKA ay pag-iisip ng pakikidigma sa MAS LIMITADONG LUGAR, MAS ISPESIPIKO ANG PAMAMARAAN, habang ang ISTRATEHIYA ay pag-iisip ng MAS MALAWAKANG PAKIKIDIGMA.

Kung gayon, sa pag-iisip ng pagpapalaya lamang ng mga bayan sa Cavite, si Aguinaldo ay nasa lebel ng taktika pa lamang noong 1896, habang sa pag-iisip ng ideya “real” at pagnanais na SALAKAYIN ANG MAYNILA ANG SENTRO NG KAPANGYARIHAN, ang Supremo Bonifacio ay mas istratehiko

Samakatuwid HINDI TOTOONG WALANG ISTRATEHIYANG MILITAR SI BONIFACIO.  HINDI NGA LAMANG ITO PAPASA SA MGA KANLURANIN SAPAGKAT NAG-UGAT SIYA SA ISTRATEHIYA NG SINAUNANG BAYAN

Ayon kay DR. MILAGROS C. GUERRERO:

“As commander-in-chief, Bonifacio supervised the planning of military strategies and the preparation of orders, manifests and decrees, adjudicated offenses against the nation, as well as mediated in political disputes.  He directed generals and positioned troops in the fronts.  On the basis of command responsibility, all victories and defeats all over the archipelago during his term of office should be attributed to Bonifacio.

 “The claim by some historians that ‘Bonifacio lost all his battles’ is RIDICULOUS.”

HUWAG KA LANG MANIWALA DITO, MAGBASA KA!

SANGGUNIAN

Zeus A. Salazar, Agosto 29-30, 1896:  Ang Pagsalakay ni Bonifacio sa Maynila (Miranda Bookstore, 1997.

Zeus A. Salazar.  “Ang ‘Real’ ni Bonifacio Bilang Teknikang Militar sa Kasaysayan ng Pilipinas,” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas 1, 1997.

Milagros C. Guerrero, Emmanuel N. Encarnacion at Ramon N. Villegas.  “Andres Bonifacio and the 1896 Revolution,” Sulyap Kultura 2, 1996.

Panig ng mga taga-Cavite:

Isagani R. Medina, ed.  Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik (Revolucion) nang 1896-97 Sinulat ni Carlos Ronquillo y Valdez (Palimbagan ng Pamantasang ng Pilipinas, 1996)


[1]               Inspirasyon mula sa sampaksaang Undress Bonifacio na unang isinagawa ng UP Lipunang Pangkasaysayan sa UP Diliman noong 26 Nobyembre 2008 at ipinagpatuloy ng DLSU Departamento ng Kasaysayan noong 2009 at 2011.