UNDRESS BONIFACIO, Part II: Ang Supremo Bilang Unang Pangulo ng Pilipinas

by xiaochua

Mukha ni Andres Bonifacio na batay sa kanyang tanging larawan na ihinalo sa ilustrasyon ng mga Espanyol na batay sa larawan na iyon. Kinulayan ni @ Jesusa Bernardo.

UNDRESS BONIFACIO: 

Paghubad sa Kamisa ng Mito ng Bobong Supremo[1]

Isang dokumentaryo ni Xiao Chua

Watch:  http://www.youtube.com/watch?v=hct6cXs6EYE

150 taon makalipas ang kanyang kapanganakan, ang Supremo ng Katipunan ay nababalutan ng ilang mga mito.  Kaya kailangan hubarin ang mga ito.

Part II:  Ang Supremo Bilang Unang Pangulo ng Pilipinas

Noong 22 Marso 1897, hiniling sa Kumbensyon sa Tejeros ng mga elit na taga Cavite NA BUWAGIN ANG KATIPUNAN upang magtatag ng REBOLUSYUNARYONG PAMAHALAAN.  Pumayag ang Supremo ng Katipunan ANDRES BONIFACIO sa kondisyong igagalang ang pasya ng nakararami.

Ngunit MAY BULONG-BULUNGAN, NA MAY NAKASULAT NANG MGA PANGALAN SA MGA BALOTA.  DAYAAN SA HALALAN 1897 STYLE???

At sa halalang naganap, nahalal in absentia si HEN. EMILIO AGUINALDO BILANG BAGONG PANGULO NG REBOLUSYUNARYONG PAMAHALAAN.  Nahalal rin si Andres Bonifacio bilang DIREKTOR NG INTERYOR.

Ngunit tinutulan ni Daniel Tirona at ininsulto pa ang Supremo.  Tinawag na WALANG PINAG-ARALAN.

Daniel Tirona

Nagpuyos sa galit ang Supremo, at nang hindi binawi ni Tirona ang sinabi.  BUMUNOT NG BARIL si Bonifacio ng baril at tinutukan si Tirona.  Napigilan ni Hen. Artemio Ricarte ang Supremo at BILANG SUPREMO NG KATIPUNAN, IDINEKLARANG WALANG SAYSAY ANG PULONG NA NAGANAP.

At dito nagsimula ang landas tungo sa kamatayan ng Supremo

Umalis si Bonifacio sa kumbensyon sa paniniwalang SIYA PA RIN ANG PINUNO NG HIMAGSIKAN.  Habang ang mga nasa kumbensyon ay itinalaga na si Emilio Aguinaldo bilang BAGONG PINUNO NG HIMAGSIKAN!  At sa POWER STRUGGLE na naganap ANG NASAWI AY ANG SUPREMO.

Ngunit hindi ba pamahalaang rebolusyunaryo na mismo ang Katipunan ni Bonifacio?

Ayon kay DR. MILAGROS GUERRERO, OO!

Sa pagputok ng Himagsikan, 24 AGOSTO 1896, nagpulong sa bahay ni Tandang Sora sa Sitio Gulod, Barrio Banlat, Kalookan, ANG KATAAS-TAASANG SANGGUNIAN at itinatag nila ang KATIPUNAN BILANG REBOLUSYUNARYONG PAMAHALAAN at si Andres Bonifacio ang kanilang hinalal “by acclamation” BILANG UNANG PANGULO!

Unang Bugso ng Himagsikan sa obra ni Rody Herrera na nagwagi ng ikalawang gantimpala sa 1963 Bonifacio Centennial National Art Contest (Nasa City Hall ng Lungsod ng Maynila).

MAGING ANG MGA ESPANYOL, KINILALA SIYANG PANGULO BAGO PA MAGING PANGULO SI AGUINALDO.  Sa dyaryong Espanyol na “La Ilustracion Española y Americana” noong Pebrero 1897, kinilala si Bonifacio bilang TITULADO ((PRESIDENTE)) DE LA REPUBLICA TAGALA.

Pebrero 1897 (Mula sa Koleksyon ni Emmanuel Encarnacion)

Kung titingnan sa ganitong pananaw, lumalabas na ang nangyari sa Cavite AY ISANG KUDETA!

Dahil hindi naniniwala ang mga elit sa konsepto ng pamahalaan ni Bonifacio na kung hindi siya nasawi ay maaaring naisakatuparan niya AT NAIKINTAL SA PAMAHALAAN NGAYON

ANO BA ANG TUNAY NA DIWA NG PAMAHALAANG KATIPUNAN?

Xiao Chua (on location mula sa Tejeros Convention Center, Rosario, Cavite):

“Ang Katipunan daw ay organisasyon ng mga bobong masa na sugod lang ng sugod at walang ginawa kundi maging bayolente. Si José Rizal ang favorite hero ko kasi peaceful siya; si Bonifacio ayaw ko dahil bayolente siya. Pero hindi lang po yon, kung makikita natin ang isinulat na ito ni Emilio Jacinto, “Katipunan ng mga A.N.B. …”  ‘Ang kabagayang pinag-uusig ng katipunang ito ay lubos na dakila at mahalaga; papagisahin ang loob at kaisipan ng lahat ng tagalog (*) …upang sa pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katuiran at Kaliwanagan.’

“In short, magsama-sama ang mga Tagalog para magkaroon ng lakas na tanggalin ang mga nakakabulag sa atin at itatag ang daang matuwid at daang maliwanag. Ha, daang matuwid? Di ba sabi ni Noynoy, “sama-sama po tayo sa daang matuwid.”  Panahon pa pala ni Andres Bonifacio iyan, hinahanap niya iyan. Iyan ang kanyang goal: isang maliwanag na bansa. Nagkakaisa ang mga Tagalog. Ha, Tagalog lang? Iyan lang ba ang tanaw ni Andres Bonifacio? Na hindi siya pambansa? Teka, teka, tingnan niyo po. May asterisk ang tagalog. Nag-footnote pala ang lolo Emilio Jacinto. O ano ang footnote niya?  :  ‘…katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.’

Limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan (Mula sa Koleksyon ni Emmanuel Encarnacion).

“In fairness di ba? Siya mismo, had a clear vision of what this country is – united, may kaliwanagan, may katuwiran and everyone is there. Luzon, Visayas and Mindanao [are] there. Kaya nga, bakit ayaw niya ng Philippines? Kasi nga ang Philippines, pangalan ng hari ng Espanya iyan e. Look at this, Tagalog ang itinawag niya sa kanyang bansa.

“Well some people said, Bonifacio claimed that he is king. Haring Bonifacio. One time we went here in Cavite, someone shouted, “Mabuhay ang hari!” Ha, mabuhay ang hari? Haring bayan, si Andres Bonifacio ay hari ng bayan? Tingnan po nating mabuti – (Text of letterhead) “Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan.” Sino ang hari? Yung bayan. Kaya bayang katagalugan. Iyan ang kanyang gobyerno. Makikita po ninyo, iyan po ang logo niya – “Haring Bayang Katagalugan, Kataastaasang Kapulungan.” Iyan ang kanyang seal, at ito ang kanyang pirma.”

Letterhead ni Andres Bonifacio, dokumento na nagtatalaga kay Emilio Jacinto bilang Pinunong Hukbo ng Hilaga ng Maynila, 15 Abril 1897 (Mula sa Koleksyon ni Emmanuel Encarnacion).

Sa kanluraning konsepto ng NACION ng mga elit at kanluranin ang bawat citizen ay may pulitikal na kalayaan ayon sa isang konstitusyon.

Ngunit hindi sapat ito sa konsepto ni Bonifacio ng INANG BAYAN kung saan ang lahat ng Pilipino ay ANAK NG BAYAN.  Kung saan ANG BAWAT ISA AY MAGKAKAPATID SA SANDUGO at ang tunay na kalayaan ay hindi lamang mga karapatan sa papel.

ANG TUNAY NA KALAYAAN AY KAGINHAWAAN at ang kaginhawaan ay natatamo lamang kung may MAGANDANG ASAL AT MABUTING KALOOBAN ANG BAWAT KAPATID

Kaya ang SALIGANG BATAS NG KATIPUNAN, ang KARTILYA NI EMILIO JACINTO ay kalipunan ng mga payo sa KABUTIHANG ASAL at kung saan sinabi na sa Katipunan:  “Dito’y ang kauna-unaunahang utos ANG TUNAY NA PAG-IBIG sa BAYANG TINUBUAN at lubos na pagdadamayan ng ISA’T ISA.”

Tama nga naman, MANALO MAN ANG REBOLUSYON kung HINDI MAGIGING MABUTI ANG MGA MAMAMAYAN AT WALANG MAKAIN, WALANG GINHAWA AT WALANG PAG-IBIG AY WALA RING TUNAY NA KALAYAAN

Sa pagkakaroon ng malinaw na konsepto ng bansa si Bonifacio ay nararapat lamang tanghaling AMA NG SAMBAYANANG PILIPINO.

Ngunit huwag malito:  Si Aguinaldo ang UNANG PANGULO ng “REPUBLIKA” ng Pilipinas, na may kanluraning modelo na umiiral mula 1897 hanggang sa kasalukuyan.

Ngunit si Bonifacio ang UNANG PANGULO ng UNANG PAMBANSANG PAMAHALAANG PILIPINO NA NAUDLOT.  ANG KANYANG KONSEPTO NG BANSA AY “ABORTED.”  At ang hindi nito natapos na gawain sa pagtataguyod ng KALAYAAN, batay sa KAGINHAWAAN, MABUTING KALOOBAN at KAPATIRAN NG LAHAT, ay naputol nang mapatay ang Supremo sa Bundok Nagpatong, Hulog, Maragondon, Cavite.

Bundok Nagpatong, Hulog, Maragondon, Cavite (Mula sa Koleksyon ni Dr. Ambeth R. Ocampo)

Alternatibong bersyon ng pagpatay kay Bonifacio na ipininta ni Carlos Valino, Jr. (nagwagi ng ikalawang gantimpala sa 1963 Bonifacio Centennial National Art Contest).  “Ang Wakas ni Bonifacio” ay batay sa testimonya ng dalawang sinasabing pumatay sa Supremo kay Hen. Guillermo Masangkay, na siya ay tinaga hanggang mamatay. Sinuportahan ito ng papel ni Danilo Aragon ukol sa kwento ng mga matatanda sa Maragondon na tila pinagbatayan ng tulang “Andres Bonifacio, a-tapang a-tao.” Maraming bersyon ang pagpatay kay Bonifacio liban sa opisyal na tanging eyewitness account ni Lazaro Makapagal. Para sa akin, anumang bersyon ang tama ay hindi na mahalaga (Nasa City Hall ng Lungsod ng Maynila) .

Kung hindi natin pagsikapang ituloy ay patuloy nating binabaril at patuloy nating sinasaksak at patuloy na hindi natin tinatanggal ang balaraw na nakatarak sa Supremo…

SINO KAYA ANG MAGPAPATULOY NG LABAN?

HUWAG KA LANG MANIWALA DITO, MAGBASA KA!

SANGGUNIAN

Milagros C. Guerrero, Emmanuel N. Encarnacion at Ramon N. Villegas.  “Andres Bonifacio and the 1896 Revolution,” Sulyap Kultura 2, 1996.

Zeus A. Salazar.  “Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan,” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 6, 1999.

Zeus A. Salazar.  “Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon,” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 8, 1999.

Isagani R. Medina, ed.  Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik (Revolucion) nang 1896-97 Sinulat ni Carlos Ronquillo y Valdez (Palimbagan ng Pamantasang ng Pilipinas, 1996)

Gimenez-Maceda, Teresita.  “The Katipunan Discourse on Kaginhawahan:  Vision and Configuration of a Just and Free Society,”  Kasarinlan, 1998.

Michael Charleston B. Chua at Alvin D. Campomanes.  “Makabagong Emilio Jacinto:  Ginhawa, Liwanag, Dilim at Iba Pang Mga Dalumat ng Bayan at Katipunan sa mga Awitin ni Francis Magalona,” 2010.


[1]               Inspirasyon mula sa sampaksaang Undress Bonifacio na unang isinagawa ng UP Lipunang Pangkasaysayan sa UP Diliman noong 26 Nobyembre 2008 at ipinagpatuloy ng DLSU Departamento ng Kasaysayan noong 2009 at 2011.